2020
Pinipigilan Ka Ba ng Iyong Nakaraan?
Abril 2020


Digital Lamang

Pinipigilan Ka Ba ng Iyong Nakaraan?

Binayaran na ng Tagapagligtas ang halaga. Humawak sa Kanyang kamay at patuloy na sumulong.

Ilang sandali pa lang ang nakalipas, inanyayahan ng bishop ko ang ward namin na mag-isip ng ilang kahinaan o kasalanan na maaari naming idulog sa hapag ng sakramento upang alisin ni Jesucristo. May mga kasalanan akong dala-dala sa buong buhay ko bilang young adult na sinikap kong mapagtagumpayan ngunit hindi ko nagawang madaig sa pamamagitan ng panalangin o ng pagpipigil ko sa sarili. Sa kabila ng aking paglago sa nagdaang mga taon, alam ko na kailangan kong madaig ang mga ito upang patuloy na umunlad.

Sa araw ng Linggo matapos ang hamon ng bishop, nagpasiya ako na iwan ang isa sa aking mga kasalanan sa hapag ng sakramento, na pisikal na sagisag ng Tagapagligtas at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Habang naghahanda ako sa pagtanggap ng sakramento, naalala ko na ang telang nakatakip dito ay kumakatawan sa Kanyang damit na panglibing, at ang tinapay at tubig ay kumakatawan sa Kanyang katawan at dugo.

Nang may katapatan at buong layunin ng puso, pinanibago ko ang aking mga tipan sa binyag at nagdasal sa aking puso, humihingi ng tulong sa Ama sa Langit at gumawa ng matibay na pangako na tatalikuran ang kasalanang ito. Pagkatapos ay may nangyaring hindi ko inaasahan: lubusang nawala ang hangarin kong magkasala. Sinubukan ko ito ng ilang beses pa, at gayon din ang nangyari sa iba pang mga kasalanan. Napakahirap ba nitong paniwalaan?

Pag-ayon ng Aking Kalooban sa Kanyang Kalooban

Nang sumunod na linggo, alam ko na kung anong kasalanan ang iiwan ko sa hapag ng sakramento, pero parang hindi ako handang talikuran ito. Sa pagbabalik-tanaw, napag-isip-isip ko na wala ang puso ko sa dapat na kalagyan nito. Hindi sapat ang katapatan ko para magbago. Ngunit naisip ko kung gaano ang sakit na naidulot ng kasalanan na iyon sa Ama sa Langit. Alam kong kailangan kong iayon ang kalooban ko sa Kanyang kalooban at isentro ang buhay ko sa Kanya upang maging malaya. Kaya ginawa ko ang lahat para magawa iyon.

Iniwasan ko ang anumang tukso na maaaring humantong sa kasalanang ito. Binago ko ang paraan ng pagbabasa ko ng aking mga banal na kasulatan araw-araw at talagang pinag-isipan at ipinamuhay ang mga ito. Nagtuon ako sa pagiging tapat sa aking pangako na magbago, at hinangad ko araw-araw ang kalooban ng Panginoon kaysa kalooban ko. Inuna ko Siya, dahil alam kong hindi ko matatalikuran ang kasalanang ito kung wala ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sa patuloy na pag-una sa Kanya, nagawa kong isuko ang kasalanang ito sa hapag ng sakramento. Sa wakas ay nakalaya ako mula sa isang bagay na matagal na panahong pumigil sa akin.

Sa prosesong ito, lalo akong napalapit sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas. Nakinita ko na nakatingin Sila sa akin sa paglipas ng mga taon nang buong tiyaga at pagmamahal—batid na, sa huli, tatalikuran ko ang mga kasalanang espirituwal na pumipigil sa aking progreso. At kapag handa na akong talikuran ang mga ito, naroon si Jesucristo para iangat ako—para hawakan ako sa kamay at ipagkaloob sa akin ang kapatawaran at lakas. Nagbigay na Siya ng daan para makalaya ako mula sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Binayaran Niya ang halaga para sa aking mga kahinaan, pagkakamali, at kasalanan. Kailangan kong magtiwala sa Kanya.

Maaari Kang Sumulong

Sa panahong ito, nabasa ko ang ilang salitang ito mula kay Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagtulak sa akin: “Kung ang buhay ninyo ay magulo at pakiramdam ninyo ay hindi kayo mapalagay at hindi kayo karapat-dapat … , huwag mag-alala. Alam na Niya ang lahat ng iyon. Siya ay naghihintay sa inyo na lumuhod nang may pagpapakumbaba at gawin ang mga unang hakbang. Humiling ng lakas sa panalangin. … Manalangin na ibuhos ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyong puso.”1

Nang kinanta namin ang “Ako’y Namangha” (paborito kong himno) nang sumunod na linggo, bawat salita ay dama kong totoo; talagang namangha ako—namamangha na nawala sa akin ang mga bagay na nagpahirap sa akin sa loob ng mahigit isang dekada. Namangha na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari akong sumulong. Na kaya Niyang pagalingin ang lahat ng kasalanan at mga sugat at walang maiiwang bakas ang mga ito. Na hindi ako kayang pigilan ng aking nakaraan.

Marami pa akong kailangang matutuhan at mapagtagumpayan, ngunit ang buhay ko ay bumubuti na. Dama ko ang higit na kaligayahan at kapayapaan. Mas nagpapahayag ako ng pasasalamat. Nagiging mas malapit ako at lumalakas ang aking patotoo sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Sa araw-araw na pagpili ko na sumubok muli, lalo akong napapalapit sa Kanila at sa taong alam Nilang kaya kong maging.

Tala

  1. Richard G. Scott, “Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1988, 77.