Ang Matapang na Airman
Walang sinumang nagtangkang sumagot sa drill instructor, ngunit nakakagulat na nagtaas ng kamay ang isang binatilyo.
Maraming taon na ang nakararaan, sumapi ako sa Hukbong Panghimpapawid ng Estados Unidos para magsilbi sa aking bansa. Hindi nagtagal ay kasama na ako sa boot camp sa Texas, USA. Mabagal ang paglipas ng mga linggo habang tinitiis ko ang maraming bagay na karaniwang nararanasan sa boot camp.
Isang araw, dumalo ako sa isang malaking miting na kinabibilangan ng mahigit 200 airmen na nagsasanay ding tulad ko. Nagsimula ang miting sa pagsigaw ng isa sa aming mga drill instructor—na palaging nagsasabi ng mahahalay na bagay—“Mayroon bang tutol sa pagpapalakad ko rito?”
Siyempre, walang sinumang nagtangkang sumagot, ngunit nakakagulat na nagtaas ng kamay ang isang binatilyo.
“Tumayo ka!” sigaw ng instructor. “Ano ang tinututulan mo?”
Lahat kami ay nakinig nang mabuti habang sumasagot nang malakas ang binatilyo, “Tutol po ako sa pagbanggit ninyo sa pangalan ng aking Tagapagligtas sa walang kabuluhan. Nasasaktan po ang aking damdamin. Nakikiusap po ako na itigil ninyo iyon.”
Nanahimik ang lahat ng tao sa silid. Tinitigan siya ng instructor at tinanong kung sa anong relihiyon siya kasapi. Buong pagmamalaking sinabi ng matapang na airman, “Ako po ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!”
Pinasalamatan ng instructor ang airman para sa kanyang katapangan na magsalita, at nagpatuloy ang miting. Malaki ang naging epekto nito sa akin. Madalas kong maisip na gusto kong magkaroon ng uri ng katapangang taglay ng airman na iyon.
Pagkatapos ng boot camp at medical training, nadestino ako sa himpilan ng hukbong panghimpapawid sa Colorado, USA. Isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa aking kuya na nakadestino sa Pilipinas. Sumapi siya sa hukbong panghimpapawid mga isang taon bago ako sumapi. Sinabi niya sa akin na naging miyembro siya ng Simbahan, at nais niyang makipagkita ako sa mga missionary. Biglang pumasok sa isip ko ang aking karanasan sa boot camp kasama ang matapang na airman. Nakipagkita kaming mag-asawa sa mga missionary, at hindi nagtagal ay nabinyagan kami.
Makalipas ang ilang buwan, pinabisita ko sa mga missionary ang aking nakababatang kapatid. Nabinyagan din siya at ang kanyang asawa. Kaming magkakapatid ay nagkaroon ng maraming anak at apo. Mahal naming lahat ang Panginoon at ang Kanyang Simbahan.
Hindi ko alam kung ano ang pangalan ng matapang na airman. Hindi ko na siya nakitang muli, ngunit magpapasalamat ako magpakailanman para sa kanyang katapangan na manindigan sa kanyang pinaniniwalaan.