Pagkakaroon Ko ng Pananampalataya nang Paunti-unti
Maaaring matagalan bago magkaroon ng patotoo. Kadalasan ay kailangan munang mapagsama-sama ang maliliit na karanasan.
Isa sa mahahalagang sandali sa buhay ko ang nangyari sa akin sa edad na 10 nang nag-ukol ako ng dalawang linggo sa pag-aaral ng doktrina ng Katoliko sa Loreto Roman Catholic Mission, mga 20 milya (32 km) ang layo mula sa bahay namin sa Silobela, Zimbabwe. Nakilala at minahal ko ang Tagapagligtas na si Jesucristo at umasa sa Panginoon dahil sa mga natutuhan at mga impresyong ito.
Habang ako ay nasa Catholic chapel, nakita ko ang mga ipinintang larawan ng mga tagpo mula sa buhay ng Tagapagligtas na idinikit sa dingding: mga tagpo ng pagsilang ni Jesucristo, pagtuturo sa templo, pagdarasal sa Halamanan ng Getsemani, pagpasan ng krus sa Kalbaryo, pagpapako sa krus sa Golgota, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Labis akong nalungkot nang makita ko ang mga pako at tinik na iyon. Nang tinitingnan ko na ang larawan ng Pagpapako sa Krus, napuno ng luha ang aking mga mata. At sa bawat pagkakataon ay napapaiyak ako at nagsasabing, “Napakaraming hirap ang dinanas Niya para lang sa akin.”
Sa seremonya ng pagkukumpil, isa sa mga pari ang tumingin sa aking mga mata at sinabing, “Kayo ang ilaw ng sanglibutan” (tingnan sa Mateo 5:14). Pagkatapos habang itinuturo niya ang nakasinding kandila, binanggit niya ang mga salita ng Tagapagligtas na, “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).
Nang malaman ko pa ang tungkol kay Jesus, nagsimula na ang kagustuhan kong maglingkod sa iba. Halimbawa, para makaigib ng tubig kailangan naming lakarin ang limang milya (8 km) na layo mula sa aming nayon. Kadalasan, ang kababaihan sa nayon, pati na ang aking ina, ay nagpapatong sa kanilang mga ulunan ng 20-litrong lalagyan na puno ng tubig. Matapos ang karanasan ko sa seminaryong Katoliko, madalas na akong nagtulak ng 2-litrong lalagyan ng tubig para tulungan ang aking ina, pati na ang dalawa pang balo na mga kapitbahay namin. Naalala ko ang kasiyahang nadarama ko sa tuwing nakakatulong ako sa iba.
Ang mga karanasang ito ang nakatulong sa akin na manampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at naghanda sa akin sa pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo noong ako ay 22 taong gulang na.
Pagtanggap sa Aklat ni Mormon
Lumaki ako sa panahong dumadaan sa pagbabago ang aking bansa. Ang puting minorya na pinamunuan ni Ian Smith ay nagpahayag ng kalayaan mula sa Britanya noong 1965. Dahil dito nabunsuran ang United Nations sanctions at sumiklab ang digmaang sibil na tumagal hanggang 1980, na tanda ng kalayaan sa Zimbabwe. Nang matapos ko ang aking pag-aaral, lumipat ako sa lungsod para magtrabaho at hindi nakadalo sa alinmang simbahan nang ilang taon.
Isang araw, kalaro ko ang mga anak ng aking boss. Ang edad nila ay siyam at pitong taong gulang. Sabi nila, “Alam mo ba na tatay namin ang branch president sa Simbahan namin.” Ipinaliwanag nila kung ano ang branch president, at bigla ko na lang sinabi, nang hindi ko pinag-isipan, “Hindi mapupunta sa langit ang tatay ninyo.” Natanto ko na nakagawa ako ng malaking pagkakamali, kaya agad akong nag-isip ng sasabihin ko sa kanila para malimutan nila ang sinabi ko. Sa pagtatapos ng araw, nang makita nila ang kanilang ama, patakbo silang lumapit sa kanya at inulit ang sinabi ko. Inisip ko na matatanggal ako sa trabaho.
Bago iyon may ipinakitang jacket sa akin ang boss ko na nagpapakita na noong siya ay nasa military pa ay nakapatay siya. Kaya nasabi ko iyon. Mahinahon niya akong tinanong kung bakit ko nasabi iyon. Sabi ko, “Boss, hindi ba sabi ninyo nakapatay kayo sa digmaan. Sinasabi sa Biblia na, ‘Huwag kang papatay.’”
Tinanong niya kung aling simbahan ang dinaluhan ko. Sinabi ko sa kanya na dati akong nagsisimba sa Katoliko pero pitong taon na akong hindi nakakadalo. Nagbahagi siya ng mga pangyayari sa Lumang Tipan tungkol sa mga digmaan at labanan, at pagkatapos ay binigyan niya ako ng kopya ng Aklat ni Mormon. Tuwang-tuwa ako na hindi ako nawalan ng trabaho.
Binigyan niya ako ng Aklat ni Mormon noong 1981, pero hindi ko ito binasa o binuklat man lang sa loob ng dalawang taon. Isang araw ng Linggo na lumuwas ang mga kaibigan ko, nainip ako kaya dinampot ko ang aklat at nagpunta sa malapit na istasyon ng tren para magbasa. Nang magbasa ako nang araw na iyon, naramdaman kong nahikayat akong gumawa ng mabuti, pero ang talagang nakaantig sa puso ko kalaunan sa pagbabasa ko ay ang 3 Nephi 11. Binasa ko ang tungkol sa mga Nephita na nakaligtas mula sa digmaan at ligalig, at ang pagpapakita sa kanila ng Tagapagligtas na si Jeucristo.
Dumanas din ng digmaan ang bansa ko sa loob ng 15 taon. Ilan sa mga kababata ko sa nayon namin ang sumabak sa digmaan at hindi na nakabalik. Ang iba ay baldado na habambuhay.
Kaya, habang nagbabasa ako tungkol sa mga Nephita, nadama ko na parang nakikipag-ugnayan sa akin ang Tagapagligtas nang sinabi Niya, “Bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (3 Nephi 11:14).
Nadama ko na parang nakikipag-ugnayan siya sa akin sa personal na paraan, iniimbita akong lumapit sa Kanya. Natanto ko na magagawa ko ito. Binago nito ang lahat.
Pagkakaroon Ko ng Patotoo
Inabot ng ilang buwan bago ako nagkaroon ng lakas-ng-loob na magsimba. Alam ko kung nasaan ang simbahan, pero walang mga missionary sa aming maliit na branch. Noong Pebrero 1984, pumunta ako sa Kwekwe chapel. Gusto kong umatras. Hindi ko alam kung kabilang ako kaya naupo ako sa likod, para mabilis makalabas. Matapos ang opening exercises, nagpatotoo ang branch president, si Mike Allen, tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Aklat ni Mormon. Nakaugnay ako. Ang sumunod na tumayo ay nagpatotoo rin tungkol sa Tagapagligtas at sa Aklat ni Mormon, at gayundin ang pangatlo. Tuwang-tuwa ako. Wala akong lakas-ng-loob na pumunta sa pulpito, kaya nanatili ako sa aking kinatatayuan at nagsabing, “Mahal ko si Jesus. Binabasa ko ang Aklat ni Mormon.” At umupo na ako. Iyon ang simula ng aking patotoo.
Ang mga patotoong iyon ang paraan ng pakikipag-ugnayan ng Panginoon sa akin dahil nakatulong iyon para madama ko na kabilang ako. Pakiramdam ko ay mga kapatid ko ang mga ito. Nang sumunod na mga araw ipinagdasal ko sila at ang kanilang pagtanggap. May nakilala ako na mga miyembro doon na napakabait at tumulong sa akin.
Napakaraming nangyari nang pumasok ako ng chapel. Iniisip ko kung ano kaya ang nangyari kung hindi nagpatotoo ang mga miyembrong iyon. Hindi mo malalaman kung may isang tao na nahihirapan. Kapag tumayo ka at sinabi mo ang nadarama mo, maaaring iyon mismo ang kailangang marinig ng isang tao.
Ibahagi nang madalas ang iyong patotoo. Kapag ginawa mo ito, pinalalakas mo ang iyong sarili at ang ibang nasa paligid mo. Panindigan ang nalalaman mo. Kapag sinunod mo ang payo na ito mula sa Aklat ni Mormon, mas mapapalapit ka sa Tagapagligtas.
Lumapit sa Tagapagligtas
Ang panahong inukol ko sa Loreto Roman Catholic ang naging simula ng pagtahak ko tungo sa pagiging disipulo ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Mula noon nalaman ko na ang pagiging disipulo ay isang proseso at kailangan nating patuloy na sumulong anuman ang ating mga kahinaan at limitasyon. Kapag tinanggap natin ang paanyaya na: “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48), tayo ay susulong tungo sa buhay na walang-hanggan nang “taludtod sa taludtod, utos sa utos” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 98:12).
Alam natin na ang daan ay hindi laging magiging madali, at daranas tayo ng mga paghihirap at dalamhati bunga nito, ngunit ang umasa at magtiwala sa Panginoon ang tanging paraan upang magkaroon ng kapayapaan sa ating buhay.
Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang lahat-lahat sa akin. Alam ko na nakikipag-ugnayan sa atin ang Tagapagligtas. Kailangan nating umasa at magtiwala sa Kanya, at tumulong na iangat ang iba habang tinutulungan at pinasisigla Niya tayo.