Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pinagpapala ang Aking mga Ninuno
Nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, napuspos ng pagmamahal ang puso ko para sa aking mga ninuno.
Isinilang ako sa Cameroon, ang lupain ng aking mga ninuno. Pagkatapos ay nandayuhan ako sa France, kung saan ako nanirahan, nag-aral, at nagtrabaho bilang nurse sa iba’t ibang ospital sa Paris. Nakatira ako ngayon sa Montreal, kung saan nagtatrabaho pa rin ako bilang nurse.
Ilang taon kong hinanap ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Nang makilala ko ang mga missionary sa Paris, pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na natagpuan ko na sa wakas ang hinahanap ko—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napuspos ako ng labis na kagalakan na para bang nasa langit na ako! Determinado akong ipamuhay nang lubos ang ebanghelyo.
Itinuro sa akin na saliksikin ang aking mga ninuno at gawin ang mga ordenansa para sa kanila sa templo. Nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, sinabi sa akin na magiging tagapagligtas ako sa Bundok ng Sion at maghahatid ng kaligtasan sa aking pamilya. Ang aking puso ay napuspos ng pagmamahal para sa kanila; hindi ko sila bibiguin. Mula noon, walang kapaguran kong ginawa ang family history at genealogy.
Alam ko noon pa man na isinilang ako sa isang maharlikang pamilya ng Cameroon, ang pamilya Bamoun. Ayon sa oral na tradisyon at kuwento, ang mga taong ito ay nagmula sa Asiria at nahalo sa ibang mga tao sa panahon ng kanilang pandarayuhan. Iningatan nila ang kanilang genealogy at isinulat ang kanilang kasaysayan mula pa noong AD 1300. Ang mga dokumento ay nasa silid-aklatan ng palasyo ng mga maharlika. Kabilang sa maraming iba pang mga kasaysayan, ikinuwento nila ang tungkol kay Fon-gouhouo, ang aking lolo-sa-tuhod sa panig ng aking ina, na naghari mula 1818 hanggang 1863.
Nakabalik ako sa aking lupang sinilangan, at bilang miyembro ng pamilya Bamoun, binigyan ako ng access sa mga dokumentong ito. Binisita ko rin ang hari, kinausap ko ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan, at nakipag-usap sa mga awtoridad tungkol sa Simbahan at sa interes nito sa family history. Nagpapasalamat ako, salamat sa ipinanumbalik na ebanghelyo, na magagawa ko ang aking bahagi para pagpalain ang aking bayan at aking mga ninuno.