Isang Simbahan para kay Zulma
Siguro may gusto pang ipaalam ang Diyos kay Zulma.
“Maghanap, at kayo’y makasusumpong” (3 Nephi 14:7).
Nakaupo si Zulma sa isa sa mga upuan sa Simbahan at iniuunat ng palad ang palda ng kanyang uniporme sa paaralan. Nabanaag ang liwanag sa may kulay na mga salamin ng bintana, at isang krus ang nasa harapan ng kapilya. Nag-aral si Zulma sa isang paaralan ng simbahan, kaya dalawang beses sa isang araw siyang nagsisimba kasama ang iba pang mga estudyante. Gusto ni Zulma sa simbahan nila. Mahal niya si Jesus at gusto niyang malaman ang tungkol sa Kanya.
Tahimik siyang umupo nang magsimula nang magsalita ang pari. Pero ngayon may nadama siyang kakaiba. Biglang may bagong impresyon na pumasok sa isip at puso niya: Mas marami pang katotohanan sa labas.
Nagsalubong ang mga kilay ni Zulma. Mas marami pang katotohanan? Ano ang ibig sabihin niyon?
Muli niyang naisip ang impresyon. Mas marami pang katotohanan.
Pumikit si Zulma at nagpokus sa nadarama niya. Marami siyang natutuhang mabubuting bagay sa simbahan. Pero ngayon, inisip niya kung may kulang pa ba. Siguro may gusto pang ipaalam sa kanya ang Diyos. Pero paano niya mahahanap ito?
Kalaunan ikinuwento niya sa kuya niyang si Alberto ang mga nasa isip niya.
“Naisip mo na mas marami pang katotohanan sa labas?” Tanong ni Alberto.
Tumango si Zulma. “Gusto kong malaman ang tungkol sa ibang mga simbahan,” sabi niya.
“OK,” sagot ni Alberto. “Sasamahan kita!”
Sa loob ng ilang taon, bumisita sina Zulma at Alberto sa iba’t ibang simbahan. Pagkatapos ng isang service sa Simbahan, sinabi ni Alberto, “Mabubuting bagay naman ang itinuro ng simbahang iyon.”
Sumang-ayon si Zulma, pero pakiramdam niya may kulang dito, kaya patuloy silang naghanap.
Isang araw nagmamadaling umakyat si Alberto sa bahay nila. “Nakita ko na ang simbahang hinahanap natin!” Sabi ni Alberto. Niyakap niya nang mahigpit si Zulma.
Nanlaki ang mga mata ni Zulma. “Saan? Paano?”
“May nakilala ang kaibigan ko na ilang missionary sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ni Alberto. “Nakinig ako sa kanila, at naniniwala ako sa itinuro nila!”
Tuwang-tuwa sina Zulma at Alberto kaya napasayaw sila sa buong bahay. Pero may malungkot na balita kay Zulma. Ayaw ng Mamá niya na makipag-usap siya sa mga missionary. “12 anyos ka pa lang,” sabi ni Mamá. “Masyado ka pang bata.”
Dahil mas matanda si Alberto, pinayagan siya na patuloy na makipag-usap sa mga missionary. Pagkaraan ng ilang linggo ay nabinyagan siya.
Paulit-ulit na itinanong ni Zulma sa kanyang Mamá kung maaari na siyang magpaturo sa mga missionary. Sa wakas, pumayag si Mamá.
Nang tinuruan ng mga missionary si Zulma, nakadama siya ng sigla sa kanyang puso. Hirap magsalita ng Espanyol ang isa sa mga missionary, pero hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay masaya ang pakiramdam ni Zulma. Nang malaman niya ang tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, alam niyang natagpuan na niya ang katotohanang hinahanap niya!
Gusto ni Zulma na magpabinyag. Pero ano ang sasabihin ni Mamá? Tuwang-tuwa si Zulma nang pumayag si Mamá! Sa araw ng kanyang binyag, nakasuot ng puting damit si Zulma. Alam niyang mahal siya ng Diyos. Alam niyang kilala siya ng Diyos. At alam niyang tinulungan Niya siya na matagpuan ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan!