2021
Naaangkop na Bihis
Hulyo 2021


Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda

Naaangkop na Bihis

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Sa pagkakataong ito ay tungkulin naming tiyakin na maayos ang kanyang bihis.

hands on a white bow

Mula noong pagkabata namin, nariyan ang aming ina para tiyakin na angkop ang bihis namin sa lahat ng okasyon. Sa limang anak na babae, maaaring mahirap itong gawin. Kung nakapantalon kami pero ang kailangang isuot ay bestida, sasabihan niya kami na magpalit kami ng damit. Kapag nakasuot ang isa sa amin ng magandang bagong damit na naisip naming hindi dapat patungan ng dyaket kahit maginaw, ipipilit pa rin niya na magsuot kaming lahat ng dyaket. Laging angkop ang kanyang bihis, at sinigurado niya na gayon din kami.

Iniukol ni Inay ang kanyang buhay sa pagtuturo sa bawat isa sa amin hindi lamang kung paano manamit kundi kung paano rin mamuhay. Ibinahagi niya ang kanyang mga pananaw tungkol sa kagalakan ng ebanghelyo at ang kanyang patotoo tungkol sa kahalagahan ng templo. Nilinaw niya na umaasa siya na mauunawaan ng bawat isa sa amin ang epekto ng mga ordenansa sa templo sa aming walang-hanggang kaligayahan.

At dumating ang araw na kinailangang magtipon kami para bihisan si Inay para sa libing. Nilisan niya ang mundong ito, matapos kaming turuan sa buong panahong ibinigay sa kanya para turuan kami. Ito ang aming pagkakataon para maipakita ang aming pagmamahal sa kanya, ang aming pasasalamat para sa mga alituntuning itinimo niya sa aming mga puso.

Sa pagkakataong ito tungkulin namin na tiyakin na angkop ang kanyang bihis.

Nang pumasok kami sa silid kung saan bibihisan si Inay para sa libing, tila hungkag ang kanyang walang-buhay na katawan. Wala na ang init ng kanyang espiritu, napalitan ng lamig ng kamatayan. Habang nakapalibot sa kanya ang kanyang mga anak na babae at ilan sa kanyang mga apong babae, ikinararangal namin ang buhay ng dakilang babaeng ito, ninanais namin na ipakita sa kanya, sa huling pagkakataon, ang aming pasasalamat dahil pagpapala siya sa aming buhay.

Anim na kaming mga anak na babae ngayon: Leah, Heather, Gaylene, Lori, Melinda, at ang manugang na si Adrianne. Pinalibutan naming anim si Inay. Pagkatapos ay pumalibot sa amin ang aming mga anak na babae. Naisip namin ang pagmamahal na nilikha ng kanyang buhay sa aming magkakapatid na ipinadarama rin namin ngayon sa aming mga anak. Dahil sa kanyang impluwensya at matwid na mga pasiya ng kanyang mga inapo, ang mga pagpapala ng mga tipan sa templo ay magpapatuloy sa lahat ng mga henerasyon, pinalalawak ang mga pagpapala ng mga tipan ng priesthood.

Ihahanda siya ng kanyang mga anak na babae para sa libing. Maingat naming ibinihis sa kanyang malamig na bangkay ang mainit na kasuotan ng templo. Ang bawat ribbon ay maingat na itinali; isinuot ang mga sapatos; tiniyak na nasa tamang lugar ang lahat ng kasuotan. Ang huling bagay na gagawin ay itali ang huling laso. Habang ginagawa namin ito, tinitiyak na nakatali ito nang maayos, isang alaala ang pumasok sa aming isipan—itinali niya ang lasong iyon sa bawat isa sa amin sa unang pagkakataon na pumasok kami sa templo. Nang itali namin ang kanyang laso para sa huling pagkakataon, masimbolikong ibinabalik namin sa kanya, nang may walang-hanggang pasasalamat, ang kaloob na mga pagpapala ng templo.

Habang tinitingnan namin siya, bawat isa sa amin ay napuspos ng mainit na pakiramdam. Hindi na siya nababalot ng lamig ng kamatayan. Napakaganda niya. Madali nang isipin na siya ay nasa langit, na napaliligiran ng kanyang mga minamahal, at nasasabik na bumalik sa kanyang Ama sa Langit.

Nang lisanin ko ang silid, natanto ko na nakaabot na ako sa panahong kaya ko nang alagaan ang aking ina. Nagtiis siya hanggang wakas. Lalo siyang naging tapat sa kanyang pagtanda at pinagpala ang kanyang mga inapo dahil sa kanyang halimbawa. Inaasam at idinadalangin ko na magawa ko rin iyon at na balang-araw ay makapag-iwan ako ng gayon ding pamana para sa aking mga anak na babae at mga apong babae.