Ang Patuloy na Panunumbalik
Ang Panunumbalik ay nagsimula sa Sagradong Kakahuyan 200 taon na ang nakararaan—at maaari tayong parehong maging bahagi nito.
Maganda at nakatutuwa ang panahong ito para mabuhay sa mundo. Mapalad tayong makalahok sa dakilang mga kaganapang nangyayari sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.1 Hindi lamang natin namamasdan ang kahanga-hangang mga kaganapang ito kundi bahagi rin tayo ng mga ito.2
Binabanggit natin kung minsan ang Panunumbalik ng ebanghelyo na para bang bigla na lang itong nangyari. Dalawang daang taon na ang nakararaan, sinimulan ng Unang Pangitain ang proseso, ngunit, siyempre pa, hindi nagtapos doon ang Panunumbalik. Ang gawain ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasamahan ay nagpatuloy sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, pagpapanumbalik ng priesthood, pag-oorganisa ng Simbahan, pagsusugo ng mga missionary, pagtatayo ng mga templo, pag-organisa ng Relief Society, at marami pang iba. Ang mga kaganapan sa Panunumbalik ay nagsimula noong 1820 at nagpatuloy sa buong buhay ni Joseph Smith.
Nakatutuwa man ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith, hindi natapos ang Panunumbalik sa panahon ni Joseph. Sa pamamagitan ng mga propetang sumunod sa kanya natanggap natin ang mga bagay na tulad ng patuloy na pag-unlad ng gawain sa templo; karagdagang mga banal na kasulatan; pagsasalin ng banal na kasulatan sa maraming wika; pagdadala ng ebanghelyo sa buong mundo; pag-organisa ng Sunday School, Young Women, Primary, at mga priesthood quorum; at maraming pagbabago sa organisasyon at patakaran ng Simbahan.
“Saksi tayo sa isang proseso ng panunumbalik,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Kung inaakaka ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari. … Maghintay kayo hanggang sa isang taon. At pagkatapos ay sa susunod na taon. Uminom kayo ng mga bitamina. Matulog kayo nang sapat. Magiging kapana-panabik ang hinaharap ng Simbahan.”3
Tugma sa pahayag ni Pangulong Nelson na patuloy ang Panunumbalik, marami na tayong nasaksihang mahahalagang pagbabago sa Simbahan mula nang siya ang maging Pangulo nito. Kabilang doon ang pagsasaayos ng mga priesthood quorum, pagpalit ng ministering sa home at visiting teaching, at pagsisimula ng paraan ng pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan.4 Marami nang pagbabagong nangyari mula noon, at marami pang mangyayari.
Isang Halimbawa sa West Africa
Ang aking patotoo tungkol sa patuloy na katangian ng Panunumbalik ay naapektuhan ng limang taon na ginugol ko sa paglilingkod sa Africa West Area Presidency. Noon pa mang binata ako, may patotoo na ako sa ebanghelyo. Pero nang tumira ako sa Africa, nakisama ako sa ilan sa mga unang West African na tumanggap sa ebanghelyo. Nakita ko rin ang mabilis na paglaganap ng Simbahan sa kontinenteng ito, na daan-daang ward at stake ang binubuo, umaapaw sa matatapat na miyembro ang mga templo at meetinghouse, at tinatanggap ng mabubuting kababaihan at kalalakihan, nang buong puso, ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nakita ko mismo ang katuparan ng propesiya ni Joseph Smith na “pupunuin [ng Simbahan] ang buong mundo.”5
Tinulungan ako ng dalawang gayon katapat na miyembro, sina James Ewudzie at Frederick Antwi, isang araw sa Accra Ghana Temple. Ilang taon bago dumating ang mga Latter-day Saint missionary sa Ghana, naging bahagi si James ng isang grupo ng mga 1,000 katao na gumamit ng Aklat ni Mormon at iba pang mga materyal ng Simbahan sa mga miting nila sa simbahan. Ipinagdasal nila ang araw ng pagdating ng Simbahan sa Ghana. Sumama siya sa iba pang mga kabataang lalaki na lumilibot sa buong Ghana at nagtuturo ng ebanghelyo na matatagpuan sa ating mga materyal. Nang dumating ang mga missionary noong 1978, nabinyagan siya sa unang araw na nagsagawa ng mga pagbibinyag ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Ghana.
Noong bagong miyembro pa lang si Fred, dumalo siya sa burol ng isang kamag-anak na pinuno ng isang tribo. Doon niya nalaman na plano ng pamilya na siya ang gawing bagong pinuno. Batid na ang gayong posisyon ay magiging dahilan para gumawa siya ng mga bagay na salungat sa kanyang mga paniniwala sa ebanghelyo, mabilis siyang tumalilis pagkatapos ng libing at tinalikuran ang isang posisyon na magbibigay sana sa kanya ng katanyagan at kayamanan.
Nang ilaan ang Accra Temple, parehong naglakbay sina James at Fred nang mahigit apat na oras, papunta roon, linggu-linggo para magsilbi bilang mga temple worker. Nang magsagawa ako ng mga ordenansa na kasama sila, napuspos ako ng diwa ng kasaysayang nakapalibot sa akin. Natatanto ang kasaysayan ng Simbahan sa Africa na kinatawan nilang dalawa, pakiramdam ko parang kasama ko si John Taylor o si Wilford Woodruff o ang iba pang naunang mga miyembro ng Simbahan sa paggawa ng mga ordenansang iyon.
Ang nakita, naranasan, at nadama ko sa West Africa ay pagiging bahagi ng sinabi ng Panginoon kay Enoc na mangyayari: “At kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, upang magpatotoo sa aking Bugtong na Anak; … at kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya [ng] isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo” (Moises 7:62).
Nakita kong lumalaganap ang kabutihan at katotohanan sa buong kontinente ng Africa at tinitipon ang mga hinirang mula sa bahaging iyon ng mundo. Nadagdagan ang aking patotoo sa Panunumbalik dahil nakita ko mismong nangyayari ang mahalagang bahaging iyon ng Panunumbalik.
May iba rin akong nakita tungkol sa patuloy na Panunumbalik: isang masiglang pananampalataya at espirituwal na lakas sa mga miyembro sa Africa. Narinig kong sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang Kirtland [kung saan nanirahan ang mga Banal sa mga Huling Araw noong 1830s] ay hindi lamang nasa Ohio. Nasa Africa din iyon.” Maraming taong sumasapi sa Simbahan sa Africa batay sa kanilang matinding personal na espirituwal na mga karanasan. Ang mga bagong miyembrong iyon ay naghahatid ng espirituwal na lakas at isang pangangailangan para sa dagdag na pagkatuto tungkol sa ebanghelyo. Para sa kanila patuloy ang Panunumbalik sa personal na kahulugan. Habang parami nang parami ang natututuhan nila tungkol sa Simbahan, patuloy na nalalahad sa kanilang paningin ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Totoo rin ito sa ating lahat habang patuloy na lumalawak ang ating kaalaman tungkol sa ebanghelyo.
Tatlong Paraan para Makatulong sa Patuloy na Panunumbalik
Binigyan na tayo ng Diyos ng napakagandang pagkakataon na gumanap ng mahahalagang tungkulin sa gawaing ito. Sinabi ng Panginoon na ang “katawan [ng Simbahan] ay kailangan ang bawat bahagi” (Doktrina at mga Tipan 84:110). Lahat ng miyembro ng Simbahan ay mapalad na makalahok sa patuloy na Panunumbalik na ito. Paano natin gagawin iyan?
Ang isang paraan na nakikilahok tayo ay sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan. Ang mga ordenansa, kabilang na ang mga ordenansa sa templo, ay walang layunin maliban kung talagang gumagawa at tumutupad ang mga tao ng mga tipang nauugnay sa mga ordenansang iyon. Itinuro ni Sister Bonnie Parkin, dating Relief Society General President, “Ang pakikipagtipan ay ang pagpapakita ng pusong handang sumunod; [ang] pagtupad ng mga tipan [ay] pagpapakita ng matapat na puso.”6
Sa paggawa at pagtupad ng mga Tipan, hindi lamang natin inihahanda ang ating sarili para sa buhay na walang-hanggan, kundi tumutulong din tayong ihanda at palakasin ang tinatawag ng Panginoon na “aking mga pinagtipanang tao” (Doktrina at mga Tipan 42:36). Nakikipagtipan tayo sa Diyos at nagiging bahagi ng Kanyang pinagtipanang mga tao sa pamamagitan ng binyag, kumpirmasyon, sakramento, Melchizedek Priesthood, at mga ordenansa sa templo.
Ang ikalawang paraan na makalalahok tayo sa patuloy na Panunumbalik ay sa pagganap sa mga tungkulin at gawaing natatanggap natin. Ganyan ang pagsulong ng Simbahan. Itinuturo ng debotong mga guro ang ebanghelyo sa mga bata, kabataan, at matatanda. Ang mga kapatid na nagmi-minister ay pinangangalagaan ang bawat miyembro ng Simbahan. Ang mga presidency at bishopric ay nagbibigay ng patnubay sa mga stake, district, ward, branch, korum, organisasyon, klase, at grupo. Pinangangalagaan ng mga lider ng mga kabataan ang mga kabataang babae at kabataang lalaki. Ang mga clerk at secretary ay nagtatala ng mahahalagang impormasyon na pagkatapos ay itinatala sa langit, at maraming iba pa ang gumaganap sa mahahalagang tungkulin upang ihanda ang mga tao para sa buhay na walang-hanggan at sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Ang ikatlong paraan na makalalahok tayo sa Panunumbalik ay sa pagtulong na tipunin ang Israel. Mula pa sa mga unang araw ng Panunumbalik, mahalagang bahagi na ito ng gawain. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, may oportunidad at tungkulin tayong tumulong sa pagtitipong nangyayari sa magkabilang panig ng tabing. Sa kanyang pangwakas na mensahe sa kanyang unang pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan.”7
Ang ibig sabihin ng pagtitipon ng Israel sa panig na ito ng tabing ay gawaing misyonero. Lahat tayo na maaaring maglingkod sa full-time mission ay dapat pag-isipang mabuti ang oportunidad na iyon. Itinuturing kong isang malaking pagpapala na nakapagmisyon ako sa Italy sa isang panahon na bagung-bago pa ang Simbahan doon. Nagpulong ang aming mga branch sa inupahang mga bulwagan, at inasam namin na balang-araw ay magkaroon ng mga stake at ward doon. Minasdan ko ang matatapang na pioneer na sumapi sa Simbahan at inihanda ang lugar para sa pagtitipon ng Israel sa dakilang lupaing iyon.
Isa sa kanila si Agnese Galdiolo. Matindi naming nadamang lahat ang Espiritu nang turuan siya ng mga missionary lesson. Ngunit, kahit nadama ang Espiritung iyon, alam niya na matinding tututol ang kanyang pamilya na mabinyagan siya. Gayunman, dumating ang oras na, puspos ng Espiritu, pumayag siyang magpabinyag. Ngunit nagbago ang isip niya noong umaga na nakatakda siyang binyagan. Maaga siyang dumating sa inupahang bulwagan kung saan siya bibinyagan para sabihin sa amin na dahil sa takot sa pamilya, hindi niya puwedeng gawin iyon.
Bago umalis, pumayag siyang makausap namin nang ilang minuto. Pumasok kami sa isang silid kung saan iminungkahi namin na sama-sama kaming manalangin. Nang nakaluhod na kami, hiniling namin na siya ang manalangin. Pagkatapos ng panalangin luhaan siyang tumayo at nagsabing, “Sige, magpapabinyag ako.” At pagkaraan ng ilang minuto’y nabinyagan na siya. Nang sumunod na taon ikinasal siya kay Sebastiano Caruso, at nagkaroon sila ng apat na anak, na nagmisyon lahat at patuloy na naglingkod sa Simbahan mula noon.
Nagmisyon din sina Agnese at Sebastiano, nang maging mission president si Sebastiano. Nang maglingkod ako sa pangalawang misyon sa Italy, 25 taon pagkaraan ng una, nakita ko ang nagawa ng mga Caruso at ng iba pang mga pioneer para palawakin ang kaharian ng Diyos doon. Sinikap namin ng mga missionary ko na maitatag ang Simbahan, na nangangarap na balang-araw ay makapagtatayo ng templo sa Italy. Isipin ninyo ang kagalakan ko sa katotohanan na mayroon na tayo ngayong Rome Italy Temple.
May ilang kagalakan na maihahambing sa kagalakan ng missionary. Kaylaking pagpapala ang maisilang sa isang panahon na masaya tayong makalalahok sa patuloy na Panunumbalik sa pagtulong na tipunin ang Israel!
Ang kagalakan ng missionary, siyempre pa, ay hindi lamang mga full-time missionary ang nakadarama. Bawat isa sa atin ay maaaring tumulong sa pagbabalik-loob o pagbalik sa pagiging aktibo ng ating mga kapatid sa pakikipagtulungan sa mga full-time missionary. May pagkakataon tayong tipunin ang Israel sa pag-anyaya sa iba na magsiparito at nang makita nila at sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa mga tinuturuan.
Sa gawain sa templo at family history tayo nakakatulong na matipon ang Israel sa kabilang panig ng tabing. Maraming taon nang sagradong responsibilidad natin na gawin ang gawaing ito. Bago namatay si Joseph Smith, nagsagawa ng mga pagbibinyag ang mga Banal para sa mga patay, at natanggap ng ilan ang kanilang endowment at pagbubuklod. Nang matapos ang Nauvoo Temple, seryosong nagsimula ang mga endowment para sa mga buhay. Nagsimula rin ang mga endowment at pagbubuklod para sa mga ninuno sa mga templo sa Utah.
Naunawaan ni Eliza R. Snow, isang mahalagang kalahok sa prosesong iyan ng panunumbalik, ang kahalagahan ng bahaging iyon ng Panunumbalik. Nag-ukol siya ng maraming oras sa endowment house, sa pagtulong sa mga ordenansa roon.8 Sa isang pagbisita ng Relief Society noong 1869, itinuro niya sa kanyang mga kapatid, “Matagal ko nang pinagninilayan ang dakilang gawaing kailangan nating gawin, maging sa pagtulong sa kaligtasan ng mga buhay at patay. Gusto nating maging … akmang mga kasama ng Diyos at ng mga Banal.”9
At, siyempre pa, ang pagkakaroon ng mga ordenansa sa templo ay mabilis na dumami sa pagtatayo ng maraming templo sa buong mundo, at marami pang itatayo.
Sa mga kasangkapang ginagamit natin ngayon, ang gawain sa templo at family history ay maaaring maging regular na bahagi ng ating pakikilahok sa patuloy na Panunumbalik. Maraming taon na akong interesado at nakikibahagi sa gawain sa family history, ngunit lubhang nakatulong ang online tools sa aking tagumpay sa pagdadala ng mga pangalan ng aming pamilya sa templo. Mayroon akong mga sagradong alaala ng pag-upo sa mesa sa apartment namin sa Ghana at paghahanap ng mga pangalan ng aking mga ninunong Europeo na madadala naming mag-asawa sa Accra Ghana Temple. Nadama rin namin ang masayang oportunidad na iyon sa iba pang mga lugar kung saan kami pinapunta.
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, sinimulan ng Diyos ang prosesong “maisakatuparan ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na winika ng bibig ng lahat ng banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 27:6). Ang Panunumbalik na iyon ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon dahil ang Diyos ay “ipinahahayag ngayon” at “maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Lubos akong nagpapasalamat na nakakalahok tayo sa patuloy na Panunumbalik na ito.