Paano Natin Malulutas ang Pang-aabuso
Narito ang ilang mungkahi para sa mga biktima ng pang-aabuso, kanilang mga lider ng Simbahan, at kanilang mga pamilya.
Ang Tagapagligtas ay mariing nangusap tungkol sa pang-aabuso: “Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya’y malunod sa kalaliman ng dagat” (Mateo 18:6; tingnan din sa Marcos 9:42; Lucas 17:2).
Ang pang-aabuso ay ang pagmamalupit o pagpapabaya sa iba (tulad sa isang bata o sa asawa, matatanda, o may kapansanan) na nagiging sanhi ng pisikal, emosyonal, o seksuwal na pinsala. Ang paninindigan ng Simbahan ay hindi nito mapahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso.
Ang mga sumusunod na ideya ay makakatulong, kayo man ay biktima ng pang-aabuso o lider ng Simbahan o magulang ng biktima.
Sa Biktima
Bilang biktima1 ng pang-aabuso, hindi ka sisisihin sa pang-aabusong naranasan mo, ni hindi mo kailangang mapatawad sa mga bagay na ginawa ng isang tao laban sa iyo. Maaaring iniisip mo kung paano makakatulong ang Tagapagligtas sa iyong paggaling. Maaaring iniisip mo na ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay para lamang sa mga nagkasala at kailangang magsisi.
Kaya paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas? Dahil sa Kanyang sakripisyo, Siya ay nakakaunawa. Ang Tagapagligtas ay dumaramay. Bagama’t maaaring hindi natin talaga alam kung paano nagagawang damhin ng Tagapagligtas ang lahat ng ating pasakit, maaari tayong manalig na nauunawaan Niya ang bawat lalaki, babae, at bata sa perpektong paraan (tingnan sa 2 Nephi 9:21). Maaari Siyang magbigay ng kapayapaan at lakas para makapagpatuloy [tayo].2
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tinutulungan ng Tagapagligtas ang mga nasaktan. Tumutulong Siya sa pamamagitan ng “[pagpapagaling] at [pagli]ligtas sa anumang pagdurusang dinaranas natin.”3
Kailan o paano man pananagutin ang nagkasala, “magtiwala [ka] na ang Perpektong Hukom, si Jesucristo, na may ganap na kaalaman sa mga nangyari, ay papanagutin ang lahat ng nang-abuso sa bawat kasamaang kanilang ginawa.”4 Dapat din nating malaman na ang mga taong “nagmamalabis sa asawa o anak … balang-araw sila ay papanagutin sa harap ng Diyos.”5
Sa mga Lider ng Simbahan
Lahat ng lider at guro na naglilingkod sa mga kabataan at mga bata ay kinakailangang kumuha ng online training na “Protecting Children and Youth [Pagprotekta sa mga Bata at Kabataan].”6
Hindi dapat ipagwalang-bahala ng sinumang lider ng Simbahan ang isinumbong na pang-aabuso o payuhan ang miyembro na huwag nang isumbong ang [krimen].7 Dapat gampanan ng mga lider at miyembro ng Simbahan ang lahat ng legal na obligasyon na isumbong ang pang-aabuso sa mga awtoridad. Gayunman, ang mga lugar ay may magkakaibang batas tungkol sa pagsusumbong. May mga lugar na kailangang clergy ang kumontak sa kapulisan, ngunit ipinagbabawal ito sa ibang lugar.
Mahalagang maunawaan ng mga lider na ang mga biktima ng pang-aabuso ay maaaring mahirapang magtiwala sa iba—lalo na sa mga may awtoridad. Ang sitwasyon ay maaaring mabigat sa damdamin; ang kahirapang magkuwento ng biktima tungkol dito ay maaaring hindi personal na konektado sa iyo sa anumang paraan. Ang pakikipag-usap sa mga lider nang mag-isa ay maaaring magpadama ng takot sa mga biktima ng pang-aabuso. Maaaring anyayahan ng mga biktima ang isang mapagkakatiwalang adult na samahan sila kapag makikipag-usap sila sa mga lider ng priesthood.8
Kailan man naabuso ang isang tao, maaaring makabuti sa kanya ang suporta at propesyonal na tulong. Karamihan sa mga biktima ay lubos na gumagaling kapag pinagtibay ang kanilang damdamin, kapag dama nila na ligtas at protektado sila, na may taong naniniwala sa kanila, at kapag naunawaan nila kung paano nakaapekto sa kanila ang pang-aabuso. Ang suporta ay makatutulong sa kanila na magkaroon ng kapayapaan at hindi makadama ng pag-iisa habang nagsisikap silang gumaling.9
Ang paninindigan laban sa pang-aabuso sinuman ang sangkot dito ang dapat na maging pamantayan. Gayunpaman, kapag ang mga nang-abuso ay nasa awtoridad at pinagkakatiwalaan, ang pang-aabuso ay mas mabigat at maaaring maging mas nakapipinsala sa biktima. Ang mga taong pinagkakatiwalaan na nang-abuso sa iba ay dapat patawan ng mas mabigat na parusa dahil sinira nila ang tiwala ng biktima. Hindi palalampasin ng Simbahan ang pang-aabuso at talagang totoo iyan para sa mga nasa katungkulan na pinagkakatiwalaan at may awtoridad.
Sa mga Magulang
Bagama’t ang mga kuwento tungkol sa pang-aabuso ng isang taong may awtoridad ay mas napagtutuunan ng pansin sa balita, ang mga biktima ay kadalasang naaabuso ng taong kilala nila. Ang nang-aabuso ay maaaring kapamilya, kamag-anak, o kapitbahay. Ang nang-aabuso ay maaaring kahit anong edad. Ang nang-aabuso ay bibihirang hindi kilala ng biktima.10
Ngunit may ilang palatandaan ng pang-aabuso na maituturo natin sa ating mga anak para matulungan silang matukoy at maiwasan ito. Ituro sa inyong mga anak na kung may ipinagagawa ang isang tao sa kanila na alam nilang mali, magsabi sila ng hindi. Narito ang ilang halimbawa kung paano maaaring puwersahin, takutin, o himukin ng mga nang-aabuso ang mga biktima:
-
Gagamitin ng mga salarin ang kanilang posisyon, awtoridad, edad, laki, o kaalaman para puwersahin ang biktima na gawin ang gusto nila.
-
Sasabihin nila na hindi nila kakaibiganin ang biktima kung hindi gagawin ng biktima ang sinasabi nila.
-
Kukunin nila ang isang bagay at hindi ito ibabalik hangga’t hindi ginagawa ng biktima ang sinasabi nila.
-
Magbabanta sila na magkakalat ng kasinungalingan tungkol sa biktima hangga’t hindi sumusunod ang biktima.
-
Nag-aalok sila ng mga regalo, mga pabor, o iba pang gantimpala upang makuha ang gusto nila.
-
Sinasabi nila sa mga biktima na walang sinumang maniniwala sa kanila at mapapahamak sila kung sasabihin nila sa isang tao ang tungkol sa pang-aabuso.
-
Magbabanta sila na sasaktan ang biktima o ang kanyang mahal sa buhay kung hindi gagawin ng biktima ang sinasabi nila.11
Ang paglutas sa pang-aabuso ay kumplikado. Walang simpleng mga sagot, ngunit mapapanatag tayo sa mga salita ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Walang sakit ng katawan, walang espirituwal na sugat, walang paghihirap ng kaluluwa o sakit ng kalooban, walang karamdaman o kahinaan na nararanasan natin sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, ‘Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.’ Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo nang higit kaysa makakaya natin at matutulungan Niya tayong gawin ang hinding-hindi natin makakayang gawing mag-isa.”12
Nawa’y bumaling tayo sa Prinsipe ng Kapayapaan at sa pamamagitan Niya ay magkaroon tayo ng pag-asa at paggaling.