2021
3 Tanong at mga Sagot tungkol sa Kasaysayan ng Simbahan mula kina Elder at Sister Rasband
Hulyo 2021


Mga Young Adult

3 Tanong tungkol sa Kasaysayan ng Simbahan na Sinagot nina Elder at Sister Rasband

Mula sa Face to Face event kasama si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang kanyang asawang si Sister Melanie Rasband, noong Setyembre 13, 2020. Para mapanood ang buong kaganapan, pumunta sa facetoface.ChurchofJesusChrist.org.

Lahat tayo ay may mga tanong kung minsan. Ngunit mabuti na lang at mayroon tayong mapagmahal na mga Apostol na makatutulong sa atin na mahanap ang mga sagot.

Elder and Sister Rasband

Paano po ninyo nalaman na si Joseph Smith ay tunay na tinawag ng Diyos na maging propeta ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Elder Rasband: Natanto namin na ang paraan para magkaroon kayo ng kaalaman sa inyong patotoo ay maaaring iba kaysa sa amin. Isinilang ako sa isang tapat na pamilya at nagkaroon ng patotoo noong bata pa ako na nananatili sa akin hanggang sa araw na ito.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang isang banal na kasulatan tungkol sa [pagkakaroon ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo], na matatagpuan sa ika-46 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan, kung saan nakasaad dito ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu na maaaring ibigay sa atin.

Gusto kong basahin ang talata 13 at 14, dalawang talata na nagsasaad ng tungkol sa kaloob na patotoo. Talata 13: “Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” Gusto kong malaman ninyo na natamo namin ng mahal kong asawa ang aming patotoo sa paraang ito. May mga patotoo kami sa Panginoong Jesucristo na nag-aalab sa aming dibdib, at alam namin na Siya ang ating Tagapagligtas.

Sa talata 14 binanggit ang isa pang kaloob, at bibigyang-diin ko na isa rin itong kaloob: “Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat.” Kaya, mga bata naming kaibigan, lahat tayo ay magkaiba ng paraan sa pagkakaroon ng patotoong iyan [tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo]. Ang ilan sa atin ay may nag-aalab na patotoo. Ang iba sa atin ay naniniwala sa patotoo ng iba, at OK lang iyan. Maaari kayong maniwala sa patotoo namin, o maniwala sa patotoo ng inyong mga kaibigan, magulang, lider, o mga guro. OK lang na tanggapin ang patotoo ng iba. Sa katunayan, ito ay isang kaloob para magawa iyan. Kaya para sa inyo na nagsisikap na magkaroon ng patotoo, tandaan na ito ay isang paglalakbay at proseso.

Nakasaad sa proklamasyon tungkol sa Pagpapanumbalik,1 “Kami bilang Kanyang mga Apostol ay nag-aanyaya sa lahat na malaman—tulad ng pagkakaalam namin—na bukas ang kalangitan.” Ano ang kahulugan sa inyo ng paanyayang ito? Kung nais ng Diyos na makipag-usap sa atin, bakit po napakahirap Niyang marinig?

Sister Rasband: Sa palagay ko, karamihan sa mga bagay na sulit makamtan sa buhay na ito ay hindi madaling matamo, at sa palagay ko ang mapagpakumbabang paghahangad at pagdarasal na malaman kung paano natin maririnig ang Espiritu Santo ay susi para matutuhan kung paano Siya maririnig. Madalas maganda lang ang nararamdaman natin. Kung minsan maaaring makakita tayo ng isang bagay. Kung minsan talagang nakakarinig tayo ng mga salita, at akala natin iyon ay sa isip at pakiramdam lang natin. Palagay ko mahalagang matutuhan para sa inyong sarili kung paano maririnig ang Espiritu Santo.

Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na tumuon nang di-natitinag, sa tuwina, sa langit, na may puso at mga tainga na handang pakinggan Siya (tingnan sa 3 Nephi 11:5).

Elder Rasband: Natagpuan ko ang salita ng Panginoon sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Kung may mga bagay na lumiligalig, o bumabalisa sa akin tungkol sa aming pamilya, sa aking trabaho, sa aking tungkulin at calling, naghahanap ako ng mga sagot ayon sa paksa (gaya ng mga paksa sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na maaari kong gamitin, at pagkatapos bigla akong makakakita ng sagot, at para bang binigyan ako ng Panginoon ng napakatiyak na tagubilin sa pamamagitan ng Kanyang banal na salita sa mga banal na kasulatan.

Kaya ang pagtanggap ng sagot mula sa Panginoon ay maaaring mangyari sa maraming paraan. Lahat kayo ay magkakaroon ng kani-kanyang paraan. Kilala kayo ng Ama sa Langit. Mahal Niya kayo. Kayo ay Kanyang mga anak, at sasagutin Niya kayo sa mga paraang pamilyar at tama sa inyo.

Ano po ang paborito ninyong bahagi sa Pagpapanumbalik o sa Unang Pangitain? Ano pong mga katotohanan ang pinakagusto ninyo na bunga ng pangyayaring iyon?

Sister Rasband: Para sa akin, simple lang. Nang magsalita ang Diyos Ama at tawagin si Joseph Smith sa kanyang pangalan, at nagsabing, “Joseph, ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” basta na lang lumakas ang aking patotoo na kilala ng Diyos Ama at ng Anak ang bawat isa sa atin. Mahal Nila tayo. At kung makikinig tayo sa Anak, matututuhan natin ang mga paraan [ng Ama] at matuturuan tayo kung paano matatamo ang buhay na walang-hanggan.

Elder Rasband: Ang aspeto ng Pagpapanumbalik na itinatangi ko ay si Joseph Smith ay isang 14-na taong-gulang nang magtungo siya sa kakahuyan bilang pagsunod sa nabasa niya sa mga banal na kasulatan na magtanong sa Ama sa Langit sa mapagpakumbabang panalangin. Sa katunayan si Joseph Smith ay isang halimbawa para sa atin sa aspetong ito: may tanong siya na matagal na niyang pinag-isipan at itinanong niya ito sa Ama sa Langit, umaasang makatatanggap siya ng sagot, at nakatanggap nga siya.

Tala

  1. Tingnan sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” ChurchofJesusChrist.org.