Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Aklat ni Mormon
Paano ko masasang-ayunan ang propeta?
Agosto 31–Setyembre 6
Si Samuel na Lamanita ay isang propeta na nangaral sa mga Nephita. Maraming hindi tumanggap sa kanya, ngunit mayroong ilan na nakinig at naniwala sa kanyang inspiradong mga turo. Sa pangkalahatang kumperensya at sa iba pang mga pagkakataon, mayroon tayong pagkakataon na pakinggan at sang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson, ang propeta sa ating panahon.
Habang binabasa mo ang tungkol kay Samuel na Lamanita, isipin ang mga paraan na masasang-ayunan mo ang propeta ngayon kapwa sa salita at sa gawa.
Mga Tagubilin para sa Ating Panahon
Noong panahon ni Samuel, ang mga Nephita ay naging masama, kaya inanyayahan ni Samuel ang mga tao na magsisi. Siya ay nagpatotoo rin tungkol sa kapanganakan ni Jesucristo at nagbabala tungkol sa mga panganib ng kasalanan (tingnan sa Helaman 14:11–12). Ano pa ang ibang mga alituntunin na itinuro ni Samuel? Ano ang itinuro ni Pangulong Nelson sa ating panahon?
Hindi Ito tungkol sa Katanyagan
Maraming tao ang nagalit sa mga turo ni Samuel, at pinaulanan nila siya ng mga bato at palaso. Sinabi ni Samuel na handa lamang silang sumunod sa mga [yaong] nagsasabing walang kapalit ang kasalanan (tingnan sa Helaman 13:25–27).
Sa ating panahon, sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang mga propeta ay bihirang maging tanyag.”1 Paano natin maiiwasan ngayon ang paggamit ng mga “bato” at “palaso” na pinaulan ng mga tao sa mga propeta?
Makikinig Ka Ba?
Bagama’t maraming taong hindi tumanggap kay Samuel, mayroong ilan na tumanggap sa kanyang mensahe. Pagkatapos ay kumilos sila ayon sa kanyang mga salita sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapabinyag. Ano ang magagawa mo upang hindi lamang makinig kundi kumilos din ayon sa mga turo ng ating mga propeta at apostol sa mga huling araw?