Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Oras na para Magsimba!
Ang “anghel” na mga missionary na patuloy na nagturo sa amin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nakatulong sa amin na makasumpong ng pagmamahal mula sa Ama sa Langit at ng buhay na puno ng mga pagpapala.
Nang magsimulang magturo sa amin ang mga full-time missionary, nag-alinlangan ako at nakikipagtalo ang asawa ko. Ayaw talaga naming pakinggan ang ebanghelyo, pero determinado silang magturo sa amin kaya alam naming hindi sila susuko.
Isang Sabado ng gabi dumalo kami ng asawa kong si Javier sa isang party na gabing-gabi nang natapos. Dahil gabing-gabi na ay hindi pa rin kami tulog, napasarap ang tulog namin at nalimutan ang imbitasyon ng mga missionary na magsimbang kasama nila kinabukasan.
Nang marinig namin silang kumakatok sa pintuan namin sa Linggo ng umaga, nasabi namin ni Javier na, “Magkunwari tayo na natutulog pa rin at huwag natin silang pansinin.”
Pero patuloy na kumatok ang mga missionary. Sa huli ay sinabi ng mga missionary, “Brother at Sister Vasquez, alam namin na nariyan kayo. Kung hindi ninyo bubuksan ang pinto, baka tumalon na lang kami sa inyong bakod at tulungan kayong maghanda para magsimba!”
Alam namin na nagbibiro sila, pero nagpasiya kaming bumangon, buksan ang pinto, at magkunwaring hindi namin sila narinig. Lumabas kaming kinukusot ang aming mata na para bang kagigising lang namin. Alam nilang nagkukunwari lang kami, pero wala silang sinabi.
“Kapag handa na kayo,” sabi nila, “pupunta tayo sa chapel.”
Inihanda namin ang aming sarili at ang dalawa naming anak, at humayo na kami. Nang araw na iyon ay naantig kami ng Espiritu Santo sa simbahan. Mula noon, hindi kami kailanman pumalya sa pagdalo sa mga miting. Ang araw na nabinyagan kami, Oktubre 17, 1976, ang pinakamasayang araw ng aming buhay. Ang pagiging mga miyembro ng Simbahan ay talagang nagpabago sa amin.
Para sa amin, ang mga missionary na iyon—sina Elder Reed Harris at Marty Kemsley—ay parang dalawang anghel. Nang turuan nila kami kung paano magdaos ng family home evening, dinala nila ang buong zone nila. Kahit paano ay nagawa naming mapagkasya ang lahat ng missionary na iyon sa aming munting tahanan. Ang unang himnong inawit namin ay ang “Pag-ibig sa Tahanan.” Lagi naming naaalala kung ano ang ipinadama sa amin niyon.
Kalaunan, itinanong sa amin ni Elder Harris, “Alam po ba ninyo kung bakit napakasigasig naming turuan kayo at dalhin kayo sa simbahan?” Pagkatapos ay sinabi niyang, “Dahil alam namin na magiging mga lider kayo sa Simbahan.”
Hindi namin nalimutan iyon kailanman. Mula nang mabinyagan kami, nagkaroon kami ng maraming magagandang pagkakataon na subukang tularan ang Tagapagligtas sa paglilingkod namin sa mga anak ng Ama sa Langit. Nakapaglingkod na ako sa maraming katungkulan sa pamumuno, pati na ang pagiging Relief Society president at Young Women president. Si Javier ay naglingkod bilang elders quorum president, dalawang beses bilang bishop, at bilang stake president.
Kamakailan ay naglingkod kami sa full-time humanitarian mission sa Bolivia. Nabiyayaan kami ng tungkuling iyon na makilala ang maraming kahanga-hangang mga kapatid, ibahagi ang aming pananampalataya kay Jesucristo, at magmahal, tumulong, at magkawanggawa sa ilan sa pinakamahihinang tao at area ng aming bansa.
Kailan lamang, pagkaraan ng 42 taon bilang mga miyembro ng Simbahan, sa wakas ay natunton namin ang isa sa masusugid na missionary na iyon na naghatid sa amin ng ebanghelyo. Si Reed Harris ay naglilingkod noon bilang mission president sa Chile. Naging emosyonal kami nang magkausap kami sa telepono. Umiyak kami habang pinag-uusapan namin ang aming pamilya at ang aming buhay sa ebanghelyo. Pinasalamatan namin siya para sa mga natanggap namin mula sa ebanghelyo—isang magandang pamumuhay, pagmamahal mula sa ating Ama sa Langit, at buhay na puno ng mga pagpapala.