Mga Larawan ng Pananampalataya
Berglind Guðnason
Árnessýsla, Iceland
Berglind (kaliwa) kasama ang kanyang kapatid na si Elín (kanan). Noong pinakamatindi ang depresyong naranasan ni Berglind, pakiramdam niya ay hindi na niya kakayaning mabuhay. Nang ipagtapat niya sa pamilya at mga kaibigan ang kanyang mga pakikibaka, nagkaroon siya ng espirituwal at emosyonal na paggaling sa pamamagitan ng mga kasangkapang nailaan ng Ama sa Langit.
Mindy Selu, Retratista
May depresyon na ako noon pang 13 anyos ako. Minsan, napakasama ng sitwasyon kaya tinangka kong magpakamatay. Walang-wala akong pag-asa noon. Naisip ko, “Hindi ako magiging masaya kailanman. Wala akong makakamtang anuman kailanman.”
May isang sandali na naisip ko na pagtalikod sa Simbahan ang sagot sa mga problema ko dahil wala akong pag-asa tungkol sa lahat ng bagay. Napakadaling gawin ang dapat mong gawin sa Iceland. Napakaliit ng Simbahan dito. Kami lang ng mga kapatid ko ang nasa mga klase namin sa Simbahan na lumalaki na. Nalungkot ako at sumandaling umayaw akong magsimba.
Iwinawaksi ng karamihan ng tao sa Iceland ang relihiyon. Nagsisimulang uminom ng alak ang mga tao sa murang edad. Sinimulan ko ring gawin iyan, at sumandali akong naging di-aktibo sa buhay ko. Hindi ko ipinagmamalaki iyon, pero bahagi iyon ng karanasan ko at natuto ako roon. Pinag-aralan ko ang isang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland at nagustuhan ko ang sinabi niya: “Matuto sa nakaraan ngunit huwag na itong balikan. … Kapag natutuhan na natin ang dapat nating matutuhan … , iniisip natin ang hinaharap, at tinatandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo sa hinaharap.”1
Isang araw noong talagang nahihirapan ako, binasa ko ang aking patriarchal blessing. Habang binabasa ko ito, natanto ko na mayroon nga akong kinabukasan. May plano ang Diyos para sa akin, at mahal Niya talaga ako. Ang pagsisimba, pagtanggap ng sakramento, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal ay naghatid ng labis na liwanag at kaligayahan sa buhay ko. Hindi nagtagal natanto ko, “Totoong nakakatulong ito sa akin.” Noon ko nalaman na noon pa man ay gusto ko na ang ebanghelyo sa aking buhay. Pagkatapos ng lahat ng napagdaanan ko, alam ko na nailigtas ng ebanghelyo ang buhay ko, at napakasaya ko tungkol diyan.
Ang pag-uusap namin ng pamilya at mga kaibigan ko tungkol sa aking depresyon ay nakatulong nang malaki. Naghatid din ito ng iba pang tulong. Ayaw kong uminom ng mga gamot o magpa-therapy. Palagi kong sinasabi sa sarili ko, “Tutulungan ako ng Diyos.” Ngunit ang Diyos ay naglalaan ng maraming iba pang mga kasangkapan, tulad ng gamot at therapy, para gamitin natin bukod pa sa mga espirituwal na bagay.
Nang simulan kong higit pang basahin ang aking mga banal na kasulatan araw-araw at mapalapit ako sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, nakatanggap ako ng maraming pagpapala at paghahayag na ang aking layunin ay tulungan ang iba. Pakiramdam ko marami sa atin ang may mga problema sa kalusugan ng isipan at sinusubukan nating itago ito. Naituro sa akin ng aking depresyon at mga pakikibaka na mas mabuting makipag-usap at makipag-ugnayan sa iba. Kamakailan lang ay kinausap ako ng kaibigan ko tungkol sa kanyang pakikibaka sa depresyon. Pinag-usapan namin iyon at talagang naunawaan namin ang isa’t isa.
Hindi natin palaging napapansin ang problema ng iba, pero naglalakad-lakad lang ako sa paligid kung minsan at tumitingin sa ibang tao at natatanto ko na kilala ng Diyos ang bawat isa sa atin. Mahal Niya tayo at alam na alam Niya ang pinagdaraanan nating lahat. At matutulungan natin ang isa’t isa.
Sa pamamagitan ng aking mga pakikibaka sa depresyon, natutuhan kong itanong, “Ano ang matututuhan ko sa pagsubok na ito?” sa halip na “Bakit ako nagkaroon ng ganitong pagsubok?” Gustung-gusto ko ang Eter 12:27, kung saan sinasabi na ang mahihinang bagay ay maaaring lumakas kung may pananampalataya tayo kay Jesucristo. Palagi akong pinapanatag nito.
Pinili nating lahat na pumarito sa lupa. Alam natin na magdurusa tayo sa pamamagitan ng mga pagsubok. At sa totoo lang iyan ang nagpapaganda sa buhay. Dahil alam natin na may mabubuting bagay na darating. Alam natin na kung susundan natin ang Tagapagligtas sa bawat mahirap na panahon, magkakaroon tayo ng buhay na walang-hanggan at ng lahat ng pagpapalang ito na naghihintay sa atin.
Talagang napansin ko kung gaano ako nagbago dahil sa aking depresyon. Totoo ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nabago ang mga hangarin ko, at mas matatag na ako. Pakiramdam ko hindi na ako katulad ng dati. Napapansin ito ng mga tao at sinasabi nilang, “Nagbago ka na.” Sabi pa ng isang babae sa paaralan, “May nakikita akong iba sa iyo at may nakikita akong liwanag sa iyo.” Kakatwa iyon dahil ni hindi siya miyembro ng Simbahan, at hindi pa talaga kami nakapag-usap noon.
Noong nasa pinakamatinding depresyon ako, sinasabi sa akin ng mga tao, “Gagaling ka.” Mapapagod akong marinig iyon pero, kakatwa mang pakinggan, totoo iyon.
Pero kailangan mong naising gumaling. Nalaman ko na hindi mo maaasahang gumaling ka nang wala kang ginagawa. Kailangan mong naising sumaya at maniwala na mayroon kang potensyal at kinabukasan. Mahalagang tandaan na mahal ka ng napakaraming tao, pati na ng iyong Ama sa Langit. Nariyan silang lahat para tulungan ka.
Hindi ko inakala kailanman na magiging masaya ako na katulad ngayon. May mga araw pa rin na nahihirapan ako, pero sa mga kasangkapang naibigay sa akin ng Ama sa Langit, kakayanin ko iyon. Ngayon kapag nadarama ko na bumabalik ang depresyon ko, sinasabi ko sa sarili ko na may nagmamahal sa akin, may mga tao akong makakausap at gagaling ako.