Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pakiusap, Bumalik Ka
Noong tatlo na ang aming anak, sinabi ni Vanessa, “Kailangan natin ng relihiyon sa bahay na ito.”
Noong 12 taong gulang ako, ang kuya ko ay nagdala sa bahay ng mga full-time missionary, na siyang nagpakilala sa amin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kalaunan, sinimulan ni Inay na isama ang aking dalawang kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ako sa simbahan. Hindi nagtagal lahat kami ay nabinyagan.
Gayunman, unti-unti kaming tumigil sa pagsisimba. Gustung-gusto ko noon pa man ang Simbahan, pero noong 17 taong gulang ako, itinuon ako sa ibang landas ng mga pangyayari sa aking buhay. Sinikap kong maging mabuting tao, at hindi ako kailanman nagkaroon ng masamang intensyon. Ngunit ako ay naligaw at nagsimulang mamuhay ayon sa paraan ng mundo. Nang hindi ito namamalayan o natatanto, lubos na akong nakatuon sa mga bagay ng mundo.
Pagkatapos ay nakilala ko si Vanessa. Isang araw makaraan ang mahabang pagsasama namin, sinabi niya, “Kailangan natin ng relihiyon sa bahay na ito.” Sa panahong iyon, tatlo na ang aming anak.
Sa kalakaran ngayon sa mundo, nag-alala kami kung anong espirituwal na direksyon ang ibibigay namin sa aming mga anak. Naisip ko na kung babalik ako sa relihiyon, babalikan ko ang aking simbahan. Naalala ko na isang lugar iyon na may mabubuting tao.
Kinausap ko ang isang miyembro ng Simbahan at sinabi ko sa kanya na balak kong bumalik sa Simbahan.
“Pakiusap, bumalik ka!” sabi niya.
Ang pinakamalaki kong pangamba ay baka isipin ng aking mga anak na nakakabagot sa simbahan at ayaw nila rito, ngunit nagustuhan nila ito. Sa patuloy naming pagsisimba, sinabi ni Vanessa na walang katulad ang Simbahan na tumutulong sa mga pamilya na umunlad nang magkakasama. Ito mismo ang hinahanap niya. Nagpakasal kami ni Vanessa, at siya at ang aming mga anak ay nabinyagan.
Ngayon ay tinatahak namin ang landas ng ebanghelyo bilang isang pamilya. Ang mithiin namin ay magkakasamang mabuklod sa templo.
Noong itinatayo ang Rio de Janeiro Brazil Temple, halos araw-araw ko itong nadaraanan. Sinasabi ko sa mga kaibigan ko, “Balang-araw, ikakasal ako sa gusaling ito.”
“Iyan lagi ang sinasabi mo araw-araw!” ang sabi nila.
Sinasabi ko iyon araw-araw dahil alam kong malapit nang matapos ang templo, at gusto kong ipaalala sa aking sarili na patuloy na gawin ang tama para magkakasamang mabuklod ang aming pamilya. Ito ang hangarin ng aking puso.
Alam ko na ang aking mga anak ay magsisimulang matuto pa ng tungkol sa mundo at daranasin ang ilan sa mga gayon ding bagay na naranasan ko. Ngunit kapag ibinabahagi ko ang aking mga karanasan sa kanila, sinasabi ko, “Ang pakiusap ko sa inyo ay huwag ninyong ituon ang inyong sarili sa mga bagay na ginawa ko noon dahil hindi iyon sulit.”
Hinihikayat ko ang aking mga anak na pag-aralan ang ebanghelyo ni Jesucristo at magtuon sa pagiging mga missionary ngayon para mapagpala nila ang iba. Hindi nila nauunawaan ang lahat ng bagay, ngunit natututo sila. Ito ang nais ko para sa kanila.