2020
Patotoo at Pagbabalik-loob
Hulyo 2020


Ang Huling Salita

Patotoo at Pagbabalik-loob

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2012.

Ang isang mahalagang aral tungkol sa kaugnayan ng patotoo at pagbabalik-loob ay makikita sa mga gawaing misyonero ng mga anak ni Mosias.

“Kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng mga himala sa kanila—oo, … yamang buhay ang Panginoon, kasindami ng mga Lamanita na naniwala sa kanilang pangangaral, at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.

“Sapagkat sila ay naging mabubuting tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos. …

“Ngayon, ito sila na mga nagbalik-loob sa Panginoon” (Alma 23:6–8).

Dalawang mahahalagang bagay ang inilarawan sa mga talatang ito: (1) ang kaalaman ng katotohanan, na maaaring sabihing patotoo, at (2) pagbabalik-loob sa Panginoon, na sa pagkaunawa ko ay pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kaya, ang matinding kombinasyon ng patotoo at ng pagbabalik-loob sa Panginoon ang nagbunga ng katatagan at hindi pagkatinag at naglaan ng espirituwal na proteksiyon.

Ang patotoo ay espirituwal na kaalaman ng katotohanang nakamtan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang patuloy na pagbabalik-loob ay katapatan sa tuwina sa inihayag na katotohanan na ating natanggap—na may pusong handa at sa mabubuting kadahilanan. Ang malaman na totoo ang ebanghelyo ang pinakadiwa ng patotoo. Ang patuloy na katapatan sa ebanghelyo ang pinakadiwa ng pagbabalik-loob. Dapat nating malaman na totoo ang ebanghelyo at maging tapat sa ebanghelyo.

Ang pagsasantabi ng taglay na “mga sandata ng paghihimagsik” gaya ng kasakiman, kapalaluan, at pagsuway ay nangangailangan ng higit pa sa pananalig at kaalaman. Ang katapatan, pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsunod ay kailangan bago maisuko ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Tayo ba ay mayroon pa ring mga sandata ng paghihimagsik na humahadlang sa ating pagbabalik-loob sa Panginoon? Kung mayroon, kailangan nating magsisi ngayon din.

Ipinapangako ko na sa pagkakaroon natin ng kaalaman ng katotohanan at sa pagbabalik-loob sa Panginoon, tayo ay mananatiling matatag at di-natitinag at hindi kailanman tatalikod sa katotohanan.