2021
Pagtitiwala sa Panginoon
Hulyo 2021


Mga Naunang Kababaihan ng Pagpapanumbalik

Pagtitiwala sa Panginoon

Dahil kilala niya ang Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, ang malalim na pananampalataya ni Mary Ann ang nagpanatili sa “kapanatagan [ng kanyang damdamin] sa lahat ng unos.”1

Mary Ann Angell Young in her garden

Paglalarawan ni Toni Oka

Si Mary Ann Angell ay mapalad na lumaki sa isang tahanan na nagpapahalaga sa pagbabasa ng banal na kasulatan. Gustung-gusto niya ang mga turo ng Tagapagligtas.2 Bata pa lang ay natutuhan na niya sa kanyang buhay na maaari niyang marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at makadama ng kapanatagan sa Kanyang mga turo.

Narinig niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ipinangaral sa Rhode Island, USA, noong 1831, at pagkatapos basahin ang Aklat ni Mormon, si Mary Ann ay nagbalik-loob sa ebanghelyo.

Lumipat siya sa Kirtland, Ohio, noong mga 1833, kung saan niya nakilala si Brigham Young, na pinakasalan niya noong unang bahagi ng 1834. Sa sumunod na 48 taon, sa maraming paglipat ng tirahan at pagsubok, patuloy na narinig ni Mary Ann Angell Young ang Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at matibay na nagtiwala sa Kanya.

Halimbawa, lumisan ang kanyang asawa para magmisyon sa Great Britain noong 1839, 10 araw pa lamang ang nakalipas matapos niyang isilang ang kanilang anak na si Alice. Sa sumunod na 20 buwan, nahirapan si Mary Ann at ang kanilang anim na anak. Sila ay nagkasakit at nabuhay sa pagkain ng tinapay na gawa sa mais, gatas, at ilang mga tanim na gulay.3 Nakahanap si Mary Ann ng kaunting trabaho para suportahan ang kanyang pamilya at alagaan ang sarili at ang kanyang maysakit na mga anak. Gayunman tinulungan sila ng Panginoon na makayanan ang mga pagsubok na ito. “Napakasaya,” isinulat niya sa kanyang asawa, na “magtiwala sa Panginoon.”4

Umaasa sa kaalaman niya sa mga banal na kasulatan, tila naunawaan ni Mary Ann nang may matibay na pananalig na lagi niyang kasama ang Panginoon, minamahal siya, at nauunawaan siya, lalo na sa kanyang maraming pagsubok. “Nawa’y patnubayan tayo ng Panginoon sa lahat ng bagay at mangusap ng kapanatagan sa pinakamatindi at pinakamahirap na mga sandali” ang kanyang panalangin.5

Mga Tala

  1. Liham ni Mary Ann Angell Young kay Brigham Young, Hunyo 30, 1844, Brigham Young Office Files, 1832–1878, Church History Library, Salt Lake City (CHL).

  2. Tingnan sa “Biography of Mrs. Mary Ann Young,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1887, 53–54; Emmeline B. Wells, “In Memoriam,” Woman’s Exponent, Hulyo 15, 1882, 28–29.

  3. Tingnan sa Matthew C. Godfrey, “‘You Had Better Let Mrs Young Have Any Thing She Wants’: What a Joseph Smith Pay Order Teaches about the Plight of Missionary Wives in the Early Church,” BYU Studies, tomo 58, blg. 2 (2019), 63–64.

  4. Liham ni Mary Ann Angell Young kay Brigham Young, Abr. 15, 1841, Brigham Young Office Files, 1832–1878, CHL.

  5. Liham ni Mary Ann Angell Young kay Brigham Young, Mar. 21, 1840, George W. Thatcher Blair Collection, 1837–1988, CHL.

Paglalarawan ni Toni Oka