2020
Paghihintay sa Pangako
Hulyo 2020


Paghihintay sa Pangako

Inilayo ng aking anak na babae ang kanyang sarili sa Simbahan, ngunit alam ko na pagpapalain siya ng mga bagay na itinuro sa kanya tungkol sa ebanghelyo.

woman sitting in church with baby

Paglalarawan ni Megan Schaugaard

Tatlong buwan bago ang aking ika-21 na kaarawan, nabinyagan ako kasama ang aking kapatid na babae, ina, at walong taong gulang na pamangking lalaki. Sa paglipas ng mga taon, kumapit kami nang mahigpit sa ebanghelyo sa kabila ng maraming pagsubok na naranasan namin.

Nang ikasal kaming mag-asawa, determinado kaming manatiling aktibo sa Simbahan. Nang magkaroon kami ng mga anak, sinikap naming mag-asawa na maging mabubuting magulang at ituro ang ebanghelyo sa aming tahanan.

Isang araw dumalo ako sa isang kumperensya kasama ang aming isang taong gulang na anak na babae. Sa kumperensya, nagsalita ang isang Area Seventy tungkol sa tungkulin ng mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak. Pagkatapos ay nagbigay siya ng isang pangako na nag-iwan ng malaking impresyon sa akin. Sabi niya: “Kung, pagkatapos ng lahat ng magagawa ninyo para ituro ang ebanghelyo, tumalikod ang isa sa inyong mga anak sa Simbahan, pagpapalain pa rin sila dahil sa alaala ng mga bagay na naranasan nila sa bahay.”

Pinuspos ako ng pag-asa ng mga salita ng Area Seventy na iyon dahil may mga pamangkin akong babae at lalaki na tumalikod na sa Simbahan. Pagkaraan ng ilang taon, tumalikod sa Simbahan ang anak kong babae, ang mismong isang taong gulang na batang karga ko sa kumperensyang iyon, noong mag-17 taong gulang siya. May nakilala siyang isang lalaki na hindi matibay ang patotoo sa ebanghelyo, at nagpakasal sila. Hindi na siya nagsimba pagkatapos niyon.

Napakasakit nito para sa akin. Paulit-ulit kong tinanong sa sarili ko kung ano ang ginawa naming mali. Palagi naming sinisikap ng kanyang ama na sundin ang mga kautusan at maglingkod sa Simbahan. Mahal namin ang aming mga anak at nais namin ang pinakamainam para sa kanila. Pagkatapos ng matinding pagluha at pagtatanong, sa huli ay nasabi namin na ang mga anak ay lumalaki, ginagamit ang kanilang kalayaan, at hindi palaging naniniwala sa mga bagay na itinuturo sa kanila sa bahay.

Sa kasamaang-palad, hindi naging matagumpay ang pagsasama ng aking anak at ng kanyang asawa, at ayaw pa rin niyang bumalik sa Simbahan. Ang magagawa ko lamang ay alalahanin ang pangako na maaalala niya ang mga bagay na itinuro sa kanya sa bahay at pagpapalain siya ng mga ito.

Patuloy kong ipinagdarasal ang aking anak. Mahal ko siya nang buong puso, at napakasakit para sa akin na makita siyang lumayo sa Simbahan. Ngunit alam ko na, sa kabila ng aking mga kahinaan, ang mga bagay na itinuro ko sa kanya ay tama at totoo. Alam ko na ang Ama sa Langit ay makatarungan at mapagmahal at na pinakikinggan Niya ang ating mga panalangin. Walang anumang pag-aalinlangan sa aking puso, alam ko na kung gagawin ko ang aking bahagi, sasagutin Niya ang mga ito sa Kanyang takdang panahon.