2020
Magkaiba ngunit Magkasama
Hulyo 2020


Magkaiba ngunit Magkasama

Ang awtor ay naninirahan sa Georgia, USA.

“Hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11).

Different but Together

Bibisita si Ellie at ang kanyang pamilya sa kanilang mga pinsan na nakatira sa malayo. Sabik na sabik si Ellie! Matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang mga pinsan.

Bago ang biyahe, sinabi ng mga magulang ni Ellie na may gusto silang pag-usapan.

“Kapag nagkakasama-sama tayong magkakamag-anak, palagi tayong nagdarasal sa oras ng pagkain. At kung minsa’y pinag-uusapan natin ang tungkol sa Simbahan, tama ba?” tanong ni Itay.

“Tama po!” sabi ni Ellie.

“Medyo maiiba ang mga bagay-bagay sa biyaheng ito,” sabi ni Inay. “Hindi na nagsisimba ang inyong tita at tito. At ayaw nilang kinakausap sila ng mga tao tungkol dito.”

Sumimangot si Ellie. “Bakit naman po?”

“Hindi namin alam ang lahat ng dahilan,” sabi ni Itay. “Pero mahal na mahal nila tayo. Sa palagay ko, ayaw nilang makipagtalo sa atin o saktan ang ating damdamin. Kaya pinakiusapan na nila kami na huwag banggitin sa kanila ang mga bagay tungkol sa Simbahan.”

Tumango si Ellie.

“Maaari pa rin tayong magbasa ng ating mga banal na kasulatan at magdasal habang naroon tayo. Pero gagawin natin iyon nang tayu-tayo lang,” sabi ni Inay.

“Paano kapag kumakain po tayo?” tanong ng ate ni Ellie.

“Tingnan na lang natin ang mangyayari,” sabi ni Inay. “Kung hindi sila magdarasal bago tayo kumain, maaari naman tayong magdasal nang kanya-kanya sa ating puso.”

“Sige po,” sabi ni Ellie. “Kaya ko pong gawin iyon!”

Kinabukasan, sumakay na sa kotse ang pamilya ni Ellie. Nagbiyahe sila hanggang sa lumalim ang gabi. Nang makarating na sila sa wakas sa bahay ng kanilang mga pinsan, tinulungan sila ng tita at tito ni Ellie na ilabas ang kanilang mga bag sa kotse. Pagkatapos ay natulog na ang lahat.

Kinabukasan, nagdasal si Ellie bago pumunta sa kusina para mag-almusal. Medyo kinabahan siyang makipagkita sa kanyang pamilya. Pero tinabihan siya ng kanyang tita na may matamis na ngiti sa mukha nito.

“Pupunta ang ilan sa amin sa salon ng iyong pinsan mamaya. Gusto mo bang sumama?” tanong nito kay Ellie.

“Hair salon po?” tanong ni Ellie.

“Oo! Maaari kayong magpaayos ng buhok ng kapatid mo kung gusto ninyo.”

Si Ellie ay ngumiti at tumango. Mukhang masaya iyon!

Pagkatapos mag-almusal, sumakay sila ng bus papunta sa salon. Nasiyahan si Ellie sa panonood habang nagtatrabaho ang kanyang pinsan. Napakabilis ng paggalaw ng mga daliri nito habang nagsusuklay at nagtitirintas. Nang maayos na ang buhok ng lahat, rumampa sila sa harap ng salamin ng salon at naghagikhikan sila sa kanilang mga bagong hitsura.

Kinabukasan, umulan nang malakas. Kaya nagpasiya ang lahat na mamalagi sa loob at maglaro ng mga board game. Magkakampi si Ellie at ang isa sa kanyang mga pinsan laban sa dalawang nakatatandang batang lalaki. Nagtuksuhan sila habang nag-uunahang maiikot ang kanilang mga pitsa sa board.

“Panalo kami!” sigaw ni Ellie nang iabante niya ang kanyang pitsa sa dulo ng board. Nag-apir silang lahat sa isa’t isa—maging ang mga nakatatandang pinsan, na nagkunwaring nabubugnot dahil sa pagkatalo.

Makalipas lamang ang ilang araw, oras na para umuwi. Habang pasakay si Ellie sa likod ng kanilang kotse, narinig niyang nagpaalam ang kanyang pamilya.

“Mami-miss namin kayo!”

“Bumalik kayo kaagad!”

“Mahal na mahal namin kayo!”

Si Ellie ay ngumiti at kumaway habang papalayo ang kanilang kotse. Talagang nasiyahan siya. Kahit magkaiba ang kanilang mga paniniwala, maaari pa rin silang maging isang masayang pamilya. ●