2020
Isang Basbas Lamang ang Maibibigay Ko
Abril 2020


Isang Basbas Lamang ang Maibibigay Ko

Jonathan Mafra Sena de Santana

Santa Catarina, Brazil

father giving daughter a blessing

Paglalarawan ni Allen Garns

Nakatapos ako sa law school noong mag-iisang taon na ang anak ko. Inasam naming mag-asawa na ipagdiwang ang graduation ko, ang kaarawan ng aming anak, at ang mga bagong oportunidad na darating sa amin, ngunit hindi umayon sa plano ang lahat.

Wala akong trabaho nang makatapos ako sa aking degree at nahirapan akong makahanap ng trabaho. Hindi nagtagal, dumating ang mga problemang pinansyal. Mahihirapan kaming magdaos ng kahit isang simpleng pagdiriwang ng kaarawan.

Pagkatapos naming mag-usap ng asawa ko nang maraming beses, tinanggap namin ang aming sitwasyon. Hindi naging madali para sa akin bilang isang ama na mawalan ng kakayahang bumili ng kahit isang simpleng regalo para sa aking anak at makitang bigo ang pakiramdam ng pinakamamahal kong asawa.

Hindi ko naunawaan kung ano ang nangyayari. Nagdasal ako at hiniling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong maunawaan kung ano ang inaasahan Niya sa akin. Biglang parang may tinig na nangusap sa aking isipan, narinig ko ang mga salitang: “Mayroon kang isang bagay na mas mahalaga kaysa anumang materyal na pag-aari sa mundong ito. Mayroon kang priesthood. Ano pa ang maireregalo mo sa iyong anak na mas maganda kaysa sa basbas ng priesthood?”

Napaluha ako nang pag-isipan ko kung ano ang kahulugan ng priesthood sa akin. Napuspos ng pasasalamat ang puso ko nang maisip ko na ang priesthood ay ang kapangyarihan na maaaring pag-isahin ang aking pamilya sa buong kawalang-hanggan.

Ibinahagi ko ang aking damdamin sa asawa ko. Sinabi ko sa kanya na isang basbas lamang ang maibibigay ko sa aming anak. Pareho naming ipinasiya na magdudulot ito ng kaligayahan at kapayapaan sa kanya, at na magiging sapat na iyon.

Pagsapit ng kaarawan ng aming anak, nagdala ng cake at mga simpleng dekorasyon ang mga kaibigan, kamag-anak, at kapitbahay. Nagpasalamat kaming maipagdiwang ang espesyal na araw na ito sa piling ng aming mga mahal sa buhay. Nang gabing iyon, ipinatong ko ang aking mga kamay sa ulo ng aking anak at binigyan siya ng basbas. Binasbasan ko siya sa lahat ng ipinahiwatig sa akin ng Espiritu ng Panginoon na sabihin.

Dumaranas pa rin kami ng panahon ng mga pagbabago at hamon sa kawalan ng trabaho at kabuhayan. Ngunit kahit sa gitna ng kalungkutan at kabiguan, dumarating sa amin ang kapayapaan at kapanatagan sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Wala akong duda na isang pagpapala ang maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na may access sa kapangyarihan ng priesthood. Iyon lamang ang maibibigay ko sa kaarawan ng aking anak, at labis-labis na iyon.