Mga Young Adult
Isang 3-Hakbang na Gabay sa Pagpapanatili ng Kalusugan ng Iyong Pag-iisip
Ang stress, depresyon, at pagkabalisa ay maaaring unti-unting umatake sa ating buhay sa anumang oras. Narito ang tatlong paraan upang mapanatili ang kalusugan ng iyong pag-iisip.
Bilang isang mental health counselor na may 30 taon na karanasan, madalas ay namamangha ako sa kakayahan ng mga tao na harapin at daigin ang mga hamon. Nabubuhay tayo sa mahihirap na panahon. At madalas, ang stress, depresyon, at pagkabalisa ay dahan-dahang umaatake sa ating mga buhay, lalo na sa panahon ng ating buhay na labis na walang-kasiguraduhan, tulad ng panahon ng pagiging young adult. Ang mga paghihirap na ito kung minsan ay nagbibigay sa atin ng kalituhan at pag-aalinlangan sa ating kakayahan na makipagsabayan sa mga hamon at sumulong.
Ngunit natutuhan ko na kapag binigyan natin ng oras ang pag-aalaga sa kalusugan ng ating pag-iisip, nagkakaroon tayo ng dagdag na lakas at katatagan na harapin ang mga hamon. Maraming bagay ang magagawa natin para sa ating sarili upang palakasin ang kakayahan ng ating isipan para mas maayos nating malampasan ang mga balakid (at matamasa rin ang magagandang pagkakataon!). Narito ang tatlong aspetong pagtutuunan na makatutulong sa iyo na panatilihin sa pinakamaayos na kalagayan ng iyong mental at emosyonal na kalusugan.
Huwag Hamakin ang Kapangyarihan ng Maliliit at Simpleng Bagay na Espirituwal
Ang maliliit na espirituwal na bagay na iyon na magagawa mo bawat araw para mas mapalapit sa Ama sa Langit ay nagbibigay ng malaking kapangyarihan upang tulungan kang mapanatili ang kalusugan ng iyong pag-iisip nang higit pa sa inaakala mo (tingnan sa Alma 37:6–7). Hindi ito nangangahulugan na aalisin ng mga espirituwal na gawi ang ating mga hamon, ngunit binibigyan tayo nito ng lakas, kalinawan ng pag-iisip, walang-hanggang pananaw, pag-asa, at tapang na sumulong.
Madalas kong sabihin sa mga kliyente ko na gawin ang “mga magagandang gawi na pang-araw-araw.” Kabilang sa mga ito ang makabuluhang panalangin araw-araw, pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, paglilingkod sa ating mga tungkulin sa Simbahan o mga responsibilidad, pagsisimba bawat linggo at pagpunta sa templo nang madalas, at pagsisikap na sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Nakita kong binago ng maliliit at simpleng espirituwal na mga gawi na ito ang kakayahan ng mga tao na makipagsabayan sa at daigin ang mga hamon sa matatalinong paraan. Kapag tapat na nangako ang mga kliyente ko na palagian nilang gagawin ang maliliit na espirituwal na mga gawing ito, nakararamdam sila ng mas malaking impluwensya ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Nakita kong dinagdagan ng lakas na iyon ang kanilang espirituwal at mental na lakas. At gumagawa iyan ng malaking kaibhan sa kanilang kakayahang mahanap ang kaligayahan at mapagtuunan ng pansin kung ano ang talagang mahalaga.
Si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpatotoo tungkol dito, sinasabing, “Ang espirituwal na huwaran ng maliliit at mga karaniwang bagay na nagsasakatuparan ng mga dakilang bagay ay nagbubunga ng katatagan at hindi pagkatinag, lumalalim na katapatan, at mas lubos na pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Ebanghelyo.”1
Huwag hayaang pigilan ka ng damdamin ng kakulangan o kawalang-katiyakan sa paggawa ng maliliit na espirituwal na bagay na ito nang may tunay na layunin (tingnan sa Moroni 10:4). Kung ikaw ay naniniwala, o kahit may hangarin man lamang na maniwala (tingnan sa Alma 32:27) na makapagbibigay sa iyo ang mga espirituwal na gawi na ito ng lakas, paggaling, kapayapaan, at pag-asa, maibibigay nila ito.
Tandaang Alagaan ang Sarili
Narinig na nating lahat ang tungkol sa alituntunin ng ebanghelyo na pag-asa sa sariling kakayahan. Madalas ay pinag-uusapan natin ang kaugnayan nito sa pananalapi o temporal na mga pangangailangan. Ngunit ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng konseptong ito ay ang pag-asa sa sariling kakayahan sa aspetong pandamdamin—pag-aalaga sa sarili—na mahalaga sa pagpapanatili ng kalusugan ng ating pag-iisip.
Tulad ng ginagawa natin sa iba, bakit napakahirap para sa marami sa atin na maglaan ng oras para sa ating sarili? Sa palagay ko kung minsan ang ideya ng pag-uukol ng panahon para sa ating sarili ay tila makasarili o pagsasayang ng oras. Pero hindi iyon totoo! Ang pag-aalaga sa sarili ay hindi makasarili! Kung hindi natin aalagaan ang ating sarili, paano tayo magkakaroon ng anumang bagay na maibabahagi sa iba?
Ang pag-aalaga sa sarili ay nagsisimula sa kabatiran tungkol sa iyong mga pangangailangan at kung hanggang saan ang maibibigay mo. Ang pagtukoy, pag-unawa, at pagkilala sa mga damdaming nadarama mo ay mahalaga sa pagtuklas kung ano ang iyong mga pangangailangan. Narito ang ilang gawain para maalagaan ang sarili na makakatugon sa ilan sa iyong mental at emosyonal na pangangailangan:
-
Pangalagaan ang iyong katawan sa pamamagitan ng pagkain ng wastong pagkain, pagtulog nang sapat, at regular na ehersisyo.
-
Bumuo ng mga ugnayan sa mga tao na maaaring mong kausapin at sabihan ng tungkol sa iyong mga alalahanin at kaligayahan.
-
Magkaroon ng mabubuting pinagkakaaliwan, libangan, at mga aktibidad na nagbibigay sa iyo ng kagalakan at tagumpay.
-
Magsulat sa journal para matulungan kang ipahayag ang nararamdaman mo at isaayos ang iyong mga ideya.
-
Maglaan ng oras sa mga outdoor activity.
-
Magtakda ng mga tamang hangganan at magsabi ng hindi kapag mayroon ka nang masyadong maraming inaasikaso.
-
Magsanay na magpasalamat. Ang pagpapasalamat ay tumutulong sa atin na maiwasang kaawaan ang ating sarili o sisihin ang iba sa ating mga kalungkutan. Subukang magsulat ng tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo sa katapusan ng bawat araw.
-
Gawing positibo ang mga negatibong iniisip at negatibong sinasabi mo sa iyong sarili.
-
Alalahanin kung sino ka—isang banal na anak ng mga magulang sa langit. Ikaw ay minahal at sinuportahan ng napakarami sa langit at sa lupa.
-
Bawasan ang oras mo sa social media (o lubusang iwasan ang mga ito).
-
Patawarin ang iyong sarili at ang iba. Ang pagkikimkim ng mga sama ng loob o hindi paglimot sa mga pagkakamali sa nakaraan ay nagdaragdag ng hindi kailangang pasanin sa iyong balikat.
Magpakumbaba at Humingi ng Tulong
Walang sinuman sa atin ang itinakda na maglakbay sa buhay na ito nang mag-isa. Kahit na ikaw ay umaasa sa iyong sariling kakayahan, mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa iba sa pangangalaga sa iyong mental at emosyonal na mga pangangailangan. At nariyan ang ating mga magulang, iba pang kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, at ang ating Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo na gagabay, papatnubay, at tutulong sa atin sa ating paglalakbay. Maglaan ng oras na rebyuhin ang mga taong may kaugnayan sa iyo sa kasalukuyan. Itanong sa iyong sarili:
-
Mayroon ka bang mabuting ugnayan sa iba?
-
Kailangan mo pa ba ng dagdag na suporta mula sa iba?
-
Itinutulak mo ba ang mga tao palayo sa iyo? O nakahihingi ka ba ng tulong kapag kailangan mo ito?
Kadalasan, para matulungan ang iba, kailangan nating malaman kung nahihirapan sila. Huwag kang matakot, mahiya, o mag-atubili na humingi ng tulong kapag kailangan mo ito, ito man ay pagtatapat sa isang tao tungkol sa iyong mga alalahanin o maging ang paghingi ng tulong sa iba. Talagang kailangan ng tapang at kababaang-loob para maamin na kailangan mo ng tulong. Ngunit madalas na pinagpapala tayo ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng iba kapag pinahihintulutan natin sila na tulungan tayo.
Ang tunay na pag-asa sa sariling kakayahan sa aspetong pandamdamin ay nagsisimula sa kabatiran ng ating mga limitasyon at paghingi ng tulong ng iba para mapunan ang mga limitasyong iyon. Bukod sa mga kaibigan at kapamilya, ang mga lider mo sa Simbahan ay maaari ring magbigay sa iyo ng payo, gabay, at pag-asa kapag ikaw ay nangangailangan. Kung makikinabang ka mula sa mga professional counseling o medikal na tulong para sa iyong mental na kalusugan, maaari ka ring i-refer ng bishop mo sa isang kwalipikadong therapist.
Batid na batid mo na talaga na nabubuhay tayo sa panahong puno ng hamon. Ngunit nabubuhay rin tayo sa pinakamagandang panahon dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo! Mayroon tayong kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan at napakaraming mga instrumento na makatutulong na magbigay sa atin ng kagalakan, pag-asa, at kapayapaan anuman ang ating sitwasyon. At kung gagamitin natin ang mga instrumentong iyon, tutulungan tayo ng mga ito na makabalik sa ating Ama sa Langit.