2021
Nais ng Ama sa Langit na Makabalik Tayo
Hulyo 2021


Nais ng Ama sa Langit na Makabalik Tayo

Marahil ay tinatahak na ninyo ang landas pabalik sa inyong Ama sa Langit kaysa sa inaakala ninyo.

man walking in light

Pangarap na noon pa man ng aking mga magulang na sina Aparecido at Mercedes Soares na magmisyon. Gusto nilang magpasalamat sa Panginoon para sa maraming pagpapala na dumating sa kanilang pamilya simula noong sumapi sila sa Simbahan. Dumating ang pagkakataon nila noong 1989 nang tanggapin nila ang tawag na maglingkod sa São Paulo Brazil Temple.

Gayunman, ilang buwan pa lang sa kanilang misyon, ang aking ama ay inatake sa puso at pumanaw. Sa kanyang libing, niyakap ko ang aking ina habang nakatayo kami sa harap ng kabaong ng aking ama.

“Inay, ano po ngayon ang gagawin n’yo?” tanong ko.

“Pangarap namin ng tatay mo ang misyong ito,” sagot niya. “Naglilingkod na ako ngayon, at patuloy akong maglilingkod—para sa kanya at sa akin.”

Inatasan ng isang mabait na temple president ang isa pang balo na maglingkod bilang kompanyon ng aking ina, at ipinagpatuloy ng aking ina ang kanyang misyon nang mahigit 20 buwan. Pinagpala siya ng kanyang pagmimisyon, at pinagpala ng kanyang pananampalataya at halimbawa ang aming pamilya.

Sa kanyang misyon, pumanaw din ang dalawa sa aking mga kapatid na lalaki, at kami ring mag-asawa ay nawalan ng dalawang anak. Ang una ay ipinanganak na premature o kulang sa buwan at hindi nakaligtas, at ang pangalawa naman ay dahil nakunan ang asawa ko. Sa mahirap na panahong iyon sa aming pamilya, naroon ang aking ina sa templo, araw-araw na pinatatatag ang kanyang pananampalataya—at pinalalakas ang aming pananampalataya—sa plano ng kaligtasan.

Ang kanyang pananampalataya na makakasama niyang muli ang aking ama at ang pangako ng buhay na walang-hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit ay nagpatatag sa kanya sa loob ng 29 na taon bilang balo hanggang sa kanyang pagpanaw, sa edad na 94.

Ang Plano ng Kaligayahan

Napakapalad nating mga Banal sa mga Huling Araw dahil alam natin na naipanumbalik na ang ebanghelyo. Ang plano ng kaligtasan ay tunay na “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8). Sa matatapat, nangangako ito ng walang-hanggang gantimpala sa piling ng Diyos.

Tulad ng inihayag sa Doktrina at mga Tipan, halos lahat ng anak ng Ama sa Langit ay papasok sa kaharian ng kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang mga taong babangon “sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti” (Doktrina at mga Tipan 76:17) ay magiging perpekto at magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal.

Tinatanggap ng karamihan sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang doktrinang ito. Ang nakalulungkot, maaaring hindi maniwala ang ilan na angkop ito sa kanilang sarili. Nagkakamali sila. Ang kanilang espirituwal na pag-unlad, bagama’t nananatili, ay mabagal. Iniisip nila kung magiging karapat-dapat ba sila sa kahariang selestiyal.

Kung nakikita ninyo ang inyong sarili sa grupong iyan, alalahanin ang sinabi ng Panginoon sa isa pang grupo ng mga mananampalataya: “Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin” (Mosias 24:13).

Mahal tayo ng Diyos at nais Niyang makabalik tayong lahat sa Kanyang kinaroroonan. Marahil ay tinatahak na ninyo ang landas pabalik sa inyong Ama sa Langit kaysa inaakala ninyo.

“Matwid at Totoo”

woman resting her head in her hands

Sa Doktrina at mga Tipan bahagi 76, ipinahayag ng Panginoon kung paano mamanahin ng Kanyang mga anak ang kahariang selestiyal. Kung miyembro kayo ng Simbahan at may patotoo, nasimulan na ninyo ang inyong landas, tulad ng inilarawan sa Doktrina at mga Tipan:

  • Kailangan nating tanggapin ang “patotoo ni Jesus” at maniwala “sa kanyang pangalan” (talata 51).

  • Kailangan nating mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig (tingnan sa talata 51).

  • Kailangan nating “tumanggap ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay” ng isang taong may awtoridad ng priesthood (talata 52).

Gayunman, ang iba pang mga hakbang ay nangangailangan ng habambuhay na pagsisikap, at pinanghihinaan-ng-loob ang ilang miyembro kapag nagkukulang sila. Lahat tayo ay nagsisikap na magawa ang mga kinakailangang ito. Salamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, magagawa nating lahat ang mga ito:

  • Sundin ang mga kautusan at “mahugasan at malinis mula sa lahat ng [ating] kasalanan” (talata 52).

  • “Pinangibabawan ng pananampalataya” (talata 53).

  • “[Mabuklod] sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako” (talata 53), na siyang Espiritu Santo, pinagtitibay “sa Ama na ang [ating] makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito.”1 Ipinapangako ng Ama ang pagbubuklod na ito sa “lahat ng yaong matwid at totoo” (talata 53).

Ang pagiging “matwid at totoo,” sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), ay “angkop na pahayag para sa yaong matatatag sa patotoo kay Jesus. Matapang nilang ipinagtatanggol ang katotohanan at kabutihan. Sila ang mga miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan (tingnan sa D at T 84:33), nagbabayad ng kanilang ikapu at mga handog, namumuhay nang may malinis na moralidad, sinasang-ayunan ang kanilang mga lider ng Simbahan sa salita at gawa, pinananatiling banal ang araw ng Sabbath at sinusunod ang lahat ng kautusan ng Diyos.”2

Ang pagtatamo ng pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, na kadalasang tinutukoy bilang kadakilaan, ay may isa pang huling kailangan. Kailangan nating pumasok sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” (Doktrina at mga Tipan 131:2), na isinasagawa sa templo sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood. Ayon sa maawaing plano ng ating Ama, alam natin na ipagkakaloob ang mga pagpapalang selestiyal sa kabilang-buhay sa mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataon para sa ordenansa ng pagbubuklod sa templo sa buhay na ito ngunit nanatiling tapat hanggang wakas.

Nalaman natin sa Aklat ni Mormon na lahat ng anak ng Diyos na sumusunod sa Kanyang mga kautusan at tapat, anuman ang kalagayan sa buhay, ay pagpapalain at “tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41). Laging may pag-asa para sa atin sa maawain at mapagmahal na plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit.

Ang Pagpapala ng Pagsisisi

man praying

Larawang kuha ni Hyun Lee

Itinuro ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang-hanggang pag-unlad. Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo. Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan.”3

Sinabi rin ni Pangulong Nelson na ang “paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw” ay nagbibigay sa atin ng “nagpapalakas na kapangyarihan.”4 Kapag ginamit natin ang nagpapalakas na kapangyarihang iyan laban sa likas na lalaki o babae (tingnan sa Mosias 3:19), sumusulong tayo sa landas na pabalik sa ating Ama.

Dahil walang maruming bagay ang makatatahan sa kinaroroonan ng Diyos (tingnan sa Moises 6:57), araw-araw tayong nagsisikap na makamtan ang tunay na espirituwal na pagbaqbago—sa ating pag-iisip, mga hangarin, at pag-uugali. Sa mga salita ni Apostol Pablo, sinisikap nating maging mga bagong nilalang kay Cristo, unti-unting pinapalitan ang ating lumang sarili at ginagawang bago (tingnan sa 2 Corinto 5:17). Dumarating ang pagbabagong ito nang taludtod sa taludtod habang nagsisikap tayong maging mas mabuti sa araw-araw.

Ang pagsunod sa Tagapagligtas sa pagsisikap na maging katulad Niya ay isang proseso ng pagtanggi sa sarili, na tinukoy Niya na pagpasan ng ating krus (tingnan sa Mateo 16:24–26). Pinapasan natin ang ating krus kapag:

  • Kinokontrol natin ang ating mga hangarin, hilig, at silakbo ng damdamin.

  • May pagtitiis tayong “[nagpa]pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata” sa atin (Mosias 3:19).

  • Pinagkakaitan natin ang ating sarili ng lahat ng kasamaan (tingnan sa Moroni 10:32).

  • Ipinasasakop ang ating kalooban sa kalooban ng Ama, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.

At ano ang ginagawa natin kapag nagkasala tayo? Bumabaling tayo sa ating Ama at sumasamo sa Kanya na “gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang [tayo] ay makatanggap ng kapatawaran ng [ating] mga kasalanan” (Mosias 4:2). Sinisikap nating muli na paglabanan ang kahinaan at talikuran ang kasalanan. Tayo ay nagdarasal para humingi ng biyaya, ang “nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling” ni Jesucristo.5 Pinapasan natin ang ating krus at muling naglalakbay, gaano man kahaba at kahirap, patungo sa lupang pangako na Kanilang kinaroroonan.

Magtiwala sa Kanyang mga Pangako

Ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ay gawain at kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Moises 1:39). Kabilang sa gagawin natin upang makamtan ang kaluwalhatiang iyan ay ang maging matatag sa ating patotoo habang narito sa mundo.

Sa pangitain, nakita ni Propetang Joseph Smith na “madadaig [ng matatapat] ang lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 76:60). Kalaunan, ipinahayag niya, “Lahat ng luklukan at nasasakupan, mga pamunuan at kapangyarihan, ay ipahahayag at ipagkakaloob sa lahat ng magiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo” (Doktrina at mga Tipan 121:29).

Kapag nagtiwala tayo sa mga pangakong ito, hindi natin susukuan ang ating sarili, ang ating mga mahal sa buhay, o ang iba pang mga anak ng Diyos. Sisikapin nating gawin ang lahat ng ating makakaya at tutulungan natin ang iba na gawin din ang gayon. Kung tayo lang sa ating sarili, wala ni isa sa atin ang magiging karapat-dapat na maligtas sa kahariang selestiyal, ngunit “sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8), ang pagpapalang iyan ay makakamtan.

Kapag nanatili tayong tapat, pinatototohanan ko na mamanahin natin ang “walang katapusang kaligayahan” sa piling ng Ama at ng Anak. “O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito” (Mosias 2:41).

Mga Tala

  1. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Ezra Taft Benson, “Valiant in the Testimony of Jesus,” Ensign, Peb. 1987, 2.

  3. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 68.

  4. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” 67.

  5. “Biyaya,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org.