2020
Iniisip Mo ba na Wala Kang Layunin bilang Isang Young Adult? Isipin Mo Ulit
Abril 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Iniisip Mo ba na Wala Kang Layunin bilang Isang Young Adult? Isipin Mo Ulit

Ang pag-iisip tungkol sa pamumuno sa Simbahan balang-araw ay maaaring nakakakaba, pero may mga paraan na makapagsisimula ka nang mamuno ngayon.

Sa mga araw bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, magkakaroon ng “mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan.

“… Maghihimagsik ang mga bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; magkakagutom, at magkakasalot, at lilindol sa iba’t ibang dako.

“At muli, dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng mga tao ay manlalamig” (Joseph Smith—Mateo 1:28–30).

Sa gitna ng gayong kaguluhan, sino ang tutulong mamuno sa ating mga kapatid, na kapwa nasa labas at loob ng kawan, pabalik sa ating Ama sa Langit?

Iyan ang gagawin natin.

Paano Tayo Dapat Mamuno

Tinawag tayong isa sa mga pinakadakilang henerasyon ng mga young adult. Inilalarawan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson bilang mga “pinagkatiwalaan ng Diyos nang sapat upang isugo sa lupa sa pinakamahalagang dispensasyon sa kasaysayan ng mundong ito” (“Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 46).

Kaya, paano natin bibigyang katuparan ang ating kakayahan na maging magagaling na pinuno sa Simbahan ng Panginoon? Kung titingin ka sa paligid, mapapansin mo na isa ka nang lider sa isang banda.

Maaari kang mamuno sa isang tungkulin sa Simbahan. Bilang missionary, maaari kang manguna sa isang talakayan, mamahala sa isang aktibidad sa pagtuturo sa mga tao, o maitalaga bilang zone leader o sister leader. Maaari kang maging isang lider sa inyong pamilya o sa iyong mga kaibigan. Maaakay mo ang iyong mga ninuno tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng gawain sa family history. Maaari kang maging isang lider sa pulitika, at maaari kang mamuno sa anumang trabahong piliin mo.

Ngunit ang tanong ay, paano tayo dapat mamuno? Namuno ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa. Namuno Siya sa paraang “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” sa halip na “Ang paraan ko ay mas mabuti.” Naglingkod, nagturo, nagmahal, at nagmalasakit Siya sa mga nakapaligid sa Kanya. Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng isang lider. At upang maging isang mahusay na henerasyon ng mga lider, makapagsisimula tayo sa pagsisikap na maging katulad ng Tagapagligtas at sa pamamagitan ng paggawa ng maliliit na bagay na ito:

  1. Manalangin para sa mga nahihirapan, nangangailangan ng tulong, o sa mga taong pinangangalagaan mo, at hangaring malaman kung paano sila matutulungan. Manalangin para sa kanila sa pangalan bilang mga indibiduwal, tulad ng paglilingkod ng Tagapagligtas sa “bawat isa” (3 Nephi 11:15).

  2. Mag-ukol ng oras na saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mabubuting halimbawa ng pamumuno, lalo na mula sa Tagapagligtas mismo.

  3. Manalangin para sa inyong ward, stake, at mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan. Manalangin din para sa mga lider ng pamahalaan, na sila ay maging inspirado at magtrabaho sa diwa ng kapayapaan at pagkakaisa.

  4. Kilalanin ang mga nasa paligid mo. Alamin ang tungkol sa kanilang mga interes o kinawiwilihan, kanilang pamilya, kanilang pag-aaral, at kanilang mga hangarin at gustong ginagawa sa buhay (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19).

  5. Basahin ang iyong patriarchal blessing at isiping mabuti kung paano ka magiging pinakamabuting bersyon ng iyong sarili.

Kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya na mamuno sa kabutihan, tayo ay magiging tunay na mga disipulo at alagad ni Jesucristo at magiging karapat-dapat sa pagsama ng Espiritu Santo. Kapag gumagawa tayo ng at iginagalang ang mga sagradong tipan, tayo ay may karapatang tumanggap ng mga kailangan sa paghahanda at espirituwal na sandata upang makidigma laban sa kaaway.

Makapagsisimula Ka Ngayon

Magiging anong uri ng pinuno ka? O, sa pagbanggit sa sinabi ng Tagapagligtas, “Anong uri ng mga [pinuno] ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).

Habang papalapit tayo sa Ikalawang Pagparito, kakailanganin ng Panginoon ang mas mabubuting lider na susunod sa Kanyang mga propeta at magpapalista sa labanang ito. Kailangan Niya tayo. Tayo ay nasa ika-11 oras, at marami tayong gagawin. Makapagsisimula na tayo sa paghahanda upang maging isang mahusay na henerasyon ng mga pinuno ngayon. Hindi pa huli ang lahat para magsimula! Kung may mga bagay na kailangan mong sabihin sa iyong bishop, matutulungan ka niya sa landas ng pagsisisi. Kung kailangan mo ng patnubay sa kung paano mas mapapahusay ang iyong sarili, magsimula sa pagpapaganda ng iyong relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo; maipapakita Nila sa iyo kung ano ang gagawin. Ikaw at ako ay tinawag ngayon na gawin ang gawain ng Panginoon at tulungan ang ating propeta na pamunuan ang sambahayan ni Israel tungo sa kaligtasan, at kung sisikapin nating gawin ang lahat ng ating makakaya, tayo ay magtatagumpay.