Hello mula sa Sagradong Kakahuyan!
Hi, kami sina Margo at Paolo.
Sa buwang ito, bilang pagdiriwang sa Panunumbalik, pupuntahan namin ang lugar kung saan nangyari ang Unang Pangitain 200 taon na ang nakararaan!
Noong 14 na taong gulang si Joseph Smith, nanirahan siya sa isang bahay na yari sa troso sa New York, USA. Siya ay may limang kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae. Masunurin siya sa kanyang mga magulang at palakaibigan sa iba. Binasa niya ang Biblia kasama ng kanyang pamilya, pero magkakaiba sila ng simbahan.
Si Joseph ay masipag. Tumulong siya sa pagputol ng mga puno para makapagtanim ang kanyang pamilya. Tumulong din siya sa kanyang pamilya sa pagkuha ng katas mula sa puno ng maple para makagawa ng asukal.
Nais ni Joseph na maghanap ng simbahang katulad ng nasa Biblia. Isang araw nagpunta siya sa kakahuyan at nanalangin. Ang Ama sa Langit at si Jesus ay nagpakita sa kanya. Sinabi Nila sa kanya na pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sinabi rin Nila na hindi siya dapat sumapi sa alinman sa mga simbahan. Hindi magtatagal ipanunumbalik ang Simbahan ni Jesus!
Pinagtawanan si Joseph ng maraming tao dahil sa kanyang nakita. Sinabi nila na gawa-gawa lang niya ang lahat ng ito. Pero hindi tumigil si Joseph sa pagsasabi ng katotohanan. Sinabi niya, “Ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).
Ngayon, mabibisita na ng mga tao ang lugar kung saan nanalangin si Joseph. Ito ay maganda at napakatahimik.
Naninirahan ang mga batang ito sa lugar kung saan lumaki si Joseph Smith!
Alam ko na ang Sagradong Kakahuyan ay isang espesyal na lugar dahil nanalangin si Joseph Smith at nakita roon ang Ama sa Langit at si Jesus.
Piper D., edad 5, New York, USA
Nagpapasalamat ako na nakatira kami nang malapit sa tahanan ni Joseph Smith. Gustung-gusto kong pumupunta sa palimbagan sa Grandin Building. Gusto ko talagang makita kung saan nila unang inilimbag ang mga unang kopya ng Aklat ni Mormon.
Roscoe B., edad 9, New York, USA
Salamat at sinamahan ninyo kami sa pagbisita sa Sagradong Kakahuyan. Hanggang sa muli!