Mga Aral mula sa Aklat ni Mormon
Isang Malaking Pagbabago ng Puso
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi lamang tayo maaaring malinis mula sa kasalanan; maaari din tayong magamot sa ating pagiging makasalanan.
Sa Pagkahulog ni Adan, nagsimula ang sakit at kasalanan sa mundo. Maaaring makamatay pareho ang mga ito. Sa lahat ng sakit, marahil ay wala nang mas laganap o mas nakapipinsala kaysa kanser. Sa ilang bansa, mahigit ikatlong bahagi ng populasyon ang magkakaroon ng isang uri ng kanser, at ito ang responsable sa halos sangkapat ng lahat ng pagkamatay.1 Madalas magsimula ang kanser sa iisang selula, na napakaliit kaya makikita lamang ito kung gagamitan ng microscope. Ngunit kaya nitong lumaki at kumalat nang mabilis.
Ang mga pasyenteng may kanser ay sumasailalim sa panggagamot para maging in remission o maalis ang kanser. Ang ibig sabihin ng remission ay wala nang matuklasang katibayan ng sakit. Gayunman, mabilis na ipinaliwanag ng mga doktor na kahit maaaring in remission na ang isang pasyente, hindi iyon nangangahulugan na magaling na siya.2 Kaya, bagama’t ang remission ay nagbibigay ng ginhawa at pag-asa, laging umaasa ang mga pasyenteng may kanser ng isang bagay na higit pa sa remission—umaasa silang gumaling. Ayon sa isang source, “Para masabi na nagamot na ang kanser ng isang tao, kailangan niyang hintayin at tingnan kung babalik pa ang kanser, kaya, napakahalaga ng panahon. Kung mananatiling in remission ang isang pasyente sa loob ng ilang taon, maaaring nagamot na ang kanser. Ang ilang kanser ay maaaring maulit pagkaraan ng maraming taon ng remission.”3
Karamdaman at Kasalanan
Tulad ng nakapipinsala ang kanser sa katawan, mas nakapipinsala ang kasalanan sa kaluluwa. Ang kasalanan ay kadalasang nagsisimula sa maliit—kung minsa’y hindi natin ito namamalayan sa liit—ngunit kaya nitong lumaki nang mabilis. Sinisira nito, pagkatapos ay pinipinsala, at saka pinapatay ang kaluluwa. Ito ang pangunahing sanhi—katunaya’y ang tanging sanhi—ng espirituwal na kamatayan sa lahat ng nilikha. Ang gamot sa kasalanan ay pagsisisi. Ang tunay na pagsisisi ay 100 porsiyentong epektibong ginagawang in remission ang nagkasala, o nauuwi sa kapatawaran [o remission] ng mga kasalanan. Ang kapatawarang ito ay naghahandog ng kapanatagan at kagalakan sa kaluluwa. Gayunman, ang pagtanggap ng kapatawaran ng kasalanan at pagiging malaya sa mga sintomas at epekto nito ay hindi nangangahulugan na ang nagkasala ay lubusan nang gumaling. May isang bagay tungkol sa puso ng taong nagkasala na nagtutulot o malamang na magkasala. Sa gayon, maaaring maulit ang kasalanan, kahit ilang taon nang napatawad. Ang pananatiling in remission, o sa madaling salita, pagpapanatili ng kapatawaran ng mga kasalanan, ay mahalaga para lubusang gumaling.
Nalinis at Gumaling
Ang analohiyang ito ay nagpapaunawa sa atin na sa espirituwal, hindi lamang tayo kailangang malinis mula sa kasalanan kundi magamot din tayo sa ating pagiging makasalanan. Ang digmaang nagtatakda sa ating kalooban na gumawa ng mabuti laban sa ating likas na pagkatao na gumawa ng masama ay maaaring nakakapagod. Kung tayo ay tapat, magtatagumpay tayo hindi lamang dahil ipinilit natin ang ating kalooban sa ating likas na pagkatao, kundi dahil isinuko na natin ang ating kalooban sa Diyos at binago na Niya ang ating likas na pagkatao.
Itinuro ni Haring Benjamin, “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao … sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” (Mosias 3:19). Bilang tugon dito at sa iba pang mga turo, nanalangin ang mga tao ni Benjamin, “O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran sa aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay” (Mosias 4:2; idinagdag ang pagbibigay-diin). Matapos silang manalangin, tumugon ang Panginoon sa kanilang dalawang-bahaging kahilingan. Una, “ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi” (Mosias 4:3).
Nakikitang ang kanyang mga tao ay “in remission o napatawad,” hinimok sila ni Haring Benjamin na lubos na magpagaling sa pagtuturo sa kanila kung paano mapanatili ang kapatawaran (tingnan sa Mosias 4:11–30). “Kung ito ay inyong gagawin,” pangako niya, “kayo ay laging magsasaya, at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos, at laging mananatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (Mosias 4:12).
Naniwala ang mga tao at ibinigkis ang kanilang sarili sa mga salita ni Haring Benjamin, pagkatapos ay sinagot ng Panginoon ang ikalawang bahagi ng kanilang panalangin—na “ang [kanilang] mga puso ay maging dalisay.” Bilang pasasalamat at papuri, sumigaw ang mga tao, “[Ang] Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan … [ay] gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Ipinaliwanag ni Haring Benjamin na ang ibig sabihin ng malaking pagbabagong ito ay na sila ay isinilang sa Diyos (tingnan sa Mosias 5:7).
“Paano Ito Nangyari?”
Itinuro ng propetang si Alma na kailangan tayong kapwa magsisi at isilang na muli—isilang sa Diyos, magbago sa ating puso (tingnan sa Alma 5:49). Habang patuloy tayong nagsisisi, aalisin ng Panginoon ang lahat ng kasalanan natin at aalisin Niya yaong natural na nagsasanhi o nagtutulot na magkasala tayo. Ngunit, sa mga salita ni Enos, “Panginoon, paano ito nangyari?” (Enos 1:7). Simple lang ang sagot, ngunit malalim at walang-hanggan. Sa mga taong gumaling na mula sa anumang kundisyon, pisikal o espirituwal, nagpahayag ang Panginoon, “Pinagaling ka ng pananampalataya mo” (tingnan sa Marcos 5:34; Enos 1:8).
Ang malaking pagbabago ng puso na naranasan ni Alma ay nangyari “alinsunod sa kanyang pananampalataya,” at ang puso ng kanyang mga alagad ay nagbago nang “ibinigay nila ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos” (Alma 5:12, 13). Ang puso ng mga tao ni Haring Benjamin ay “nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa [pangalan ng Tagapagligtas]” (Mosias 5:7).
Kung magkakaroon tayo ng ganitong uri ng pananampalataya, para maaari tayong magtiwala sa Panginoon nang buong puso. kailangan nating gawin kung ano ang humahantong sa pananampalataya at pagkatapos ay gawin kung ano ang kinahahantungan ng pananampalataya. Kabilang sa maraming bagay na humahantong sa pananampalataya, ayon sa konteksto ng pagbabagong ito ng puso, binigyang-diin ng Panginoon ang pag-aayuno, panalangin, at ang salita ng Diyos. At bagama’t humahantong ang pananampalataya sa maraming bagay, pagsisisi ang unang bunga nito.
Isipin ang sumusunod na dalawang talata mula sa aklat ni Helaman na nagtatampok sa mga alituntuning ito. Una, mababasa natin ang tungkol sa mga taong “madalas na nag-ayuno at nanalangin, at … tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo … maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos” (Helaman 3:35). Pagkatapos, mula kay Samuel ang propetang Lamanita, natutuhan natin na, “[Ang] mga banal na kasulatan, oo, [ang] mga propesiya ng mga banal na propeta … [ay] nag-aakay … sa pananampalataya sa Panginoon, at sa pagsisisi, kung aling pananampalataya at pagsisisi ay nagdudulot ng isang pagbabago ng puso” (Helaman 15:7).
Umaasa sa Diyos
Dito tayo dapat tumigil sandali at kilalanin na ang malaking pagbabagong ito na pinag-uusapan natin ay isang bagay na ginagawa sa atin ng Diyos; hindi isang bagay na ginagawa natin sa ating sarili. May kakayahan tayong magsisi, magbago ng ating kilos, ng ating pag-uugali, maging ng ating mga hangarin at paniniwala, ngunit wala tayong kapangyarihan at kakayahang baguhin ang ating likas na pagkatao. Para sa malaking pagbabagong ito, lubos tayong umaasa sa Diyos na Maykapal. Siya ang magiliw na nagpapadalisay sa ating puso at nagbabago sa ating likas na pagkatao “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Ang Kanyang paanyaya ay tapat at tiyak: “[Magsisi], at [lumapit] sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko [kayo]” (3 Nephi 18:32; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang epekto ng paggaling mula sa pagiging makasalanan ay na tayo ay “nagbago mula sa [ating] makamundo at [nahulog] na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan … naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae; At sa gayon [tayo ay] naging mga bagong nilikha” (Mosias 27:25, 26). Nababanaag sa ating mukha ang Liwanag ni Cristo. Bukod pa rito, sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na “ang sinomang [isinilang sa] Diyos ay hindi nagkakasala” (I Ni Juan 5:18). Hindi ito dahil sa wala tayong kakayahang magkasala, kundi dahil likas na sa ating pagkatao ngayon ang hindi magkasala. Tunay ngang iyan ang malaking pagbabago.
Matatandaan na ang pagdanas ng malaking pagbabago ng puso ay isang proseso na nangangailangan ng panahon, hindi sa isang iglap lamang. Ang pagbabago ay karaniwang paunti-unti, at kung minsa’y hindi kapansin-pansin, ngunit iyon ay tunay, mabisa, at kinakailangan.
Kung hindi pa ninyo naranasan ang gayong malaking pagbabago, tatanungin ko kayo: Nagsisi na ba kayo at nakatanggap ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan? Pinag-aaralan ba ninyo ang mga banal na kasulatan? Nag-aayuno ba kayo at nagdarasal nang madalas, upang kayo ay tumatag nang tumatag sa pananampalataya kay Cristo? Sapat ba ang inyong pananampalataya para magtiwala sa Panginoon nang buong puso? Matatag ba kayong naninindigan sa pananampalatayang iyon? Maingat ba kayo sa inyong mga iniisip, sinasabi, at ginagawa at sumusunod sa mga utos ng Diyos? Kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, palagi kayong magiging masaya at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos at lagi ninyong mapapanatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan. At kung mapapanatili ninyo ang kapatawaran, kayo ay mapapagaling, magagamot, at mababago!
Si Jesucristo ay may kapangyarihang linisin tayo mula sa ating mga kasalanan at mapagagaling din sa ating pagiging makasalanan. May kapangyarihan Siyang magligtas, at dahil diyan, may kapangyarihan Siyang magbago. Kung isusuko natin ang ating puso sa Kanya, na nananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng pagbabagong kaya nating gawin, gagamitin Niya ang Kanyang kapangyarihan sa atin upang isakatuparan ang malaking pagbabagong ito ng puso (tingnan sa Alma 5:14).