2021
Paghahatid ng Ebanghelyo sa Bulgaria
Hulyo 2021


Digital Lamang

Paghahatid ng Ebanghelyo sa Bulgaria

Marami tayong matututuhan tungkol sa kapangyarihan ng gawaing misyonero mula sa mga pangyayaring ito sa kasaysayan ng Simbahan.

kalyeng bato sa Bulgaria

Noong Hulyo 30, 1899, si Mischa Markow, isang Serbian missionary na nangaral sa buong Europa, ay bininyagan si Argir Dimitrov, ang unang convert na Bulgarian, malapit sa Constanta, Romania.1

Sa Romania, sina Markow at Dimitrov ay nangaral sa apat na wika at nagbinyag ng ilang convert bago sila pinaalis ng mga lokal na awtoridad.2 Noong Hunyo 1900, sina Markow at Michael Dimitrov, isang convert na Bulgarian sa Bucharest, ay nangaral sa Ruse at sa Sofia sa Bulgaria.3 Pagkaraan ng ilang linggo sa Sofia, si Markow ay dinakip, siniyasat, at pinaalis bago mabinyagan ang sinumang convert.4

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay hindi na muling ipinangaral sa Bulgaria sa loob ng 90 taon. Nang matapos ang panahon ng mga Komunista, naglakbay si dating Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol patungong Sofia kasama ng iba pang mga lider ng Simbahan. Noong Pebrero 1990, sa isang miting kasama ang mga opisyal ng pamahalaan, itinanong ni Elder Nelson kung ano ang magagawa ng Simbahan para sa Bulgaria at hinilingang magpadala ng mga guro sa wikang Ingles.

Noong taglagas na iyon, anim na missionary, na karamihan ay may pormal na karanasan sa pagtuturo, ang nagsimulang magturo ng mga English class sa Sofia, Pravets, at Smolyan. Sa Sofia, natagpuan nina Elder Morris at Sister Annetta Mower ang ilang miyembro ng Simbahan—na nabinyagan sa ibang lugar sa Europa—na nakatira na sa lugar na iyon. Noong Oktubre 14, 1990, nagsimulang magdaos ang mga Mowers ng serbisyo ng Simbahan linggu-linggo sa kanilang apartment. Sa loob ng isang buwan, mahigit 50 tao ang nagsiksikan sa maliit na apartment ng mga Mowers para sa mga lingguhang miting.5 Nang dumating ang unang mga proselyting missionary noong Nobyembre, anim na tao ang naghihintay na mabinyagan.6 Habang lumalago ang interes sa Simbahan, naging malinaw na kailangan ng mission headquarters sa Bulgaria.

Isang umaga noong Abril 1991, nasa bahay nila sa Virginia sina Kiril at Nevenka Kiriakov nang tumunog ang telepono. Agad na nakilala ni Nevenka ang pamilyar na tinig: “Maaari ko bang makausap si Brother Kiriakov?” tanong ni Elder Thomas S. Monson noon.7

“Opo,” sagot niya. Gayunman, bago niya maiabot ang telepono kay Kiril, sinabi ni Elder Monson, “Ano kaya ang madarama mo kung tatawagin ang asawa mo bilang unang mission president sa Bulgaria?”8

Sina Kiril at Nevenka ay tumakas sa Bulgaria noong 1963 kasama ang kanilang mga anak, na sina Julia at Peter, at sumapi sa Simbahan sa France bago nanirahan sa Estados Unidos. Bagaman binantaan ng mga awtoridad na Komunista na papatayin si Kiril at habambuhay na ibibilanggo ang kanyang pamilya kung sila ay babalik, ipinangako kay Kiril sa isang basbas na ipangangaral niya ang ebanghelyo sa Bulgaria. Dahil naluklok ang bagong gobyerno, nadama nilang ligtas silang makababalik. Sa kabila ng malalaking problema sa kalusugan ni Kiril, matapang nilang tinanggap ni Nevenka ang tawag na maglingkod.9 “Sabik akong makita ang lahat ng mga kamag-anak at kaibigan ko,” sabi ni Nevenka, “at ibahagi sa kanila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”10

Habang naghahandang bumalik sa kanilang bayan sina Kiril at Nevenka, ang mga unang missionary na maglilingkod sa ilalim ng kanilang pamumuno ay paparating na sa missionary training center sa Provo, Utah, USA. Ang language teacher na bumati sa kanila sa unang araw nila ay si Julia Kiriakov Caswell, anak nina Kiril at Nevenka.11

Noong Hulyo 1991, opisyal na binuksan ang Bulgaria Sofia Mission. Sa pananampalataya, pagtitiyaga, at pagsisikap ng mga lokal na miyembro at ng mga missionary, hindi nagtagal ay tumanggap ang Simbahan ng opisyal na pagkilala.12 Sa pagtatapos ng 1991, mahigit 150 mga Banal na Bulgarian ang nabinyagan.13

Ilang dekada bago magkatotoo ang pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo sa Bulgaria, nagsimulang gumawa ng mga paghahanda ang Panginoon. Sa kabila ng mahabang pagkawala ng Simbahan sa bansa at mga hirap noong una, ang pananampalataya at sigasig ng mga taong inihanda ng Panginoon ang nagbukas ng pintuan para sa marami pang iba na matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Sino ang inihanda ng Panginoon para bahaginan mo ng ebanghelyo? Paano Niya inihanda ang daan para sa iyo? Dapat mong malaman na naghihintay sa iyo ang mga himala habang naghahangad ka ng mga pagkakataong ipahayag ang ebanghelyo, “alinsunod sa bahaging yaon ng Espiritu at kapangyarihan na ibibigay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 71:1).

Mga Tala

  1. Kahlile B. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe (2002), 9, 362–63.

  2. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 9, 362, 364–66.

  3. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 365–66.

  4. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 369.

  5. Kahlile B. Mehr, “Keeping Promises: The LDS Church Enters Bulgaria, 1990–1994,” BYU Studies Quarterly, tomo 36, blg. 4 (1996–97): 72–77.

  6. Mehr, “Keeping Promises,” 78.

  7. Nevenka Leonid Kiriakov, My Life Story (2003), Church History Library, Salt Lake City, 160; isinunod sa pamantayan ang gramatika.

  8. Kiriakov, My Life Story, 160; isinunod sa pamantayan ang gramatika.

  9. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 216–17.

  10. Kiriakov, My Life Story, 164; isinunod sa pamantayan ang mga letra.

  11. Mehr, “Keeping Promises,” 87–88.

  12. Kiriakov, My Life Story, 160–78.

  13. Mehr, “Keeping Promises,” 91.