Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo
Nais ng Ating Ama sa Langit na Lumigaya Tayo
Kapag inaalala natin ang plano ng kaligayahan ng Diyos, makadarama tayo ng kagalakan kahit mahirap ang buhay.
Bago tayo isinilang sa mundo, tayong lahat ay namuhay sa piling ng Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak. Siya ay naglahad ng plano para matulungan ang Kanyang mga anak na matuto at umunlad. Sa pamamagitan ng Kanyang plano, maaari tayong maging higit na katulad Niya at maging karapat-dapat na magtamasa ng buhay na walang-hanggan. Ang planong ito ay posible dahil ang Anak ng Diyos na si Jesucristo ay pumarito sa lupa upang magdusa para sa ating mga kasalanan, isang sakripisyong tinatawag na Pagbabayad-sala.
Ang plano ng Ama sa Langit ay tinatawag na plano ng
-
kaligayahan (tingnan sa Alma 42:8),
-
kaligtasan (tingnan sa Moises 6:62),
-
pagtubos (tingnan sa Jacob 6:8), o
-
awa (tingnan sa Alma 42:15).
Tulad ng inilahad dito at sa iba pang mga banal na kasulatan, nais ng Ama sa Langit na tayo ay maging katulad Niya, makabalik sa Kanya, at maging tunay na maligaya (tingnan sa Moises 1:39).
Pumarito Tayo sa Mundo upang Matuto at Umunlad
Ipinadala tayo ng Diyos sa mundo, kung saan tayo magkakaroon ng pisikal na katawan (tingnan sa Genesis 1:26–27). Kailangan natin ng katawan na tutulong sa atin na maranasan ang buhay sa mundo.
Alam ng Diyos na hindi tayo magiging masaya sa lahat ng oras. Nakararanas tayo ng kabiguan, pasakit, at maging ng kamatayan. Ngunit sa pamamagitan ng mga hamon sa buhay, tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na matuto at umunlad.
Binigyan din tayo ng Diyos ng kalayaan, ang kakayahang pumili sa pagitan ng mabuti at masama. Hinahayaan Niya tayong pumili para sa ating sarili ng iisipin at gagawin natin. Binigyan Niya tayo ng mga banal na kasulatan at ng mga buhay na propeta upang tulungan tayong matutong piliin ang tama (tingnan sa Abraham 3:25).
Sikaping Maging Katulad ni Jesucristo
Hindi tayo ipinadala ng Diyos sa mundo nang walang halimbawang tutularan (tingnan sa Juan 13:15). Isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang ipakita sa atin ang daan. Upang matutuhan kung paano Siya tutularan, maaari nating basahin ang mga banal na kasulatan para malaman kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya noong narito Siya sa lupa. Magagawa rin natin ang lahat ng makakaya natin upang maging katulad ni Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa.
Kapag nagkakamali tayo, humihingi tayo ng kapatawaran at humuhugot ng lakas sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo para tulungan tayong magbago. Maaari tayong maging maligaya kapag sinisikap natin sa bawat araw na maging higit na katulad Niya.
Ang Kamatayan ay Hindi ang Wakas
Kapag namatay tayo, ang ating mga espiritu ay pumupunta sa daigdig ng mga espiritu. Doon ay patuloy tayong natututo habang naghahanda tayo para sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating katawan at espiritu ay muling magsasama. Ang ating katawan ay magiging perpekto, at hindi na tayo kailanman mamamatay o magkakasakit. (Tingnan sa Alma 11:44–45.) Tulad ni Jesucristo na namatay at muling nabuhay, lahat tayo ay mabubuhay na muli.
Kapag hahatulan tayo ng Diyos, isasaalang-alang Niya ang ating mga ginawa at hangarin. Kung sinikap nating sundin ang mga kautusan at tinupad ang mga pangakong ginawa natin sa Ama sa Langit, muli natin Siyang makakapiling.
Buhay sa Piling ng Diyos at ng Ating mga Pamilya sa Langit
Sa kahariang selestiyal, makakasama natin ang Diyos at si Jesucristo. Makakasama rin natin doon ang ating mga pamilya magpakailanman kung tayo ay ibinuklod sa kanila. Makadarama tayo ng kapayapaan, kaligayahan, at kapahingahan (tingnan sa Mosias 2:41).
Maaaring mahirap kung minsan ang buhay natin sa mundo, ngunit kung susundin natin si Jesucristo, makadarama tayo ng kagalakan sa buhay na ito at walang-hanggang kaligayahan sa buhay na darating.
Ano ang Sinasabi ng mga Banal na Kasulatan tungkol sa Plano ng Kaligayahan?
Ang paraan kung paano tayo namumuhay ay mahalaga. Hahatulan at gagantimpalaan tayo ng Diyos ayon sa ating mga iniisip at ginagawa (tingnan sa Alma 41:3).
Si Satanas ang kaaway ng ating kaligayahan. Tinutukso niya tayo na gamitin sa kasamaan ang ating buhay sa mundo at magkasala. Nais niya tayong maging kaaba-abang katulad niya (tingnan sa 2 Nephi 2:27).
Kapag nagtitiwala tayo sa plano ng Diyos para sa atin, makadarama tayo ng kapayapaan anumang mga pagsubok ang maranasan natin. Makakaasam tayo na makapananahan tayo kasama ng Diyos magpakailanman. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23.)