2020
Nagkaroon Sila ng Pag-asa na Paparito si Cristo—at Magagawa Rin Natin Iyan
Abril 2020


Nagkaroon Sila ng Pag-asa na Paparito si Cristo—at Magagawa Rin Natin Iyan

Nagkaroon ng pag-asa ang mga propeta sa Aklat ni Mormon na paparito si Cristo. Sa pagbabasa sa kanilang mga salita, maaari tayong magkaroon ng pag-asa ring iyon para sa muli Niyang pagparito.

Christ visiting the Americas

ANG PAGBISITA, ni Jorge Cocco Santangelo

Anong mga salita ang pumapasok sa isip ninyo kapag iniisip ninyo ang Aklat ni Mormon?

Mga Nephita, Lamanita, iba pang mga -ita?

Digmaan, ilang, sa aba?

Pagsisisi, pagtubos, kabutihan?

Jesucristo?

Pag-asa?

Pasko ng Pagkabuhay ang perpektong sandali para muling pagnilayan ang mensahe ng Aklat ni Mormon. Higit sa lahat, ang mensahe na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Dahil sa Kanya, sa huli ay makakalaya tayo mula sa mga pasakit ng katawan at kaluluwa. Mula sa kamatayan at kasalanan. Madaraig natin ang bawat masamang bagay na ibinabato sa atin ng mundo.

Sa madaling salita, maaari tayong magkaroon ng pag-asa.

Pag-asa—tunay na pag-asa, na nakasentro kay Jesucristo—ang naghikayat sa mga sinaunang propeta na magtago ng mga talaan sa mga laminang ginto na siyang magiging Aklat ni Mormon. Sabi sa atin ni Jacob, “Sapagkat, sa layuning ito kaya isinulat namin ang mga bagay na ito, upang kanilang malaman na alam namin ang tungkol kay Cristo, at nagkaroon kami ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian maraming daang taon bago pa ang kanyang pagparito” (Jacob 4:4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Gusto ni Jacob na malaman natin na alam niya—at ng iba pang mga propetang nagtago ng talaan—na paparito si Cristo. Daan-daang taon bago pa Siya pumarito! At nahikayat silang magkaroon ng pag-asang iyon sa mga salita ng mga propeta na kanilang nabasa. Ipinaliwanag ni Jacob, “at hindi lamang kami ang nagkaroon ng pag-asa sa aming sarili sa kanyang kaluwalhatian, kundi maging ang lahat ng banal na propetang nauna sa amin.

“Masdan, sila ay naniwala kay Cristo at sinamba ang Ama sa kanyang pangalan, at amin ding sinasamba ang Ama sa kanyang pangalan. …

“Anupa’t aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming mga paghahayag at diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag” (Jacob 4:4–6; tingnan din sa 1 Nephi 19:21; Jacob 7:11; Mosias 3:13; Helaman 8:16).

Ang pag-asang natamo nila mula kapwa sa kanilang sariling mga karanasan at sa mga propesiyang nabasa nila sa mga banal na kasulatan ay inihanda sila para sa araw na paparito si Cristo. Gayundin, hinihikayat tayo ng mga propeta ngayon na maghanda para sa muling pagparito ni Cristo. Para magkaroon din tayo ng gayong pag-asa, kailangan din nating “[saliksikin] ang mga propeta, at [hangaring magkaroon ng maraming] paghahayag at diwa ng propesiya.” Ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo ay hindi lamang magpapalakas sa ating patotoo kundi tutulungan din tayong maghanda para sa Kanyang pagparito.

Lehi

“Kaya nga, anong laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo, upang kanilang malaman na walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas, na nag-alay ng kanyang buhay ayon sa laman, at binawi itong muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, upang kanyang mapapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, siya bilang unang magbabangon.”

Nephi

“At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”

Haring Benjamin

“At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos. …

“At masdan, siya ay paparito sa kanyang kalahi, upang ang kaligtasan ay mapasa mga anak ng tao, maging sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; … 

“At siya ay babangon sa ikatlong araw mula sa patay. …

“Sapagkat masdan, at gayundin ang kanyang dugo ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng mga yaong nahulog dahil sa pagkakasala ni Adan, na nangamatay na hindi nalalaman ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, o kung sino ay walang malay na nagkasala.”

Alma

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”

Amulek

“At yaong dakila at huling hain ay ang Anak ng Diyos, oo, walang katapusan at walang hanggan.

“At sa gayon siya magdadala ng kaligtasan sa lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan, ito ang layunin ng huling haing ito, upang madala ang mga sisidlan ng awa, na nangingibabaw sa katarungan, at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.

“At sa gayon mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan, at yayakapin sila ng mga bisig ng kaligtasan, samantalang siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos.”

the Savior in Gethsemane

Gethsemane, by Jorge Cocco Santangelo

Samuel, ang Lamanita

“Sapagkat masdan, siya ay talagang tiyak na mamamatay upang ang kaligtasan ay dumating; oo, kinakailangan at mahalaga na siya ay mamatay, upang mapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, nang sa gayon, ang tao ay madala niya sa harapan ng Panginoon.

“Oo, masdan, ang kamatayang ito ang magpapangyari sa pagkabuhay na mag-uli, at tumutubos sa buong sangkatauhan mula sa unang kamatayan—yaong kamatayang espirituwal; dahil ang buong sangkatauhan, sa pagkahulog ni Adan na nawalay sa harapan ng Panginoon, ay itinuturing na patay, kapwa sa mga bagay na temporal at sa mga bagay na espirituwal.

“Ngunit masdan, ang pagkabuhay na mag-uli ni Cristo ang tutubos sa sangkatauhan, oo, maging sa buong sangkatauhan, at magbabalik sa kanila sa harapan ng Panginoon.”

Christ with children

Blessing the Children, by Jorge Cocco Santangelo

Mormon

“Alamin ninyo na kinakailangan kayong magkaroon ng kaalaman tungkol sa inyong mga ama, at magsisi ng lahat ng inyong mga kasalanan at kasamaan, at maniwala kay Jesucristo, na siya ang Anak ng Diyos, at na siya ay pinatay ng mga Judio, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, siya ay bumangong muli kung saan ay natamo niya ang tagumpay laban sa libingan; at sa kanya rin ang tibo ng kamatayan ay nalulon.

At kanyang pinapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, kung saan ang mga tao ay kinakailangang magbangon upang tumayo sa harapan ng kanyang hukumang-luklukan.

At kanyang pinapangyari ang katubusan ng sanlibutan, kung saan siya na matatagpuang walang kasalanan sa harapan niya sa araw ng paghuhukom ay maibigay sa kanya na makapanahanan sa kinaroroonan ng Diyos sa kanyang kaharian, upang umawit nang walang humpay na papuri kasama ng mga koro sa kaitaasan, sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo, na isang Diyos, sa maligayang kalagayan na walang katapusan.”