2020
Pagtuklas ng Kagalakan sa Paggawa ng Gawain ng Panginoon
Abril 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagtuklas ng Kagalakan sa Paggawa ng Gawain ng Panginoon

Bilang mga young adult, abala ang buhay. Napakaraming bagay ang maaari nating gawin: dagdag na pag-aaral, paghahanap sa ating makakasama sa kawalang-hanggan, pagpapasiya ukol sa magiging trabaho, pagsisimula ng isang pamilya. At kabilang sa lahat ng mabubuting bagay na iyon, tayo ay hinihikayat din na “lagi nating gawin ang gawain ng Panginoon.”1

“Panahon na para maunawaan nating lahat nang mas malinaw ang ating tungkulin sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan. Kapag ginawa nating likas na bahagi ng ating buhay ang gawaing misyonero ng [mga] miyembro, … gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo, lubos tayong magagalak at pagkakalooban tayo ng espirituwal na mga kaloob na kailangan natin para mapalakas ang Simbahan.”2

Narito ang ilang abalang young adult na nasisiyahan sa pag-uukol ng oras sa gawain ng Panginoon.

Family History: Basta Simulan Na Ngayon

“Maraming nagawa ang Panunumbalik para sa akin dahil nalaman ko na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman,” sabi ni Itumeleng Tlebere na taga-Maseru, Lesotho. “Nahanap ko ang aking mga lolo’t lola at aking mga ninuno na pumanaw na. Iyan ang dahilan kung bakit gustung-gusto ko ang family history. Dahil ako ang unang henerasyon sa Simbahan, marami akong gagawing trabaho para sa kanila.”

Alam ni Itumeleng batay sa karanasan na ang paghahanap sa mga talaan at impormasyon ay maaaring maging mahirap, ngunit hinihikayat niya ang iba pang mga young adult na ibigay ang sarili sa paggawa ng kanilang family history: “Basta simulan mo lang na gawin ito. … Dahil sa family history dama ko ang pasasalamat sa lahat ng mayroon ako.” Ganito rin ang magagawa nito para sa inyo.

Ministering o Paglilingkod: Maging mga Kamay ng Diyos

Ibinahagi ni Lucy Fergeson mula sa Utah, USA, kung paano siya natulungan ng ministering o paglilingkod na makaraos sa pinakamasamang linggo ng kanyang buhay—ngunit sa di-inaasahang paraan. Linggo iyon ng huling pagsusulit sa eskuwela, at katatapos lang makipaghiwalay sa kanya ng kasintahan niya. At pagkatapos, sabi niya, “Nalimutan ko, pero nagplano ang kompanyon ko sa ministering na gumawa ng muffins para sa mga sister na iniatas sa amin na paglingkuran.”

Habang magkasama silang nagbe-bake, nakinig ang kompanyon ni Lucy sa ministering, nadama ang lungkot niya, at nagbigay ng payo. “Ang paggawa at paghahatid ng muffins ay hindi isang bagay na napakahalaga o gagawa ng malaking kaibhan,” paggunita ni Lucy. “Pero matapos akong ihatid ng kompanyon ko sa bahay, natanto ko na iyon mismo ang kailangan ko para gumaan ang pakiramdam ko at na kung minsan ay nagpapadala ang Diyos ng ibang tao upang maging Kanyang mga kamay. Ang nakakatuwa, ang tulong ay nagmula sa kompanyon ko sa ministering sa halip na sa kababaihang nakatalagang bumisita sa akin. Nagpapasalamat ako na tinulungan niya ako na madama na hindi ako nag-iisa at minamahal ako.”

Gawaing Misyonero: Mamuhay Bilang Isang Halimbawa

Hindi mo kailangang maging full-time missionary para ipalaganap ang ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Vennela Vakapalli, na taga-Andhra Pradesh, India, na, “Kapag nakasakay ako sa mga bus, kapag nakasakay ako sa tren, binubuklat ko ang Aklat ni Mormon at binabasa ito. At karamihan sa mga tao ay nagtatanong tungkol dito.”

Ibinahagi ni Ashlee Dillon mula sa Utah, USA, na: “Hindi dahil sa hindi ako nakapagmisyon ay hindi na ako missionary. Sa halip na iwanan ang aking pamilya upang maglingkod sa Panginoon, naglilingkod ako sa Panginoon kasama ang aking pamilya. Naglilingkod ako sa iba, at namumuhay ako bilang isang halimbawa ng disipulo ni Jesucristo.”

Pagiging Magulang: Ituro sa mga Anak ang Ebanghelyo

Si Ingrid de Bastian Ortiz, mula sa Veracruz, Mexico, ay 26 anyos na ina na may tatlong anak. Paliwanag niya, “Bilang bata pang mga magulang ng maliliit na bata, may mga araw na mahirap, walang katapusan ang gawain sa bahay at kailangan ng pansin ng mga anak. Gayunman, nadarama namin na malaki ang responsibilidad naming ituro ang ebanghelyo sa aming mga anak para malaman nila na sila ay mga anak ng Diyos.

“Ang tungkulin ko bilang ina ay tulungan silang maunawaan nila mismo na ang ating Ama sa Langit ay may plano ng kaligayahan para sa kanila.”

Kung hindi pa kayo isang magulang, may papel pa rin kayo sa pagtulong na turuan ang mga bata. “Lubhang mahalaga na malaman ng mga bata ang tungkol sa mga alituntunin at doktrinang ito,” sabi ni Ingrid, “na tiyak na may maiaambag tayo bilang young adult o kahit may-asawa sa ilan sa mga tungkulin sa Primary o nursery.”

Tayong lahat ay mga abalang young adult. Ngunit anuman ang iyong sitwasyon, makakahanap ka ng mga simpleng paraan ng paggawa ng gawain ng Panginoon sa lahat ng aspeto ng iyong buhay—malaki man ito o maliit.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2013, 110.

  2. “Pagpapabilis ng Gawain ng Panginoon,” Liahona, Okt. 2013, 33.