2021
Ministering sa mga Taong may mga Problema sa Kalusugan ng Katawan
Hulyo 2021


Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering sa mga Taong may mga Problema sa Kalusugan ng Katawan

Maaari tayong maging mga kamay ng Tagapagligtas sa pagbibigay ng kapanatagan at tulong.

man delivering groceries

Ang karamdaman, allergy, kapansanan, o edad ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng miyembro na sumamba o maglingkod. Kung ang mga ministering brother at sister ay madaling makahiwatig sa mga pangangailangang ito, maraming paraan para matulungan ang mga miyembrong may mga problema sa pisikal para mas matamasa nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Matapos masuring may kanser ang bata pang ina, nadama niyang nag-iisa siya at napuno siya ng takot. Ngunit nang mabalitaan ng buong ward ang tungkol sa kanyang karamdaman, kaagad siyang napaligiran ng pagmamahal at pagmamalasakit ng kapwa niya mga miyembrong babae. Nang magsimula na ang mahirap na panggagamot sa kanya, inihahatid siya ng mga sister sa kanyang mga appointment at nauupo sa kanyang tabi sa mahabang oras ng chemotherapy session. Nanalangin sila kasama niya, pinalakas nila ang kanyang loob, at dinalhan siya ng kaunting pagkaing maaari niyang kainin, at nagdala ng mga pagkain sa kanyang pamilya linggu-linggo. Ang iba pang mga sister, kahit abala sa sariling buhay nila, ay nag-ukol ng oras para maglinis sa kanyang bahay. Alam ng isang sister na may ilang gamutan na mahihirapan kang makatulog, kaya pinlano niyang bumisita sa gabi para manood ng mga pelikulang nakakatawa. Sa halip na piliting makatulog, nawala pansamantala sa bata pang ina ang takot at naramdaman ang nagpapagaling na bisa ng pagtawa at pagkakaibigan. Sa pamamagitan ng mga paglilingkod na ito, mga basbas ng priesthood, at pag-aayuno ng ward, nakayanan niya ang matinding hirap, at nagkaroon ng matibay na bigkis ng pagmamahal sa mga taong kasama rito.

Hindi laging madali ang paglilingkod sa mga taong may problema sa kalusugan. Ngunit matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtulong sa ating mga kapatid nang may pagmamahal kapag nagkaroon ng mga problema sa kalusugan. Maaari tayong maging Kanyang mga kamay para panatagin at tulungan ang mga nasa paligid natin, kabilang na ang mga taong ang mga problema ay hindi kaagad nakikita ng ating pisikal na mga mata.

Mga Ideyang Dapat Pag-isipan

1. Igalang ang kanilang privacy. May ilang tao na nahihiya tungkol sa mga problema sa kalusugan na maaaring balewala lang sa iyo. Laging itanong kung OK lang na sabihin ang kanilang sitwasyon sa iba bago mo ito gawin.

2. Hikayatin ang pagpapagamot sa mga eksperto sa medisina. Iwasan ang pagrerekomenda ng mga produkto o serbisyo sa kalusugan na hindi napatunayan o hindi inireseta sa kanya ng doktor. Magbahagi ng mga ideya at karanasan kapag nadama mong dapat mo itong gawin, ngunit hikayatin ang iba na gumawa ng sariling pagsasaliksik at sumangguni sa mga dalubhasang propesyonal sa medisina.

adult woman helps her mother put on clothing

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

3. Maglingkod sa kanila at manalangin para sa kanila. Kapag dumaranas ang mga tao ng paminsan-minsan, at panandaliang problema sa kalusugan o mga sitwasyon tulad ng panganganak o operasyon, ang iyong paglilingkod, pagbibigay ng pagkain, kabaitan, at mga panalangin ay nagpapakita ng iyong malasakit. Sa isang emergency, ang iyong agarang kahandaang tumulong ay maaaring maging napakahalaga.

4. Tulungan silang mapalakas. Lalo na kapag may kinakaharap na mabigat o pangmatagalang problema sa kalusugan ang mga tao, higit pa sa iyong tulong o serbisyo ang kailangan nila. Maaaring kailangan din nila ng tulong na matutuhang gawin ang mga sumusunod para sa kanilang sarili:

  1. Tukuyin ang kanilang mga pangangailangan. Ano ang alam na nila tungkol sa kanilang kalagayan? Ano ang nadarama nila tungkol dito? Ano ang kanilang mga aalalahanin at pangangailangan sa mismong sandaling iyon at sa hinaharap? Makinig nang may pagkahabag at walang panghuhusga upang matulungan sila na lubos na harapin ang totoo.

  2. Alalahanin ang kanilang mga kalakasan. Magtanong tungkol sa iba pang uri ng paghihirap na naranasan nila at ano ang natutuhan nila sa mga karanasang iyon. Tukuyin ang magagandang katangian, pinahahalagahan, at kasanayang napansin mo na taglay nila. Itanong kung anong mga personal na pinahahalagahan ang pinakamahalaga sa kanila para mamuhay sa bagong sitwasyong ito. Paano nila ipamumuhay ang mga pinahahalagahang iyon?

  3. Magplano. Anong mga desisyon ang kailangang gawin kaagad, at anong karagdagang impormasyon ang kailangan nila para magawa ang mga desisyong iyon? Anong agarang tulong o resource ang kailangan nila, at anong mga pangmatagalang tulong ang kakailanganin nila? Anong mga opsiyon ang nakikita nila? Ano ang mga positibo at negatibong aspeto ng bawat isa?

  4. Iorganisa ang kanilang grupo. Sino ang maaaring tumulong? Ang pamilya ang may pangunahing responsibilidad na tumulong, ngunit ang mga kamag-anak, kaibigan, iba pang miyembro ng ward, mga propesyonal sa kalusugan, makukuhang mga pampublikong serbisyo, ikaw at ang iyong kompanyon, at ang Espiritu Santo ay maaaring maging bahagi ng kanilang grupo. Kung angkop at may pahintulot nila, isama ang Relief Society president at elders quorum president sa pagtulong sa kanila na tuklasin kung paano kayo, ang iba pang mga miyembro, at resource ng Simbahan ay tunay na makakatulong.

  5. Anyayahan ang Espiritu. Manalangin na kasama nila at manalangin para sa kanila, na inaanyayahan ang Panginoon na pagtibayin at patnubayan ang kanilang mga desisyon at tulungan silang madama ang Kanyang pagmamahal.