Isang Taxi, Isang Batang Estudyante, at Isang Sagot sa Panalangin
Ang awtor ay naninirahan sa Rivers State, Nigeria.
Nagkaroon kami ng pahiwatig na makikita namin siya, pero bakit hindi namin siya makita?
Isang araw binigyan kaming magkompanyon ng referral para turuan ang isang lalaki na nakatira sa isang nayon na tinatawag na Tema, malapit sa magandang lungsod ng Accra, Ghana. Ang mga numero ng bahay sa nayon na iyon ay hindi eksakto, kaya binigyan kami ng nakasulat na direksyon para matunton ang bahay.
Pagdating namin sa nayon, sinunod namin ang direksyon pero hindi namin makita ang lalaki dahil karamihan sa mga bahay doon ay katulad ng nasa deskripsyon. Dahil litung-lito na, nagpasiya kaming kumatok sa mga pintuan sa komunidad para magtanong, pero parang walang nakakakilala sa taong hinahanap namin. Nadama ko na dapat kaming manalangin sa Ama sa Langit para sa tulong.
Pagkatapos kong magdasal, naramdaman ko na makikita na namin ang taong hinahanap namin, kaya lalo naming pinag-igi ang paghahanap. Pero hindi pa rin namin siya nakita. Napagod kami at nagpasiyang bumalik sa aming proselyting area dahil may iba pa kaming mga appointment. Pagdating namin sa paradahan ng taxi, nakita ng drayber ng taxi na naghatid sa amin sa nayon na bakas sa mukha namin ang lungkot at itinanong kung nakita namin ang taong hinahanap namin. Ang sagot namin syempre ay hindi.
Iminungkahi niya na pumasok kami sa loob ng isang paaralan na nasa isang kanto at magtanong doon. Sinabi namin sa kanya na hindi iyon ang deskripsyon na ibinigay sa amin, pero nagpumilit siya. Bumaba kami ng taxi at nagpunta na sa paaralan—hindi dahil sa inisip naming makakakita doon ng sinuman, kundi para pagbigyan lang ang nagmamalasakit na kaibigan.
Habang papalapit kami sa administration building sa paaralan, isang batang lalaki ang tumakbo papunta sa amin. Ngumiti siya at sinabi sa amin na sila lang ng kanyang kapatid na lalake ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar na ito at matutulungan niya kami.
Nagkatinginan kami ng kompanyon ko at halos hindi makapaniwala. Isang himala ito. Tinulungan kami ng bata na makita ang taong hinahanap namin, at kalaunan ay tinanggap niya ang ebanghelyo at nabinyagan.
Ang karanasang ito ay nagturo sa akin na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. Kapag hindi natin kaagad natatanggap ang mga sagot sa ating mga panalangin, manalig tayo sa Kanya at matutong magtiyaga.