2020
Mahalin Mo, Ililigtas Niya
Hulyo 2020


Mahalin Mo, Ililigtas Niya

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ipinagdasal namin na baguhin ang mga puso ng aming mga anak. Pagkatapos ay natanto namin ang isang di-komportable (ngunit nagpapalayang) bagay.

smiling family

Pinalaki naming mag-asawa ang aming mga anak sa ebanghelyo. Nagdaos kami ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan tuwing umaga, panalangin ng pamilya, at lingguhang family home evening. Kami ay nagsimba, sama-samang naghapunan, at nagbakasyon bilang pamilya. Regular na dumalo ang aming mga anak sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, nakapagtapos sila ng seminary, at dalawa sa kanila ang nakapagmisyon.

At pagkatapos, bilang mga adult, nagsimula silang magsiyasat ng mga landas at ideyang naiiba sa mga bagay na itinuro namin sa kanila. Isa-isang tumigil ang aming mga anak sa pakikibahagi sa Simbahan hanggang sa isa na lang sa lima naming anak ang pumili pa ring patuloy na dumalo. Maraming luha ang iniyak namin dahil sa aming mga anak at inisip namin kung nabigo kami bilang mga magulang o kung may ibang bagay pa sana kaming nagawa.

Sa mahabang panahon, sumamo kami sa Panginoon na baguhin ang kanilang mga puso, at sa wakas ay sinagot ng Panginoon ang aming mga panalangin. Ngunit hindi sa paraang inaasahan namin.

Sa halip na basta lang baguhin ang mga puso ng aming mga anak, ipinakita Niya sa amin na kailangan naming simulang baguhin ang sarili naming mga puso. Bagama’t mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak, ipinaalala Niya sa amin na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas at Hukom.

Sa determinasyon kong iligtas ang aking mga anak, gumugol ako ng maraming oras sa pagdarasal, pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan, at pagpunta sa templo dahil iniisip ko na kapag ginawa ko ang lahat ng mga tamang bagay, magiging karapat-dapat ako sa tulong ng Diyos—na sa pamamagitan ng mga ginagawa ko, kahit paano ay mahihikayat ang Diyos na supilin ang kanilang kalayaan at pilitin silang manalig tulad ko.

Gustung-gusto naming mag-asawa na iligtas sila, ngunit ang aming bersyon ng pagliligtas ay mas nagmukhang pagsesermon, paninisi, o pagpapakita ng pagtutol sa kanilang mga pagpili kaya nauwi ito sa pagtatalo. Natanto namin na sa pagkadesperado naming maibalik ang aming mga anak, hindi namin namalayan na lalo lang namin silang itinataboy palayo. Nang mas madama nila ang aming panghuhusga at pagkadismaya, mas iniwasan nila kami.

Ang aking mga panalangin ay naging pagsamo na baguhin ang sarili kong puso. Natanto ko na hindi tama ang pinagmumulan ng hangarin kong magbago ang aking mga anak. Ipinagdasal kong magkaroon ako ng higit na pagmamahal. Hiniling ko rin na madaig ko ang nadarama kong kahihiyan na ang aking pamilya ay hindi tulad ng mga perpektong pamilyang ipinapakita ng aking mga kaibigan sa social media na may mga larawan ng mga kasal sa templo ng kanilang mga anak o mga binyag ng kanilang mga apo.

Nang bumaling ako sa Tagapagligtas para mapagaling, nagsimulang lumambot ang aking puso sa aking mga anak. Natanto ko na para mahalin sila tulad ng pagmamahal Niya sa kanila, kailangan kong gumawa ng ilang pagbabago. Para sa Kanya, ang pagmamahal ay hindi isang pamamaraan—iyon ang pangganyak sa likod ng lahat ng ginawa Niya. Sabi Niya hindi Siya gumawa “ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan” (2 Nephi 26:24).

Ang pagtitiwala sa kakayahan ng Tagapagligtas na gawin ang Kanyang gawain (tingnan sa 2 Nephi 27:20) ay nagtulot sa akin na magtuon sa pagmamahal sa aking mga anak at ipaubaya ang pagliligtas sa Panginoon. Hindi ito nangahulugan na sumuko na ako sa pagtulong sa kanila, ngunit noong ang pagmamahal sa kanila ang naging pangunahing dahilan ng pakikisalamuha ko sa kanila, binago nito kung paano ako nakisalamuha.

Sinimulan ko silang tingnan sa ibang paraan. Nagsimula akong magtuon sa kanilang mga kalakasan at talento, at nakita ko na sila ay mga mapagmahal, mapagbigay, matalino, at mabuting tao.

Mas nakinig kaming mag-asawa at hindi kami gaanong nagsalita. Nagtanong kami tungkol sa kanilang mga buhay at interes. Nagpakita kami ng pananabik sa halip na panghuhusga. Pinalitan namin ng mga pahayag ng pagmamahal ang pamimintas at pagkadismaya, at nadama ng aming mga anak na taos-puso iyon.

Ang aming tahanan ay naging lugar kung saan nadarama nila ang pagmamahal at pagtanggap. Hindi na sila nagtatago ng mga bagay-bagay sa amin at nagsimula silang maging tapat at bukas tungkol sa nangyayari sa kanilang mga buhay. Mas napalapit kami sa isa’t isa.

Hindi pa rin perpekto ang aming pamilya, ngunit ngayon ay masaya na ang aming mga anak na umuwi sa aming tahanan at gumugol ng oras sa piling namin. Napapanatag sila kapag kasama nila kami, at sa pamamagitan ng aming pagmamahal, sana ay madama nila ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila. Hindi ko alam kung sa buhay na ito ay babalik sila sa mga bagay na itinuro sa kanila noong bata pa sila, ngunit alam ko na sila ay nasa mga kamay ng Tagapagligtas.