Para sa mga Magulang
Ang Plano ng Kaligtasan at Pagtitiwala sa Panginoon
Minamahal naming mga Magulang,
Magagamit ninyo ang mga sumusunod na artikulo at mga larawan nito para masimulan ang talakayan sa inyong pamilya at matulungan silang maunawaan ang mahahalagang paksa tulad ng plano ng kaligtasan, kasaysayan ng Simbahan, at pagtitiwala sa Panginoon.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Plano ng Kaligtasan
Gamitin ang “Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo” sa pahina 6 upang ituro sa inyong mga anak ang tungkol sa plano ng kaligtasan. Talakayin kung paanong ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ay nagpapala sa inyo at sa inyong pamilya. Isiping ipadrowing sa inyong mga anak ang mga larawan ng plano ng kaligtasan at sabihing ipaliwanag ng bawat isa sa kanila ang bawat isa sa mga bahagi nito.
Mga Pagpapala sa Pag-aaral ng Kasaysayan ng Simbahan
Kapag binasa ninyo ang artikulo sa pahina 30, talakayin sa inyong mga anak kung paano rin sila magkakaroon ng mas malakas na patotoo sa pamamagitan ng pag-aaral pa ng tungkol sa kasaysayan ng Simbahan. Anong mga kuwento o karanasan mula sa kasaysayan ng Simbahan ang maibabahagi ninyo sa inyong pamilya para matulungan silang harapin ang kanilang mga pagsubok nang may pananampalataya?
Magtiwala sa Panginoon
Basahin ang karanasan ni Brother Milton Camargo sa pahina 39. Habang tinatalakay ninyo ito sa inyong mga anak, itanong: Paano ipinakita ng missionary na nagtitiwala siya sa Diyos? Paano ninyo ipinapakita na nagtitiwala kayo sa Panginoon? Ano ang ilang paraan na napagpala kayo nang magtiwala kayo sa Diyos?
Paglutas sa Pang-aabuso
Gamitin ang mga ideya sa artikulo sa pahina 20 para malaman kung paano mahihiwatigan ang pang-aabuso, maiwasan ito, at maturuan ang mga bata kung paano protektahan ang kanilang sarili.
Masayang Pag-aaral ng Pamilya
Akin Kayong Aakayin
Doktrina at mga Tipan 78:17–18
Aakayin tayo ng Panginoon kapag nakikinig tayo sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ngunit ang mga mensahe ng mundo ay magkakasalungat at nakakalito. Maglaro kasama ang buong pamilya ng larong “Gawin Mo ang Ginagawa Ko at Hindi ang Sinasabi Ko,” gaya ng nakasaad sa ibaba.
-
Pumili ng isang tao para maging tagapagturo.
-
Ang tagapagturo ang magsasabi ng isang aksyon habang iba ang ginagawa niyang aksyon. Halimbawa, sasabihin ng tagapagturo, “Pumalakpak,” pero ang gagawin niya ay hahawakan ang kanyang braso.
-
Gagawin ng mga kapamilya ang ginagawa ng tagapagturo, hindi ang sinasabi nito.
-
Ulitin ang laro, magsalitan sa pagiging tagapagturo.
Talakayan: Nahirapan ba kayong sundin ang tagapagturo? Kung minsan ang mga sinasabi ng mundo ay nakakalito, ngunit ang mga kautusan ng Panginoon ay malinaw. Ano ang maaari nating gawin para makinig sa Panginoon habang inaakay Niya tayo?