“Nakita Ninyo Kung Ano ang Magagawa ng Kaunting Pananampalataya?”
Godfrey J. Ellis
Washington, USA
Ilang taon na ang nakararaan, dinala naming mag-asawa ang dalawang bunsong anak naming lalaki sa France para libutin ang mga lugar na pinaglingkuran ko bilang full-time missionary. Bumisita kami sa mga branch ng Simbahan na pinaglingkuran ko at nagalak sa piling ng mga miyembrong naturuan ko. Bumisita rin kami sa mga makasaysayang lugar.
Ang isang lugar ay ang mga labi ng Château de Châlucet. Ang napakalaking kastilyong medieval na ito ay nilusob at winasak maraming siglo na ang nakararaan. Lumago na ang mga halaman sa buong paligid ng mga labi, at makitid at matarik ang daan papunta roon. Nahirapan kaming akyatin iyon, ngunit sulit ang hirap nang makaakyat kami.
Nagustuhan ng mga bata ang pagbaba sa dating bartolina sa ilalim ng lupa at sa itaas ng natirang kaunting pader ng kastilyo. Naakit ng kastilyo ang kanilang imahinasyon tulad noong maakit ako nito 24 na taon na ang nakararaan.
Habang naroon kami, lumitaw ang isang unos sa tag-araw sa di-kalayuan. Mabilis itong nakalapit. Napuno ng maiitim na ulap at kidlat ang papawirin, na sinundan ng malalakas na pagkulog.
Nagmamadali kaming bumaba ng daanan at tumakbo papunta sa kotse habang papalapit sa amin ang bagyo. Hindi nagtagal, nabasa kami ng malakas at bumabayong ulan at naging maputik ang maalikabok na daanan. Nag-alala kami na baka madulas kami at mahulog pababa sa matarik at mabatong daanan.
Nakakita kami ng ilang kanlungan sa kakahuyan sa gilid ng landas. Nagsiksikan kami sa ilalim ng kanlungan at inisip namin kung gaano katagal kami maghihintay para makababang muli.
“Magdasal tayo,” sabi ng bunso namin.
Hiniling niya na siya ang magdasal at ipinagdasal niya na tumigil na ang ulan para ligtas kaming makababa sa burol. Tiningnan niya kami at sinabing, “Ang kailangan lang natin ngayon ay sapat na pananampalataya.”
Ipinaliwanag ko na hindi palaging ganoon ang sagot sa mga dalangin.”
“Hindi po,” sabi niya, “titigil po ito sa loob ng 10 minuto!”
Pagkaraan ng mga 10 minuto, tumigil ang ulan.
“OK, tayo na!” sabi niya.
“Kung aalis tayo ngayon, uulan ulit at makukulong tayo,” sabi ng nakatatandang anak namin.
“Hindi!” sagot ng aming bunso. “Tara na!”
Nakarating kami sa mas tuyong mga bahagi ng landas, na iwinawaksi ang mga palumpong at sanga habang daan. Pagdating sa kotse, nagpasalamat kami sa isang panalangin. Di-nagtagal muling umulan.
“Nakita ninyo kung ano ang magagawa ng kaunting pananampalataya?” mapagpakumbabang sabi ng aming anak.
Tinuruan niya kaming lahat ng magandang aral noong araw na iyon.