2021
“Akin Kayong Aakayin”
Hulyo 2021


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 77–80

“Akin Kayong Aakayin”

Bagama’t tayo ay maaaring mga bata pa sa espirituwal, papatnubayan tayo ng Panginoon kung magtitiwala tayo sa Kanya.

mission president meeting with missionary

Sinabi ng missionary na ibinulong ng Espiritu na tutulungan ko siyang mahanap ang sagot.

Mga paglalarawan ni David Malan

Sa Doktrina at mga Tipan 78:17–18, sinabi ng Tagapagligtas:

“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kayo ay maliliit na bata, at hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama sa kanyang sariling mga kamay at inihanda para sa inyo;

“At hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin. “Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo.”

Kapag iniisip ng bawat isa sa atin ang ating mga karanasan sa buhay, tiyak na maaalala natin ang mga panahong inakay tayo ng Panginoon.

Pananampalataya ng Isang Missionary

Naalala ko ang isang pagkakataon nang patnubayan ng Panginoon ang ilang tao. Naglilingkod ako noon bilang mission president sa Brazil Porto Alegre South Mission. Isa sa aming mga missionary ay may kundisyon na tinatawag na cleft palate, na hindi kailanman pinagamot. Kapag nagsasalita siya, napupunta ang hangin sa ibabaw ng kanyang bibig at palabas sa kanyang ilong. Mahirap para sa iba na maunawaan siya.

Sinabi sa akin ng batang Elder na ito na nagdasal siya tungkol sa kanyang problema. Sinabi niya na ibinulong ng Espiritu na tutulungan ko siyang mahanap ang sagot. Ang kanyang simple at matibay na pananampalataya ay nagbigay-inspirasyon sa akin. Humingi ako ng tulong sa Diyos sa paghahanap ng solusyon.

Maaaring maitama ng isang simpleng operasyon ang problema, ngunit ang pagpapaopera ay hindi simpleng proseso. Kung gagawin namin ito sa pribadong ospital, napakamahal nito para sa pamilya ng missionary na ito. Sa kabilang banda, ang paggamit ng pampublikong sistemang pangkalusugan ay mangangailangan ng ilang appointment at malamang na magamit ang mga natitirang buwan ng kanyang misyon.

Ang Pananampalataya ng Aking Asawa

Sa tuwing may mahirap akong misyong isasakatuparan, umaasa ako sa pananampalataya at tulong ng aking asawa. Ipinaliwanag ko sa kanya ang problema ng missionary na ito at hiniling ko sa kanya na kausapin ang mga tao sa lokal na pampublikong ospital. May paraan ba para magawa ang operasyon nang walang babayaran at sa loob ng panahong itinakda?

Matapos manalangin para humingi ng tulong, pumunta sa ospital ang aking asawa. Pumila siya sa mahabang linya ng mga tao na naghihintay na makausap ang isang attendant. Habang lumalakad ang pila, naririnig ng asawa ko kung paano tinutugon ang mga idinudulog ng mga nasa unahan niya. Madalas, ang mga tao ay sinasabihang bumalik para sa appointment sa loob ng anim na buwan, at kung minsan mahigit pa rito.

Alam ng asawa ko na magiging napakatagal nito para sa aming missionary. Nakadama siya ng pahiwatig na umalis sa pila at pumasok sa isa pang pintuan. Doon ay nakakita siya ng isa pang empleyado ng ospital. Nagpakilala ang asawa ko at ipinaliwanag ang pangangailangan ng aming missionary.

a woman talking to a surgeon

Sinabihan siya ng empleyado na kausapin ang siruhano, na nasa ospital nang araw na iyon na nagsasagawa ng operasyon sa isa pang palapag. Ipinaliwanag niya sa siruhano ang ginagawa ng mga missionary at kung paano pagpapalain ang missionary na ito kung maooperahan ito para maayos ang kanyang cleft palate.

Nagtanong ng ilang bagay ang siruhano. Pagkatapos ay sinabi niya, “Pwede ba nating iiskedyul ang kanyang operasyon sa loob ng dalawang linggo?” Kinumpleto niya ang hospital form na nagpapaliwanag na ang operasyong ito ay para sa kapakinabangan ng komunidad at siya mismo ay interesado rito. Iniabot niya ang form sa kanyang katuwang at nagpaiskedyul dito ng petsa.

Makalipas ang sampung araw, inoperahan ng siruhano ang aming missionary. Di-nagtagal ay nakabalik sa field ang elder na ito na masaya at malinaw na siyang magsalita. Nang may panibagong sigla, natanto niya na inakay siya ng Panginoon.

Ang karanasan ng missionary na ito ay isang patotoo na dinirinig ng ating Ama ang ating mga panalangin at inaakay tayo sa kamay.

Kung Walang Diyos, Tayo ay Walang Kabuluhan

Sa aspetong espirituwal, tayo ay tulad ng maliliit na bata. Hindi natin nauunawaan ang malalaking pagpapalang inihanda ng Ama sa Langit para sa atin. Habang tayo ay pisikal na lumalaki, nagsisimulang mas maunawaan natin ang tungkol sa mga batas sa mundo na namamahala sa ating buhay. Ngunit hindi natin dapat hayaang maging mas mahalaga ang kaalaman sa mundo kaysa sa pag-unawa sa malalaking pagpapala na inilaan ng Ama sa Langit para sa atin.

Si Moises, isang dakilang propeta ng Lumang Tipan, ay nagkaroon ng karanasan na nagpakita sa kanya kung gaano kaliit ang alam niya. Matapos niyang “[ma]masdan ang daigdig at ang mga hangganan niyon, at ang lahat ng anak ng tao na naroroon, at mga nalalang; sa mga yaon, siya ay labis na nanggilalas at namangha.” Pagkatapos ay lumisan ang Diyos. At si Moises ay naiwan sa kanyang sarili, at siya ay nalugmok sa lupa.

“At ito ay nangyari na, na maraming oras ang lumipas bago natanggap muli ni Moises ang kanyang likas na lakas tulad ng sa tao; at sinabi niya sa kanyang sarili: Ngayon, sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman” (Moises 1:8–10).

Kung ipinakita ng Panginoon sa ating lahat ang mga bagay na magagawa natin sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, marahil ay mabibigla tayo. Tulad ni Moises, makikita natin na kung walang Diyos, tayo ay walang kabuluhan.

Unti-unti

Ngunit sa halip na biglain tayo, inaakay tayo ng Panginoon nang unti-unti. Tinutulutan tayo nito na magawa ang higit pa sa magagawa natin nang mag-isa.

“Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon.

“Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:8–9).

Tulad ng sinasabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 78:18, “hindi [natin] mababata ang lahat ng bagay ngayon.” Hindi pa natin mauunawaan ang lahat ng bagay na nauunawaan Niya. Kung gayon, ano ang dapat nating gawin? Ang sagot ng Panginoon: “Magalak!”

Ang pagtahak sa landas ng tipan nang nagagalak ay kinapapalooban ng pagiging mapagpakumbaba, tulad ng isang maliit na bata. Tayo ay kinakailangang handang maturuan at maakay ng Ama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:10). Ang buhay ay napakamasalimuot kaya hindi natin makokontrol ang lahat ng mga detalye sa ating paglalakbay. At hindi natin mauunawaan ang lahat ng bagay na nararanasan natin, o ng ating mga mahal sa buhay dito sa mundo.

Ngunit kapag nagtiwala tayo sa Panginoon at tinulutan Siyang akayin tayo sa kamay, marami pa tayong magagawa sa Kanyang kaharian kaysa sa inaakala natin. Mas mapagpapala natin ang buhay ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Mas mahihiwatigan natin ang kamay ng Tagapagligtas sa ating buhay. Mas magpapasalamat tayo para sa Kanyang walang-hanggang awa at pagmamahal.

Ang mga Pagpapala ay sa Inyo

Ang huli, inaakay tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapaalala sa atin na “ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 78:18).

Babalikan ko ang halimbawa ng aking missionary. Siya ay pinatnubayan na humingi ng tulong at siya ay biniyayaan ng operasyon na nagtulot sa kanya ngayon na makapagsalita nang malinaw. Siya ay pinatnubayan noon patungo sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo at ng mga pagpapala nito, pati na ng binyag. Tiningnan ko rin ang halimbawa ng aking asawa. Ang kanyang patotoo ay lalong lumakas nang patnubayan siya ng Panginoon. Pagkatapos ay binuksan Niya ang mga dungawan sa langit at nagbuhos ng pagpapala.

Nagpapasalamat ako na nakasama ko sa gawain ang batang missionary na ito, na puspos ng simple at malakas na pananampalataya. At nagpapasalamat ako na mabubuhay ako nang walang-hanggan kasama ang aking asawa, na nagpakita ng halimbawa ng pagtutulot sa Panginoon na akayin siya.

Tunay ngang ang kaharian at mga pagpapala ay sa atin.