2021
Ang mga Himalang Tumulong sa Akin na Makita ang mga Rekord ng Aking Pamilya sa Swiss Alps
Hulyo 2021


Digital Lamang

Ang mga Himalang Tumulong sa Akin na Makita ang mga Rekord ng Aking Pamilya sa Swiss Alps

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Wala halos alam ang pamilya namin tungkol sa mga ninuno ng aking ama sa Switzerland. Ngunit sa pamamagitan ng paggabay ng Ama sa Langit, napunan namin ang mga kulang.

malapit na kuha ng lumang aklat

Noong tinedyer ako, naaalala ko na tiningnan ko ang family tree ko at iniisip kung paano namin maisasama ang panig ng aking ama sa family tree. Ang aking amang si Joseph Terribilini ay unang-henerasyong Amerikano. Ang kanyang amang si Giuseppe ay nandayuhan mula sa isang maliit na nayon sa Swiss Alps na wala kaming gaanong alam. Noon pa man ay gusto ko nang simulan ang aking family history, kaya madalas akong manalangin na tulungan akong malaman kung paano lalampasan ang mga balakid na kinakaharap namin.

Ngunit alam ng Ama sa Langit ang mga balakid na ito. At simula sa aking tawag sa misyon, nadama ko na ginagabayan Niya ako sa sunud-sunod na anim na himala mula sa Italy hanggang Alabama para mapunan namin ang puwang sa family tree ng aking ama.

Himala #1

Palagi kong nadarama na magmimisyon ako sa Switzerland kung saan minsang nanirahan ang aking mga ninuno. Kaya nang matawag ako sa Italy noong 1970, nagulat pero nasabik ako. Sa language training mission (na tinatawag na ngayong missionary training center), nalaman ko na ang katimugang Switzerland, kung saan nagmula ang aking mga ninuno, ay bahagi ng aking misyon. Nalaman ko na tinawag ako ng Ama sa Langit sa partikular na lugar na iyon para sa isang dahilan.

Himala #2

Sa aking misyon, kami ng kompanyon ko ay inatasang maging mga zone leader sa isang lugar na kinabibilangan ng katimugang Switzerland—at mayroon kaming kotse.

Nagpunta kami sa nayon ng aking pamilya, sa Vergeletto, at hinanap ang isa sa mga pinsan ko. Ipinasyal niya kami at ipinakilala kami sa kura paroko na, sa kahilingan ko, ay ipinakita sa amin ang mga aklat ng mahahalagang talaan para sa lugar. Pagkatapos ay umuwi kami, ngunit isang binhi ang naitanim sa akin na lalago sa buong misyon ko.

Himala #3

Ilang buwan na lamang ang natitira sa misyon ko, nadama ko na kailangan kong kumilos at hanapin ang mga talaan ng aking pamilya bago ako umuwi. Ipinagdasal kong malaman kung may magagawa pa ako, at nakadama ako ng kakaibang pahiwatig mula sa Espiritu na nagsasabi sa akin na kailangan kong kumuha ng kopya ng mahahalagang talaang iyon na nakita ko ilang buwan na ang nakalipas. Sinabi ko sa aking mission president na pakiramdam ko ay kailangan kong bumalik sa nayon ng aking pamilya sa Switzerland at ipinaliwanag kung bakit. Ang nayon ay 87 milya (140 km) ang layo, ngunit pinayagan ako ng aking mission president na pumunta pa rin.

Himala #4

Takip-silim na nang dalhin kami ng makitid na landas paakyat sa bundok sa maliit na bayan ng Vergeletto. Tumigil kami sa sentro ng bayan, ang simbahang Katoliko. Pagkatapos ay naakit kami ng kompanyon ko ng sementeryong natatanglawan ng mga kandila sa kabila ng kalye mula sa simbahan.

Pagpasok namin sa sementeryo, malinaw at matindi kong nadama ang patnubay ng Espiritu na hindi ko pa nadama kailanman. Ang damdaming iyon at ang sariwang alpine na hangin ay lumikha ng damdamin na hinding-hindi ko malilimutan. Sa sementeryo, tila lahat ng iba pang lapida ay nagtataglay ng apelyido ko. Nakita pa namin ang libingan ng aking lolo-sa-tuhod; nakasaad doon na nagpupunta sa kanya ang mga tao upang ipaayos ang kanilang mga nabaling buto.

Bumalik kami sa simbahan para tingnan kung mahahanap namin ang pari. Doon ay nakilala namin ang isang matandang lalaki, na nagsabi sa amin na noon ay Il Giorno dei Morti, o pista-opisyal na kilala bilang Araw ng mga Patay (na nagpapaliwanag kung bakit maraming kandila sa sementeryo). Sinabi sa amin ng lalaki na ang pari ay may mga serbisyo sa mga kalapit na nayon at babalik sa loob ng dalawang oras.

Naghintay kami ng kompanyon ko, at nang bumalik ang pari, ipinaalala ko sa kanya na nagkausap na kami ilang buwan na ang nakalipas at itinanong ko kung maaari ko bang makitang muli ang mahahalagang talaan ng parokya.

Pumayag siya.

Himala #5

Inilabas ng pari ang isang kahon ng mga aklat na daan-daang taong ang tanda. Sinabi ko sa pari na ang Simbahan natin ay nagma-microfilm ng mga parish record sa Parma, Italy, 170 milya (274 km) ang layo. Itinanong ko kung pahihintulutan niya kaming dalhin ang mga rekord nang ilang linggo at ipakopya ang mga ito.

Muli siyang pumayag. Nagulat ako.

Nang lisanin namin ang bayan, namangha ako sa nangyari at tiningnan pa ang rearview mirror para alamin kung hinahabol kami ng pari dahil baka nagbago ang pasiya niya. Pagkaraan ng dalawang linggo, ibinalik namin sa kanya ang mga talaan, tulad ng ipinangako.

Himala #6

Dahil sa sulat-kamay, paggamit ng wikang Latin, at pagkasira, mahirap basahin ang mga talaan. Ngunit, ilang taon ang nakalipas kailan lamang, napansin ko ang daan-daang talaan mula sa Vergeletto na nakaugnay sa aking mga ninuno sa FamilySearch. Ang mga linya ng pamilya na dating tatlo hanggang apat na henerasyon lamang ay umaabot na ngayon ng pito hanggang siyam na henerasyon!

Lumalabas na isang propesyonal na genealogist sa Alabama, USA, na hindi miyembro ng Simbahan ang kabahagi ko sa isang branch ng global family tree. Na-access at nabasa niya ang mga talaan mula sa mga aklat na nakopya ko sa Italy at inilakip ang mga ito sa FamilySearch. Kamangha-mangha ang lalaking ito; simula noon ay ilang beses na kaming nag-ugnayan. Ipinaliwanag niya na ang pag-upload ng mga pangalan at sources na iyon ay ang paraan niya para mabayaran ang Simbahan para sa lahat ng kanilang gawain sa paggawa ng mga talaan na makukuha sa FamilySearch.

Ngayon, ang panig ng tatay ko sa genealogy fan chart ko ay puno ng mga pangalan. At mapalad akong magawa ang kanilang gawain sa templo.

Madalas kong isipin kung bakit pinahintulutan ng isang paring Katoliko ang isang batang Amerikano—na isa ring missionary para sa ibang relihiyon—na dalhin ang kanyang koleksyon ng mahahalagang talaan palabas ng bansa para kopyahin. Ipinagdasal ba ako ng aking mga ninuno? Ipinagdasal ba nila na mapalambot ang puso ng pari?

Hindi ko alam—maaaring parehong totoo ang mga iyon. Ngunit alam ko na makatutulong ang Ama sa Langit sa paggawa ng mga himala kapag humingi tayo ng tulong sa Kanya. At tulad ng ipinangako ni Elder Dale G. Renlund, napakaraming pagpapala sa gawain sa family history para sa mga nasa magkabilang panig ng tabing: “Palalakasin, tutulungan, at susubaybayan tayo ng Diyos; at pababanalin Niya ang ating pinakamatinding kapighatian. Kapag tinitipon natin ang mga kasaysayan ng ating pamilya at pumunta sa templo para sa mga ninuno natin, sabay na tinutupad ng Diyos ang marami sa mga ipinangakong pagpapala sa magkabilang panig ng tabing.”1 Pinamamahalaan ng Panginoon ang gawaing ito, at kapag nagtitiwala kayo sa Kanya, makagagawa Siya ng mga himala para sa inyo at sa inyong pamilya habang nagsisikap kayong tipunin ang Israel.

Tala

  1. Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 48–49.