2021
Maligayang Pagbabalik, Christine
Hulyo 2021


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Maligayang Pagbabalik, Christine

Walong taon matapos pumanaw ang aking ama, naipaalala sa akin ang pagmamahal ng Diyos sa akin.

London England Temple

Larawan ng London England Temple na kuha ni Chris Wills

Ako ay 19 na taong gulang lamang nang pumanaw ang aking ama noong Hunyo 20, 2010. Iyon ay Araw ng mga Ama sa Estados Unidos. Labis ang pagkabigla ko sa pagkamatay ng aking ama, at unti-unti akong tumigil sa pagsisimba sa aking simbahan. Paano ako magsisimba at hihingi ng patnubay sa Diyos gayong hindi Niya ako pinakinggan noong kailangang-kailangan ko Siya? Tila pinabayaan Niya ako.

Makalipas ang ilang taon, lumipat ako sa London, England para sa graduate school. Sa aking paglalakad papunta sa kampus noong isang malamig at maniyebeng araw, nakikinig ako ng musika sa aking earbuds nang lapitan ako ng dalawang missionary at ipakilala ang kanilang sarili.

Itinanong nina Elder Hathaway at Elder Porter kung ano ang pinakikinggan ko. Nang sabihin ko sa kanila na nakikinig ako sa Book of Mormon musical, nanlaki ang kanilang mga mata sa pagkamangha. Pagkatapos ay ibinahagi ng dalawang missionary ang kanilang patotoo tungkol sa aklat, at binigyan ako ng kopya nito. Nang simulan kong basahin ang Aklat ni Mormon, natanto ko na siguro binibigyan ako ng Diyos ng palatandaan, sinasabi sa akin na oras na para bumalik sa Kanya—ngunit sa bagong daan.

Kinabukasan itinuro sa akin ng mga missionary ang plano ng kaligtasan. Sa lesson na iyon, sinabi ni Elder Porter, “Sa huli, magkakaroon tayo ng pagkakataong makapiling na muli ang ating mga pamilya.” Iyon ang pinaka-nakakaantig na doktrina na narinig ko. Magkakaroon ako ng pagkakataon na makasamang muli ang aking ama. Nalaman ko sa oras na iyon mismo na gusto ko pang matuto. Nagsimulang unti-unting bumalik ang aking pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos.

Noong Abril 15, 2018, nabinyagan ako. Hindi ko malilimutan kung gaano kainit ang tubig. Para bang niyayakap ako nang mahigpit ng Diyos at sinasabing, “Na-miss kita, Christine. Maligayang pagbabalik.” Ang paalala ng pagmamahal ng Diyos ay maluwalhati. Ang Hyde Park First Ward ay malugod din akong binati at tinulungan ako sa aking paglalakbay.

Kung tinanong mo ako noon isang dekada na ang nakararaan kung mamahalin kong muli ang Diyos, malamang na ang isagot ko ay, “Hindi!” Ngunit nagbago iyan dahil naituro sa akin ang plano ng kaligtasan ng Diyos.

Hindi nagtagal, nagpunta ako sa London England Temple, na dala ang pangalan ng aking ama. Nang mabinyagan at makumpirma ang isang tao para sa aking ama, alam ko na nagawa ko na ang unang hakbang para makasama siyang muli.

Alam ko na muli kong makakasama ang aking ama. Ngayon ang pagmamahal ko sa Diyos ay lalong tumitindi araw-araw.