2021
Paano Kung Hindi Ko Masabi na “Alam Ko”?
Hulyo 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Kung Hindi Ko Masabi na “Alam Ko”?

Gaano man kalakas ang iyong patotoo, may lugar para sa iyo sa Simbahan.

binata sa kakahuyan na nakatingin sa unahan

Ang aking patotoo ay binubuo ng dalawang bahagi: mga bagay na alam kong totoo at ang mga bagay na pinaniniwalaan kong totoo.

Alam at pinaniniwalaan: Ginagamit ko ang dalawang salita kapag ibinabahagi ko ang aking patotoo.

Ang mga salitang ito ay mahalaga sa akin—hindi lamang dahil ang magkaibang mga salitang ito ay malinaw na nagsasaad ng aking pananampalataya, kundi dahil ipinapaalala nito sa akin na hindi ko kailangan ng kumpletong kaalaman tungkol sa bawat doktrina o perpektong sagot sa bawat tanong sa kasaysayan ng Simbahan upang maipahayag ang aking paniniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

May lugar sa Simbahan para sa lahat ng tao, gaano man kalakas ang kanilang patotoo. Subalit ang ilan sa atin sa Simbahan ay may tendensiyang ikumpara ang ating patotoo sa iba—lalo na kung may mga tanong tayo o pagdududa sa mga aspeto na tila nagpapatotoo nang may katiyakan ang ibang tao. Kung minsan kapag naririnig kong binabanggit ng mga miyembro ng Simbahan mula sa pulpito ang alam nilang totoo, pinagninilay ako nito sa sarili kong patotoo—at sa mga patotoo sa pangkalahatan.

“Paano kung hindi ko masabi na ‘alam ko’?”

“Paano kung mayroon akong mga tanong—at mga pagdududa—tungkol sa ilang aspeto ng ebanghelyo?”

“May lugar ba para sa akin sa Simbahan?”

Ang isang kuwento sa Bagong Tipan ay nagbibigay sa akin ng malaking katiyakan na ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay para sa lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo. Dinala ng isang lalaki ang kanyang anak na maysakit kay Jesus, na nagtatanong, “kung mayroon kang bagay na magagawa, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”

Sumagot si Jesus, “Kung kaya mo! Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.”

Pagkatapos ay nagbigay ang lalaki ng nakapagtatakang sagot, sagot na nagpapahiwatig na may pananampalataya siya ngunit may kahalong kawalan ng paniniwala: “Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya.”

At pinagaling ni Jesus ang bata. (Tingnan sa Marcos 9:14–27.)

Hindi hiniling ni Jesus sa tao na magkaroon ng perpektong kaalaman bago Siya gumawa ng isang himala. Ni hindi Niya iginiit ang matibay na pananampalataya. Ang lalaking humihiling sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa kanyang anak ay nagpahayag ng pananampalataya at, kung saan kulang iyon, ng hangaring maniwala.

At sapat na iyon para kay Jesus.

Ang aral na ito ay angkop sa atin na naghahangad ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Cristo sa ating buhay ngayon. Tulad ng ipinaalala sa atin ng mga makabagong propeta at apostol, ang hangaring maniwala ay sapat nang panimula.1 Totoo, hangarin nating palakasin ang ating mga patotoo; layunin natin ang matibay na paniniwala na nagiging ganap na kaalaman (tingnan sa Alma 32:21–22, 26–34). Ngunit hanggang sa sandaling iyon, ang pag-asa na ang mga pangako ng ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo at ang hangaring maniwala na naipanumbalik ang ebanghelyo sa lupa sa pamamagitan ng mga makabagong propeta ay sapat na para makasulong tayo nang may pananampalataya.

Kaya ano ang magagawa mo kung hindi mo nadarama na masasabi mong “Alam ko”? Makatitiyak ka na may lugar para sa iyo sa Simbahan ni Jesucristo. Buong tiwala mong maipapahayag ang iyong patotoo ayon sa pinaniniwalaan mong totoo—at maging sa mga tuntunin ng inaasam mong totoo—lahat ng ito habang nakikibahagi sa mga pagpapala ng ebanghelyo. At maaari tayong palaging manalangin sa Diyos, na sinasabing, “Tulungan mo ang aking kawalang-paniniwala,” at masdan ang pagpasok ng Kanyang pagmamahal sa ating buhay at ang paggawa Niya ng mga himala.

Tala

  1. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–95.