Ang Pamilya ni Alonso na Pangwalang-hanggan
“Sapagkat ang templo ay banal na lugar kung saan tayo ibinubuklod” (Children’s Songbook, 95).
“Makakasama ko bang muli sina Mamá at Papá?”
“Ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang magandang pagkakataon para pagnilayan ang tungkol kay Jesus at alalahanin ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli,” sabi ni Sister Rojas. Itinaas niya ang isang larawan ni Jesus. “Dahil sa Kanya, ang mga tao na namatay ay muling mabubuhay.”
Tumingala si Alonso nang sabihin ito ng kanyang titser sa Primary. Ibig pong sabihin makikita kong muli ang mga magulang ko? pagtataka ni Alonso.
Namatay si Mamá maraming taon na ang nakararaan. Hindi siya gaanong natatandaan ni Alonso, pero gusto niyang tinitingnan ang mga larawan nito. Pagkatapos ay namatay din ang Papá niya.
Nakatira ngayon si Alonso kay Abuela, ang kanyang lola. Tinuturuan siya nito tungkol sa simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bibinyagan at makukumpirma siya sa susunod na taon, kapag nasa hustong gulang na siya.
Pagkatapos ay itinaas ni Sister Rojas ang larawan ng isang puting gusali. “Isa pang napakagandang kaloob mula kay Jesus ay ang mga templo. Ito ay isa sa mga templo rito sa Chile.”
Tiningnan ni Alonso ang gintong estatwa na nasa tuktok ng gusali. Ang ganda! Inisip niya kung ano kaya ang nangyayari sa loob.
“Ang mga templo ang lugar kung saan ibinubuklod ang mga pamilya magpakailanman,” sabi ni Sister Rojas. “Dito sa templong ito sa Santiago ako nabuklod sa mga magulang ko matapos kaming sumapi sa Simbahan. Dahil nabuklod kami, makakasama ko sila kahit sa kabilang-buhay.”
Natuwa si Alonso nang marinig niya ito. “Mabubuklod po ba ako sa mga magulang ko?” tanong niya. “Kahit patay na sila?”
Tumango si Sister Rojas. “Oo! Isa iyan sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng mga templo. Pinagpapala nito ang lahat ng miyembro ng ating pamilya, pati na ang mga namatay na.”
Buong maghapong inisip ni Alonso ang tungkol sa mga templo. Hiniling niya kay Abuela na turuan pa siya. Ikinuwento ni Abuela ang puting damit na isinusuot ng mga tao sa loob at ang magagandang artwork o gawang-sining sa mga pader.
“Higit sa lahat, ito ang lugar kung saan ka mabubuklod sa iyong mga magulang,” sabi ni Abuela. “Hihiling tayo ng dalawang tao mula sa ward para mag-proxy sa pagbubuklod.”
“Puwede po ba tayong pumunta bukas?” tanong ni Alonso. “Gusto ko pong makasama si Mamá at Papá magpakailanman!”
Ngumiti si Abuela. “Natutuwa ako’t gusto mong pumunta,” sabi niya. “Pero ang pinakamalapit na templo ay sa Concepción. Wala tayong sapat na pera para sa tiket ng bus.”
“Tutulong po ako sa pag-iipon para makabiyahe papunta roon!” sabi ni Alonso.
Mula sa sandaling iyon, sa tuwing makakapulot ng barya sa kalsada si Alonso o nagkakaroon ng pagkakataong kumita ng pera, nagbabayad siya ng ikapu at idinaragdag ang natira sa kanilang pondo para sa templo.
Pagkalipas ng ilang buwang pag-iipon, may sapat na pera na sina Alonso at Abuela para makabiyahe papunta sa templo. Hiniling nila kina Brother at Sister Silva na sumama sa kanila. Sa araw ng pag-alis, sumakay sila ng bus at nagbiyahe nang matagal papunta sa lungsod ng Concepción. Halos palubog na ang araw nang masulyapan ni Alonso ang tila ginto sa malayo.
“Nakikita ko si anghel Moroni!” sabi ni Alonso, habang nakaturo sa estatwa sa tuktok ng asul na bubong ng templo.
Nagpalipas sila ng gabi sa isang apartment sa tabi ng templo. Kinaumagahan, pumasok sa templo si Alonso sa unang pagkakataon. Nakita niya ang isang malaking larawan ni Jesus sa loob. Nakasuot sila ni Abuela ng puting damit. Masaya at payapa ang kanyang pakiramdam.
Nang oras na para sa pagbubuklod, naglakad si Alonso sa magandang silid na may mga salamin sa pader. Ipinakita ng isang temple worker kina Alonso, Abuela, at sa mga Silva ang isang espesyal na mesa na tinatawag na altar. Ito ay nababalutan ng malambot na tela.
Naroon sina Brother at Sister Silva para sa ina at ama ni Alonso. Naroon si Abuela para sa kapatid na babae ni Alonso na namatay bago isinilang si Alonso.
Pumikit si Alonso at inilarawan sa isipan niya na magkakasama ang kanyang pamilya.
Hindi na ako makapaghintay na makita silang muli, naisip ni Alonso. Talagang nagpapasalamat ako na malamang maaaring magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman!