2020
Ano ang Kahulugan ng Pasko ng Pagkabuhay para sa Akin?
Abril 2020


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Aklat ni Mormon

Ano ang Kahulugan ng Pasko ng Pagkabuhay para sa Akin?

Marso 30–Abril 12 Pasko ng Pagkabuhay

What Does Easter Mean for Me

Sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin “ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan”1—ang Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang kaganapang ito ang pinakamahalaga sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.

Sa premortal na buhay, pinili si Jesucristo na maging ating Tagapagligtas. Nangako Siyang maglalaan ng paraan para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at makabalik sa ating tahanan sa langit.

Sa umaga ng unang Paskong iyon ng Pagkabuhay, tinupad ni Jesus ang Kanyang pangako. Dinaig niya ang kamatayan. Bilang bunga, “Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim; oo, at isang buhay rin na walang hanggan, na hindi na maaaring magkaroon pa ng kamatayan” (Mosias 16:9).

Anong mga pagpapala ang idinudulot sa iyo ng Pagkabuhay na Mag-uli?

Pagsisisi

Ang tanong ng Tagapagligtas sa bawat isa sa atin, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?” Ipinangako Niya, “Kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko” (3 Nephi 9:13–14). Ano ang nadarama mo kapag nagsisisi ka?

Pagkabuhay na Mag-uli

Hindi maiiwasan ang kamatayan, ngunit ang tagumpay ng Tagapagligtas laban sa kamatayan ay tinitiyak na lahat ay mabubuhay na mag-uli—minsan pang magsasama ang katawan at espiritu sa ganap na anyo (tingnan sa Alma 11:43). Paano ka binibigyan ng pag-asa ng kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Buhay na Walang-Hanggan

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay ginagawang posible ang buhay na walang-hanggan, o kadakilaan. Para matanggap ang pagpapalang ito, kailangan nating sundin ang mga kautusan. Tinawag na ni Pangulong Russell M. Nelson ang landas tungo sa buhay na walang-hanggan na “landas ng tipan.”2 Ano ang kailangan nating gawin para matahak ang landas na ito tungo sa buhay na walang-hanggan?

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Narito, ang Tao!” Liahona, Mayo 2018, 108.

  2. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7.