Mga Young Adult
Paano Nakakagawa ng Kaibhan ang mga Young Adult sa Patuloy na Panunumbalik
Noon pa man ay may mahalagang papel na ang mga young adut sa gawain ng kaligtasan.
Sa tuwing makakarinig ka ng paanyaya ng lider ng Simbahan na makibahagi sa patuloy na panunumbalik o tumulong sa pagtitipon ng Israel, naisip mo ba kung “Ano ang magagawa ko? Nag-iisa lang ako,” “Napakabata ko pa, “Wala pa akong asawa,” o “Wala akong gaanong alam. Ano ang kaibhang magagawa ko?”
Bawat isa sa atin ay naiisip ang gayong mga bagay paminsan-minsan. Ngunit sikapin mong huwag pairalin ang kawalan ng tiwala sa sarili habang binabasa mo ang ilang sumusunod na pangungusap:
-
Si Joseph Smith ay 22 taong gulang lamang nang simulan niya ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
-
Si Oliver Cowdery ay 22 din at si John Whitmer ay 26 (at kapwa sila wala pang mga asawa!) nang magsimula silang magtrabaho bilang tagasulat ni Joseph.
-
Noong 1835, nang tawagin ang Unang Korum ng Labindalawang Apostol, ang edad nila ay nasa pagitan ng 23 at 35.
-
Marami sa mga naunang Banal na sumapi sa Simbahan at nagpalaganap ng ebanghelyo ay mga young adult.
Sa kabuuan, ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng mga young adult noong mga unang araw ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Mga taong tulad mo.
Pagnilayan mo ang kahalagahan niyan.
Ang Simbahan ay hindi lalaganap sa buong mundo ngayon kung inisip ng bawat isa sa kanila na hindi sila makakagawa ng kaibhan. At ikaw—oo, ikaw!—ay bahagi ng isang piling henerasyon na pinili upang ipagpatuloy ang pagpapanumbalik at pamumuno sa Simbahan ni Jesucristo ngayon.
Ipinadala Ka Rito. Ngayon. Para sa Isang Layunin.
Nang magsalita tungkol sa ating henerasyon, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kayo ay nabubuhay sa ‘panahon bago pumarito ang Panginoon.’ Ipinahayag ng Panginoon na ito na ang huling beses na tatawag Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ubasan upang tipunin ang mga hinirang mula sa apat na sulok ng daigdig. (Tingnan sa D at T 33:3–6.) At ikaw ay isinugo upang makilahok sa pagtitipong ito.”1
Isipin ang 65,000 na mga full-time missionary na nagbabahagi ng ebanghelyo, araw-araw, sa buong mundo. Isipin ang lahat ng young adult na gumagawa ng mga tipan sa templo, sinasamantala ang ipinanumbalik na mga pagpapala ng priesthood at ng templo at nakikipagtipan na magiging matapat, palalakasin ang kanilang pamilya, at itatayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Isipin ang mga young adult na naglilingkod bilang mga lider ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Isipin ang mga yaong patuloy na nagsisikap na sundin si Jesucristo kahit may mga humahadlang sa kanila. Ang mga young adult ay may mahalagang bahagi na sa Panunumbalik sa simula pa lamang. At ang patuloy na Panunumbalik ay mahalagang bahagi ng buhay ng maraming miyembrong young adult ng Simbahan.
Ano ang Ibig Sabihin para sa Atin ng Panunumbalik
Para sa marami sa atin, ang ating pakikibahagi sa Panunumbalik ay bunga ng mga itinuro sa atin. Para kay Vennela Vakapalli, isang young adult convert mula sa Andhra Pradesh, India, “ang Panunumbalik ay tungkol sa paghahangad ng paghahayag. Nagpunta si Joseph Smith sa kakahuyan para makatanggap ng paghahayag. Humingi siya ng payo sa Panginoon, naghintay ng sagot, at nagtiyaga siya. Iyon ang gustung-gusto ko.” Ipinaliwanag ni Vennela, “Bago ko narinig ang tungkol sa Panunumbalik, wala akong gaanong alam tungkol sa paghahangad ng paghahayag. Ang isa sa mga pinakamagandang bagay na kahanga-hanga sa akin ay kung gaano niya ginugol ang kanyang panahon upang makatanggap ng paghahayag mula sa Diyos. Iyan ang natutuhan ko mula sa Panunumbalik.”
Sina Emma at Jacob Roberts, isang bata pang mag-asawa mula sa Utah, USA, ay sumasang-ayon na ang Panunumbalik ay tungkol sa “patuloy na paghahayag”—para sa ating sarili at para sa mundo—”na may isang propeta tayo, isang tagapagsalita dito sa mundo mula sa Diyos, na tinitiyak na anumang mga hamon ang idulot ng mundo, mayroon tayong isang tao na nagpapagal at nakikipag-usap sa Diyos upang matiyak na handa tayong harapin ang anumang hamon na idinudulot ng mundo bunga ng mga pagbabago nito.”
“Maraming kaalaman na kaakibat ng Panunumbalik ang mas nagpagaan at mas nagpanatag ng buhay ko,” sabi ni Jacob. Lahat ng ito ay dumarating nang may katiyakan “na may isang Diyos na nagmamahal at nangangalaga sa atin,” sabi ni Emma. “Layunin Niya ang lumigaya tayo. Bilang mga young adult, mapagtitiwalaan at masusunod natin Siya nang ganap dahil alam nating kaligayahan natin ang minimithi Niya. Alam natin na tayo ay mga walang-hanggang nilalang, at nagbibigay sa akin iyan ng pag-asa at pananampalataya, na anuman ang gawin ko ngayon at anumang pagkakamali ang magawa ko ngayon, maaari pa rin akong makapagsisi at may pagkakataon ako sa mundong ito na umunlad at matuto.”
Ang ganyang klaseng katiyakan ay nakatulong din kay Ramona Morris, isang dalaga mula sa Barbados, nang una niyang nalaman ang tungkol sa Panunumbalik. Bukod pa rito, nagkaroon siya ng patotoo na “Ang Ama sa Langit ay nariyan para sa atin. Naghahatid ang Panunumbalik ng kapayapaan sa mga taong may alinlangan sa kanilang buhay at sa plano ng Diyos para sa kanila.”
Ngunit kahit nagdulot ng kaliwanagan sa buhay niya ang Panunumbalik na ito, inamin din niya na “dahil napakalayo ko sa headquarters ng Simbahan, mahirap makakonekta sa ebanghelyo, ngunit dahil malakas ang aking patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, alam ko na kahit malayo ako, nararamdaman ko pa rin na bahagi ako ng Panunumbalik, na hindi ako nag-iisa.”
At hindi siya nag-iisa. Ang mga young adult sa buong mundo ay nakikibahagi sa Panunumbalik sa pamamagitan ng paglilingkod sa templo, family history, at gawaing misyonero. Sa pagkaunawa ng personal na paghahayag na natamo natin mula sa ating natutuhan sa Unang pangitain ni Joseph Smith at sa Panunumbalik, maaari nating ipagpatuloy ang paghahangad na malaman ang kalooban ng Diyos at ang tungkuling gagampanan natin sa patuloy na Panunumbalik.
Mga Young Adult na Namumuno sa Simbahan
Maaaring mga young adult pa lang tayo, ngunit maaari tayong maging mga lider sa Simbahan ngayon. Kahit siya lang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya, pinalalakas si Janka Toronyi ng Győr, Hungary, ng pakikibahagi ng kapwa niya mga young adult sa iba pang mga aspeto ng Panunumbalik: “Marami sa mga kaibigan ko ang nasa misyon na, at napakasayang makita ang kanilang pag-unlad at pagkatapos ay umuuwi na sila, at napakalaki na ng kanilang iniunlad dahil sa mga naging karanasan nila. Napakagandang karanasan iyon para sa aming lahat. At lagi akong namamangha kapag nakikita ko ang mga kaibigan kong young single adult na gumaganap sa kanilang mga tungkulin at kung minsan maging sa mga oportunidad na likha nila mismo, gaya ng pagboboluntaryo na maging mga counselor o tagapayo sa mga FSY (For the Strength of Youth) conference. Sa palagay ko ang Panunumbalik ay hindi laging tungkol sa pagtuturo sa mga tao tungkol sa ebanghelyo—ito ay tungkol sa pagpapalakas sa ating mga miyembro.”
Nauunawaan ng mga young adult sa Hungary na sila ang magiging mga lider ng Simbahan sa hinaharap. “Kailangan tayo at kailangan ang kakayahan natin na magawa ang gawain, na mahirap kung minsan,” pag-amin ni Janka. “Pinabibilis ng Panginoon ang gawain at tayo ay bahagi nito. Kung minsan iniisip natin, ‘Paano ko dapat gawin ito?’ Ngunit magandang makita na malaki ang tiwala sa atin ng mga lider natin. Nakahihikayat ito sa mga talagang nagmamahal sa Simbahan at may malakas na patotoo, dahil alam natin na balang-araw magkakaroon tayo ng responsibilidad. Responsibilidad natin ang ating espirituwal na pag-unlad.”
Nakikibahagi sina Sean at Stefany Joseph mula sa Western Australia sa Panunumbalik sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataan sa kanilang ward. “Para sa akin, ang pakikibahagi sa Panunumbalik ay pagtulong sa mga darating na henerasyon na maunawaan ang ebanghelyo at kung paano ito makakatulong sa buhay nila at sa iba,” sabi ni Stefany. “Makakatulong kami na makapagtatag ng mas matibay na pundasyon para sa Simbahan sa aming bansa kalaunan.”
“Gusto naming tulungan ang mga kabataan na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith at matanto sa kanilang sarili na sila ay talagang mga anak ng Diyos,” paliwanag ni Sean. “Ayaw namin na maging isang bagay lang ito na kinakanta nila sa Primary—gusto naming malaman nila na talagang totoo ito.”
Gaya ni Vennela, hindi laging madaling ipamuhay ang ebanghelyo sa India, pero alam niya na makakatulong ang lakas ng mga young adult doon para mabigyang inspirasyon ang iba at makakatulong sa pagsulong ng Panunumbalik. “Dito, lahat ng young adult ay napakatapat. Humahanap sila ng mga pagkakataong maibahagi ang kanilang patotoo,” sabi niya. “Para kaming mga pioneer sa India. Palipat-lipat kami ng lugar at ilan sa amin ang iniwan pa ang aming mga pamilya. Maaaring mahirap ang buhay dito, ngunit pinipili pa rin naming ipamuhay ang ebanghelyo. Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay sa akin ng pag-asa, lakas, at tapang.”
Saan man tayo naroon, bilang mga young adult, maaari tayong patuloy na makapagbigay ng malaking impluwensya sa patuloy na Panunumbalik sa pamamagitan ng ating pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo.
Ang Kinabukasan ng Simbahan: Responsibilidad Natin Iyan
Tayo ang kinabukasan ng Simbahan. Tayo ay nasa huling digmaan. Inaasahan tayo ng Ama sa Langit na tutulong sa Kanya na magawa ang Kanyang gawain—ang Kanyang gawain na nagpapabago ng buhay. Alam Niya na may sapat na lakas tayo para magpatuloy sa pagsulong at pagdaig sa lahat ng panunukso sa atin ng kaaway. At desperado na si Satanas. Alam niyang magagapi siya sa labanang ito dahil mamamayani ang gawain ng Paginoon.
“Alam natin na pinabibilis ng Panginoon ang gawain at walang sinumang makapipigil diyan,” sabi ni Janka. “Alam nating mangyayari at mangyayari ito. Ngunit kailangan nating magpasiya kung nais nating maging bahagi nito at tulungan itong sumulong o manood na lang sa isang tabi. Malaya tayong magpasiya na maging bahagi nito, at mayroon tayong patotoo para mapili ang tama at piliing sundin si Cristo. Kailangan nating maging bahagi nito.”
Kaya responsibilidad nating magpasiya kung makikibahagi tayo o hindi.
Responsibilidad nating panindigan ang pinaniniwalaan natin.
Responsibilidad nating maghangad ng personal na paghahayag sa ating buhay.
Responsibilidad nating tulutan ang mahihirap na hamon na kinakaharap natin na palakasin ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas.
Responsibilidad nating sumunod sa Kanya at gawin ang lahat ng makakaya natin upang maakay ang iba tungo sa Kanya.
Responsibilidad nating magtiis hanggang wakas sa pinakamainam na paraan.
Tayo ay tunay na nasa mga huling araw na. At ang pamumuno sa Simbahan sa tinatawag ni Pangulong Nelson na “pinakamahalagang dispensasyon sa kasaysayan ng mundong ito”2 ay tila totoong nakakatakot na responsibilidad. Pero isipin mo ito—pinagtiwalaan tayo ng Ama sa Langit at inilaan tayo sa mundong ito sa partikular na panahong ito, sa panahong nahaharap tayo sa napakaraming tukso at panggagambala at maraming salungat na mga opinyon sa panahong ito.
Sa pagpapadala sa atin dito sa pinakamahalagang dispensasyon, hindi tayo ilalagay ng Ama sa Langit sa sitwasyon na mabibigo tayo. Alam Niya ang ating potensyal, ating lakas, ating tapang, at sa huli, alam Niya na makagagawa tayo ng kaibhan sa Panunumbalik ng Simbahan, anuman ang ating edad, may-asawa man tayo o wala. Kahit gaano kahirap lampasan ang ating mga pagsubok, o gaano man kaimposibleng mamuno at magbahagi ng ebanghelyo sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kapag nasa panig natin Siya, sino ang may kakayahang kumalaban sa atin? Tutulungan Niya tayong isagawa ang imposible.