2020
Mas Mahalaga Kaysa sa Isang Pulseras na Pilak
Abril 2020


Mas Mahalaga Kaysa sa Isang Pulseras na Pilak

Sylvie Houmeau

Quebec, Canada

bracelet

Paglalarawan ni Emily Lui

Nang hilingan akong mamuno sa isang talakayan sa Relief Society tungkol sa paanyaya ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa, nagpasiya ako na kung gusto kong maganyak ang kababaihan, dapat akong gumawa ng isang bagay para sa isa sa Kanyang mga tupa.

Naglakas-loob ako at inanyayahan ko ang isang di-gaanong aktibong sister na sumama sa akin sa isang aktibidad ng Relief Society. Tinanggap niya ang paanyaya ko at naging masaya kami. Nadama ko na isa itong magandang halimbawa, at sabik akong ibahagi ang aking karanasan. Ngunit may iba pang gustong ituro sa akin ang Panginoon.

Isang umaga habang nagbibihis, natanto ko na nawawala ang pulseras kong pilak. Ang pulseras na ito ay regalo sa akin noong kaarawan ko nang bumisita ako sa France, kaya may espesyal na kahulugan iyon sa akin. Sinimulan kong hanapin iyon sa mga lugar na malamang na napaglagyan ko, pero hindi ko iyon makita. Sa gayo’y sinabi ko sa sarili ko na kung magdarasal lang ako, makikita ko kaagad ang pulseras ko.

Pagkatapos kong magdasal, naghanap ako sa buong paligid. Dalawang araw akong nagdasal nang taimtim at naghanap nang husto. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na tulungan akong makita iyon, ngunit hindi ko pa rin iyon makita. Lungkot na lungkot ako dahil mahalaga ang pulseras na ito sa akin.

Isang gabi kasama kong nagdasal ang anak ko sa tabi ng kama ko. Pagkatapos naming magdasal, may dinampot siya at iniabot iyon sa akin. Ang pulseras ko iyon! Nakita niya iyon sa ilalim ng kama. Kahit paano hindi ko iyon nakita nang maghanap ako. Napaiyak ako sa tuwa na nabalik iyon sa akin.

Biglang may impresyong dumating sa akin: “Nagdarasal ka ba nang ganito kataimtim para sa mga sister mo sa Simbahan? Mahalaga ba sila sa iyo na katulad ng pulseras mo? E, ang mga kapatid mo sa labas ng Simbahan? Ipinagdarasal mo rin ba sila?”

Nang ibahagi ko sa Relief Society ang aking karanasan tungkol sa nawawala kong pulseras, naging maganda ang talakayan namin. Sinabi ko sa mga sister na natutuhan ko na kapag hinihiling sa atin ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa, kailangan nating tandaan na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Nais Niyang alalahanin natin ang mga nasa paligid natin at mahalin, alagaan, at ipagdasal sila nang buong lakas natin. Kapag ginawa natin ito, makikita natin na lahat ng tao ay mas mahalaga kaysa sa isang pulseras na pilak.