2020
Ang Paggaling ng Aking Kapatid at ang Pagmamahal ng Ama sa Langit
Setyembre 2020


Ang Paggaling ng Aking Kapatid at ang Pagmamahal ng Ama sa Langit

Pagkatapos ng aksidenteng kinasangkutan ng aking kapatid, nalaman ko na mayroon akong Ama na nagmamahal sa akin.

family in the hospital

Paglalarawan ni Dilleen Marsh

19 taong gulang ang aking kapatid na si Yerko nang nabangga siya ng isang lasing na drayber. Sa kabutihang-palad, ang kaibigan ni Yerko ay kumuha ng klase sa first aid dalawang linggo bago ang pangyayaring iyon. Inasikaso niya ang aking kapatid hanggang sa madala siya ng mga emergency crew sa ospital.

Karamihan ng mga lokal na ospital ay mayroon lamang iisang neurologist na naka-duty, ngunit noong dumating si Yerko, mayroong isang grupo ng mga neurologist na nagtitipon para sa isang espesyal na kumperensya. Inasikaso nila siya kaagad.

Nanatili si Yerko sa ospital nang anim na buwan, tatlo sa mga buwang iyon ay wala siyang malay. Habang naroon siya, araw-araw siyang binabantayan ng aking ina mula 7:00 n.u. hanggang 7:00 n.g. Ang mga miyembro ng ward at stake ay nanalangin at nag-ayuno para kay Yerko at nagbigay sa kanya ng mga basbas ng priesthood. Nabigyang-tugon ang aming mga panalangin noong Enero 1, 2011, nang magising siya. Ang mga miyembro ay patuloy na bumisita kay Yerko at tumulong sa amin na alagaan siya habang nagpapagaling siya sa ospital. Para silang mga naglilingkod na anghel noong mahirap na panahong iyon.

Ngayon, mayroon pa ring mga pisikal na problema is Yerko, kabilang na ang pagkawala ng sariwang memorya o short-term memory loss. Ngunit kaya na niyang maglakad, at kaya na niyang makipag-usap nang normal. Hindi makapaniwala ang mga doktor.

Nasa Young Women ako noon nang masangkot sa aksidente si Yerko. Linggu-linggo kong binibigkas, “Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin,” ngunit hindi ko naunawaan nang lubos ang kahalagahan ng mga salitang ito. Pagkatapos ng aksidente, nalaman ko na talagang mayroon akong Ama na nagmamahal sa akin.

Ang templo ay patunay sa pagmamahal na iyon. Nabuklod kami ni Yerko sa aming mga magulang, kaya alam ko na kahit mawala sa akin ang aking kapatid, makakasama ko siya muli. Naghatid ito ng matinding kapanatagan sa akin at sa aking pamilya.

Ilang sandali lamang pagkatapos ng aksidente, nang sabihin sa amin ng mga doktor na bilang na ang oras ni Yerko, nanalangin ako nang taimtim sa Ama sa Langit na iligtas siya. Nang makaligtas si Yerko, ninais kong magmisyon upang maibahagi sa ibang tao ang mga himalang naranasan namin.

Ang kuwento ng paggaling ng aking kapatid ay naging pagpapala para sa maraming taong naturuan ko bilang isang missionary sa Peru. Sa pagbabahagi ko ng aming mga karanasan, lalo na sa mga taong nahaharap sa mahihirap na sitwasyon, naantig ang kanilang mga puso.

Madalas tayong magtaka kung bakit nangyayari ang mahihirap na bagay, ngunit kapag nagtiwala tayo sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit, alam natin na sa huli, ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti (tingnan sa Mga Taga Roma 8:28).