Ipinaalala sa Akin ng Isang Maliit na Ibon
Laura Linton
Utah, USA
Ako ay 26 anyos nang mamatay ang panganay na anak naming mag-asawa. Si Kennedy ay natuklasang may tumor sa utak noong siya ay 13 buwan pa lamang. Pagkatapos ng tatlong operasyon, limang chemotherapy, at maraming gamot at panggagamot, pumanaw siya sa aming mga bisig sa gulang na 20 buwan.
Nalungkot ako nang husto nang mawala ang aking maganda, mausisa, at masiglang musmos na anak. Paano ito nangyari? Paano ako patuloy na mabubuhay? Napakarami kong tanong, ngunit wala akong anumang maisagot. Dalawang araw pagkatapos ng libing, binisita naming mag-asawa ang puntod, na puno pa rin ng magagandang bulaklak na kulay rosas at mga laso mula sa lamay.
Habang iniisip ko ang aking anak, nakita ko ang isang munting inakay, na napakabata pa para lumipad, na palundag-lundag sa damuhan. Ipinaalala sa akin ng ibong ito si Kennedy dahil mahilig siya sa mga hayop. Lumundag ang ibon sa ibabaw ng libingan at nilaro ang mga laso at bulaklak. Napangiti ako, batid na ito mismo ang gugustuhin ni Kennedy. Pagkatapos ay lumundag ang ibon patungo sa akin. Hindi ako nangahas na gumalaw. Lumundag ang munting ibon sa tabi ko mismo, humilig sa aking binti, pumikit, at nakatulog.
Halos hindi ko maipaliwanag ang nadama ko sa sandaling iyon. Nadama ko na parang niyayakap ako ng aking si Kennedy. Hindi ko mayakap ang aking anak, ngunit lumapit ang munting ibong ito—isang nilikha ng ating Ama sa Langit—at inihilig sa akin ang munting ulo nito, na nagpapaalala sa akin na naunawaan ng Ama sa Langit ang sakit na aking nararamdaman at lalagi Siyang nariyan upang panatagin at tulungan akong malagpasan ang pagsubok na ito.
Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag hindi mailarawan sa salita ang kapanatagang kailangan natin … , kapag hindi kayang unawain ng pangangatwiran ang mga kawalang-katarungan at di-pagkakapantay sa buhay, … at kapag parang nag-iisa na lang tayo, tunay na pagpapalain tayo ng magiliw na awa ng Panginoon” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2005, 100).
Hindi ko pa rin alam ang lahat ng sagot sa mga tanong ko, ngunit tiniyak sa akin ng magiliw na awang ito na kami ni Kennedy ay kapwa minamahal ng ating Ama sa Langit at na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Kanyang anak na si Jesucristo, umaasa ako na muli naming makakasamang mag-asawa si Kennedy balang-araw bilang isang pamilya.