2021
Ang Kaligtasan ng mga Pumanaw na Maliliit na Bata: Ang Alam Natin at Hindi Natin Alam
Hulyo 2021


Ang Kaligtasan ng mga Pumanaw na Maliliit na Bata: Ang Alam Natin at Hindi Natin Alam

Ang mga katotohanang ito mula sa paghahayag sa mga huling araw ay ilan sa mga pinakamagandang katotohanan ng ebanghelyo.

adult hand being held by a child’s hand

Mga larawan mula sa Getty Images

Isang kaibigan ko ang minsang nagbahagi sa akin ng kanyang karanasan sa kanyang misyon sa Brazil. Nakilala niya at ng kanyang kompanyon ang isang babae na mariing nagsabi na hindi siya interesado sa kahit anong mensahe ng relihiyon. Isang lider ng relihiyon ang nagsabi sa kanya noon na ang kanyang yumaong sanggol na anak na lalaki ay hindi kailanman maliligtas dahil hindi pa ito nabinyagan. Ang kaisipang iyon ay dumurog sa kanyang puso. Sinabi niya sa mga missionary na maliban kung may mas maganda silang mensahe, hindi siya magiging interesado sa kanilang relihiyon.

Mabuti na lang at mayroon silang mas magandang mensahe.

Ang doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa kaligtasan ng maliliit na bata ay maaaring ibuod sa isang talata ng banal na kasulatan: “Lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10).

Bagama’t malinaw ang doktrinang ito, marami pa rin ang nagtatanong tungkol dito o mali ang pagkakaunawa sa paksang ito. Lilinawin ko ang ilan sa mga kadalasang itinatanong.

Paano Maliligtas ang Maliliit na Bata?

Inaakala ng maraming tao na kaya lang maliligtas ang maliliit na bata ay dahil wala silang kasalanan. Bagama’t talagang walang kasalanan ang maliliit na bata, malinaw na itinuturo sa Aklat ni Mormon na kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maging “ang maliliit na bata … ay hindi maliligtas,” dahil “tulad ni Adan, o sa kalikasan, sila ay nahulog” (Mosias 3:16).

Bagama’t sila ay walang anumang kasalanan, ang maliliit na bata ay daranas pa rin ng pisikal at espirituwal na kamatayan na dulot ng Pagkahulog. Kaya nga, kung wala ang Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sila ay masasawi magpakailanman, tulad din nating lahat (tingnan sa 2 Nephi 9:6–10).

Mabuti na lamang at nilinaw ng Aklat ni Mormon na “ang dugo ni Cristo ay nagbayad-sala para sa” maliliit na bata (Mosias 3:16), at “ang sumpa kay Adan ay kinuha mula sa kanila” (Moroni 8:8). Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang maliliit na bata ay ligtas mula sa mga epekto ng Pagkahulog nina Eva at Adan, “sapagkat sila ay buo” (Moises 6:54).

Ano ang Edad ng mga Bata para Maligtas?

Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 137:10 na “lahat ng bata … ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.” Ang kundisyon lamang ay sila ay “namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan.” Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagiging may pananagutan ay hindi dagliang dumarating sa isang bata sa anumang sandali ng kanyang buhay. Ang mga bata ay unti-unting mananagot, sa loob ng ilang taon. Ang pagkakaroon ng pananagutan ay isang proseso. … Gayunpaman, darating ang panahon na magkakaroon ng tunay na pananagutan at ang kasalanan ay iuugnay sa mga taong lumaki nang normal. Ito ay sa edad na walong taong gulang, ang edad ng binyag.”1

Sa madaling salita, ang pagkakaroon ng pananagutan ay patuloy na nabubuo habang lumalaki ang mga bata, ngunit sa edad na walong taong gulang sapat na ang pagiging responsable nila para mabinyagan at kung gayon ay mananagot na para sa kanilang sariling mga kasalanan.

Gayunman, tulad ng alam ng sinumang magulang, hindi ibig sabihin nito na hindi kayang gawin ng mga bata ang isang bagay na alam nilang mali. Ang ibig sabihin nito ay hindi pa sila lubos na responsable para sa mga maling pagpiling ito.

Maaaring bigyan ang mga bata ng “grace period,” kapag hindi sila responsable sa mga maling ginawa nila habang sila ay natututo at lumalaki tungo sa pagkakaroon ng pananagutan. Kung sila ay namatay sa panahong iyan, maliligtas sila sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo nang walang binyag o ginawang anumang pagsisikap (tingnan sa Moroni 8).

Ano ang Magiging Hitsura ng Maliliit na Bata Kapag Sila ay Muling Nabuhay?

Si Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ay namatayan ng maraming maliliit na anak. Siya ay napanatag ng doktrina na ang maliliit na bata ay mabubuhay na muli bilang maliliit na bata at palalakihin ng kanilang mabubuting magulang pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli. Minsan ay ibinahagi ni Pangulong Smith ang sumusunod: “Itinuro ni Joseph Smith ang doktrina na ang isang sanggol na namatay ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli bilang isang bata; at, habang itinuturo niya ang isang patay na bata sa ina nito, ay nagsabi sa kanya: ‘Magkakaroon ka ng kagalakan, ng pagkaaliw, ng kasiyahan sa pagpapalaki sa batang ito, pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, hanggang sa marating nito ang kabuuan ng katayuan ng kanyang espiritu.’ Mayroong pagbabalik, mayroong paglaki, mayroong pag-unlad, pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan. [Gustung-gusto] ko ang katotohanang ito. Nagdudulot ito ng napakalaking kaligayahan at kagalakan at pasasalamat sa aking kaluluwa. Salamat sa Panginoon at kanyang inihayag sa atin ang mga alituntuning ito.”2

Hindi lamang lalaki sa hustong gulang ang maliliit na bata; makakamtan din nila ang ganap na kadakilaan. Itinuro ni Abinadi na “ang maliliit na bata ay may buhay na walang-hanggan din” (Mosias 15:25). Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “maaangkin ninyo ang inyong mga anak; sapagkat sila ay magkakaroon ng buhay na walang-hanggan, sapagkat nabayaran na ang kanilang utang.”3

Upang matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, ang mga taong may pananagutan ay kailangang pumasok sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–3). Ang mga pumanaw na maliliit na bata ay magkakaroon ng ganitong pagkakataon sa hinaharap. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972): “Ipagkakaloob ng Panginoon sa mga batang ito ang pribilehiyo ng lahat ng mga pagpapala ng pagbubuklod na nauugnay sa kadakilaan. … Kapag lumaki sila, pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, sa ganap na maturidad o kahustuhan ng edad ng espiritu, matatanggap nila ang lahat ng pagpapala na natamasa sana nila kung sila lamang ay nabigyan ng pribilehiyong patuloy na mabuhay dito sa mundo at tanggapin ang mga ito.”4

Bakit Namamatay ang Maliliit na Bata?

Mahirap sagutin ang tanong na ito, lalo na para sa mga taong namatayan ng anak. Marahil ang pinakamainam na paraan para masimulan ang pagsagot sa tanong na ito ay sa mga salita ni Nephi, na nagpatotoo na, “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).

Hindi natin alam ang lahat ng dahilan sa bawat trahedya na nangyayari sa buhay na ito, ngunit makatitiyak tayo na mahal tayo ng Diyos. Bagama’t hindi natin dapat ipagpalagay na kalooban ng Diyos ang mga trahedya, ang Kanyang plano ay nagbibigay ng paraan para makayanan ang lahat ng trahedya.5 “Langit ay lunas sa bawat panglaw.”6

Joseph Smith burying his first child

Si Propetang Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma ay may dahilan para magtanong kung bakit namamatay ang maliliit na bata—anim sa kanilang mga anak ang namatay. Sinabi ng Propeta: “Napagnilay-nilay ko ang bagay na ito at naitanong ko, bakit kinukuha sa atin ang mga sanggol, mga batang walang malay, lalo na ang tila napakatatalino at nakatutuwa. Ang pinakamatitinding dahilang pumasok sa isip ko ay ito: Napakasama ng mundong ito. … Maraming tao [ang] kinukuha [ng] Panginoon, kahit mga sanggol pa lamang, upang matakasan nila ang inggit ng mga tao, at ang kalungkutan at kasamaan ng daigdig ngayon; napakadalisay nila, napakaganda, para mamuhay sa mundo; samakatwid, kung tutuusin, sa halip na magdalamhati ay may dahilan tayong magalak dahil naligtas sila sa kasamaan, at hindi magtatagal at maaangkin natin silang muli.”7

Isa pang lingkod ng Panginoon na si Elder McConkie ang namatayan ng sanggol na apong babae. Sinabi niya sa libing nito, “May ilang espiritung dumarating sa buhay na ito para lamang tumanggap ng katawan; dahil sa mga dahilan na hindi natin alam, ngunit batid ng walang-hanggang karunungan ng Amang Walang Hanggan, hindi nila kailangan ng pagsubok, ng mga karanasan ng mortalidad.”8

Walang Pagpapala ang Ipagkakait

Jesus Christ holding a small child

Forever and Ever [Magpakailanman at Walang-Hanggan], ni Greg K. Olsen

Bagama’t wala sa buhay na ito ang makapapawi sa nararamdam ng pamilya sa pagpanaw ng isang anak, makadarama tayo ng kapanatagan sa doktrina na ang mga pumanaw na maliliit na bata ay pagkakalooban ng kadakilaan. Alam natin ito dahil inihayag ito ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at itinuturo ng Kanyang mga propeta at apostol ngayon.

Ang mga katotohanang ito mula sa paghahayag sa mga huling araw ay ilan sa pinakamaganda at pinaka-nakapapanatag na mga katotohanan ng ebanghelyo.

Mga Tala

  1. Bruce R. McConkie, “The Salvation of Little Children,” Ensign, Abr. 1977, 6.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 159.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 205–06.

  4. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation (1955), 2:54.

  5. Tingnan sa Quentin L. Cook, “Mga Tahimik Nilang Himig,” Liahona, Nob. 2011, 104–7.

  6. “Halina, Mga Nalulumbay,” Mga Himno, blg. 70.

  7. Mga Turo: Joseph Smith, 205.

  8. Bruce R. McConkie, sa Robert L. Millet, “Alive in Christ: The Salvation of Little Children” sa The Book of Mormon: Fourth Nephi through Moroni, From Zion to Destruction, mga pat. Monte S. Nyman at Charles D. Tate Jr. (1995), 11.