Digital Lamang
Kailangan Ko Ba Talagang Magbayad ng mga Handog-Ayuno?
Hindi pa ako nakapagbayad ng mga handog-ayuno kailanman. Sulit ba kung susubukan ko ang imbitasyon ng aking bishop?
Masaya kaming nag-usap ng bishop ko sa kanyang opisina, pero ang totoo, hindi ko iyon masyadong binigyan ng pansin.
Kalagitnaan noon ng Disyembre, at nag-usap kami para sa tithing settlement. Noon pa man ay may patotoo na ako tungkol sa ikapu at nagbayad ako ng buong ikapu, kaya hindi ko gaanong inisip ang maikling miting. At gusto ko nang bumalik sa pag-aaral para sa finals ko sa kolehiyo, lalo na dahil nalaman ko na bagsak ako sa math—sa ikalawang pagkakataon.
Pinanghihinaan ako ng loob, at iba ang nasa isip ko noon.
Buong kabaitan akong tiningnan ng bishop ko.
“Napansin ko na hindi ka nagbayad ng mga handog-ayuno sa taong ito,” ang nakangiting sabi niya.
Ibinalik niyon ang pansin ko sa kanya.
Tama siya.
Ilang buwan nang nasa isip ko ang mga handog-ayuno. Bihira rin itong pag-usapan ng pamilya ko sa paglaki ko, at hindi rin namin talaga pinag-uusapan ang mga ito sa simbahan.
Nagkamali ako sa pag-aakala na hindi ko kailangang mag-ambag nang husto, nang bahagya dahil na rin sa nasa YSA ward na ako ngayon, at nang bahagya dahil medyo nabulag ako sa sarili kong kapalaluan at wala talagang patotoo sa pag-aayuno o mga handog-ayuno.
Naisip ko na ang pagbabayad ng aking ikapu at hindi pagkain ay sapat na.
“Hindi nga po,” ang sabi ko. “Pero kung nagbabayad ako ng ikapu at nag-aayuno, iyan naman ang pinakamahalaga, hindi po ba?”
Ngumiti ang bishop ko at ipinaliwanag sa akin ang kahalagahan ng pagbabayad ng handog-ayuno kasabay ng pag-aayuno bawat buwan, at ang bilang ng mga temporal na pagpapalang hatid nito sa mga nangangailangan sa ward.
Ngunit higit sa lahat, binigyang-diin niya ang mga pagpapalang matatanggap ng mga taong handang magsakripisyo at sundin ang batas ng ayuno.
Tiningnan niya ako sa mata at sinabing, “Matutulungan ka ng mga pagpapalang iyon sa anumang mga hamon na kinakaharap mo sa ngayon, kahit sa pag-aaral mo.”
Napanganga ako. Ni hindi ko pa nasabi sa kanya na bagsak ako sa math class ko.
“Ibig po ninyong sabihin,” sabi ko, “kung magbabayad ako ng mga handog-ayuno, makakapasa ako sa math sa susunod na semestre?”
Pareho kaming tumawa, pero medyo nagulat ako nang talagang tumango siya.
Sinabi niya sa akin na kung mag-aaral ako at magkakaroon ng patotoo tungkol sa kahalagahan ng batas ng ayuno at magbabayad ng handog-ayuno bawat buwan, magugulat ako sa mga pagpapalang ibubuhos sa akin ng Ama sa Langit.
Batid na ang math class na ito ang tanging hadlang sa pagsulong ko sa paaralan at na nahihirapan ako sa math (lalo na sa math na may kasamang mga numero at letra) buong buhay ko, nagpasiya akong subukan ito.
Pag-alam ng Bakit sa Likod ng Pag-aayuno
Sa simula ng sumunod na semestre, nangako ako sa sarili ko na lalo ko pang pag-aaralan ang math, at aalamin ko rin ang lahat ng tungkol sa pag-aayuno at mga handog-ayuno.
Palagi akong nag-aayuno habang lumalaki ako, pero hindi ko ito nagawang makabuluhan. Kadalasan kapag Linggo ng ayuno, naiisip ko lang kung gaano ako kagutom na kahit ang mga nalaglag na pagkain ng mga batang paslit sa sacrament meeting ay katakam-takam.
Nang dumating ang simula ng bagong buwan, nahirapan akong magbayad ng aking ikapu athandog-ayuno. Mahirap lang akong estudyante sa kolehiyo, at wala akong gaanong maibigay!
Ngunit sa paglipas ng mga buwan, nadama kong unti-unting naglaho ang di magandang pag-uugali at kayabangan ko. Nang magtuon ako sa dahilan ng pag-aayuno, nadama kong nagbago ang puso at pananampalataya ko tuwing Linggo ng ayuno sa maraming paraan:
-
Ang mga panalangin ko sa simula at katapusan ng aking mga ayuno ay naging mas tapat at makabuluhan.
-
Ang pagbabayad ng mga handog-ayuno ay nakatulong sa akin na mag-ayuno nang may layunin, at sa halip na magtuon lang sa pagkalam ng sikmura ko, nasimulan kong makilala ang mahinang tinig at impluwensya ng Espiritu.
-
Ang dalisay, subalit malalim, na espirituwal na lakas na nadarama ko sa katapusan ng bawat ayuno ay pumupuspos sa aking kaluluwa at nagpapainit sa puso ko.
-
Sa huli ay natanto ko na kapag handa tayong magsakripisyo para sa iba, dinadalisay tayo upang maging lalong makatulad ni Cristo, dahil ang sakripisyo ang mismong ginawa Niya para sa atin. Ang Kanyang buhay ay isang mahabang gawain ng pagbibigay.
-
Nadama kong pinagyayaman ng pag-ibig sa kapwa ang aking kaluluwa buwan-buwan habang iniisip ko kung gaano karaming tao ang kaya nating paglingkuran kapag handa tayong magbigay. At nakadama rin ako ng pasasalamat sa lahat ng pagpapala sa buhay ko na kung minsan ay hindi ko napapansin noon.
-
Ang pag-aayuno para sa layuning magbahagi ng liwanag at mga pagpapala sa iba ay naging mas mahalaga kaysa sa kung ano ang magiging pakinabang na matatanggap ko.
-
Nadama ko na mas konektado ako sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.
-
Sa kabila ng patuloy na mga hamon, nakaranas ako ng maraming maliliit na biyaya, at nakadama ako ng malaking kagalakan sa buhay ko.
Inantig ako ng mga salita ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol nang sabihin niyang:
“Ang pag-aayuno sa tamang diwa at sa paraan ng Panginoon ay magpapalakas sa atin sa espirituwal, magpapalakas sa ating disiplina sa sarili, pupuspusin ang ating mga tahanan ng kapayapaan, pagagaanin ang ating mga puso nang may kagalakan, patitibayin tayo laban sa tukso, ihahanda tayo para sa mga panahon ng paghihirap, at bubuksan ang mga dungawan ng langit. …
“Kapag sinusunod natin ang batas ng ayuno, hindi lamang tayo lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, kundi pinakakain natin ang nagugutom at pinangangalagaan ang mga maralita.”1
Iyan ay napakaraming ipinangakong pagpapala na naghihintay lamang sa atin.
Simula noong karanasang ito, ang pag-aayuno at mga handog-ayuno ay naging mahalagang bahagi na ng aking pagkadisipulo. Nadarama kong mas napapalapit ako sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa tuwing nagbibigay ako. At kung minsan ay nag-aayuno ako kahit hindi Linggo ng ayuno para humingi ng mga sagot at kapanatagan para sa sarili ko o para sa iba.
Natanto ko na ang batas ng ayuno ay tunay na isang kaloob.
At sakaling nagtataka kayo, oo, mahimala kong naipasa ang klase sa math sa semestreng iyon. At hindi ko lang ito naipasa—isa ako sa mga nakakuha ng pinakamataas na grado sa klase. Siyempre pa, nag-aral ako, pero nang minsan sa buhay ko, ang mga letra at numerong iyon ay tila pumasok sa aking isipan.
Ang Ama sa Langit ay talagang Diyos ng mga himala.
Kapag sinikap nating sundin Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, pati na ang Kanilang mga utos, maaari tayong sumulong nang may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, at ipapaalala Nila sa atin na kasama natin Sila at handa Nila tayong pagpalain sa ating mga pagsisikap.