2020
Kasaysayan ng Simbahan: Isang Pinagmumulan ng Lakas at Inspirasyon
Hulyo 2020


Kasaysayan ng Simbahan: Isang Pinagmumulan ng Lakas at Inspirasyon

Habang natututuhan natin ang iba pa tungkol sa mga Banal noong araw, mapapalakas tayo sa pagtupad ng ating sariling misyon bilang anak ng Diyos.

smiling woman

Kanan: larawan ng babae mula sa Getty Images; dulong kanan: si Addison Pratt at ang kanyang journal, French Polynesia, 1844

Elder Cook: Ang kasaysayan ng Simbahan ay maaaring maging isang mahalagang pinagmumulan ng pananampalataya, ngunit hindi ito nauunawaan o napapansin ng ilang tao. May ilang tao pa nga na sadyang iniiba ang mga kuwento ng nakaraan para lumikha ng pagdududa.

Sa pag-aaral ng mga mapagkakatiwalaang kasaysayan ng Simbahan, mabubuklod ang ating mga puso sa mga Banal noon at ngayon. Makikita natin ang halimbawa ng mga taong hindi perpekto tulad natin na sumulong nang may pananampalataya at nagtulot sa Diyos na kumilos sa pamamagitan nila para maisakatuparan ang Kanyang gawain. Ipinapangako ko na mapapalakas ng pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan ang inyong pananampalataya at hangaring ipamuhay nang mas lubusan ang ebanghelyo.

Ang kuwento tungkol sa Pagpapanumbalik ay kuwento tungkol sa sakripisyo, determinasyon, at pananampalataya. Lahat tayo ay bahagi ng Pagpapanumbalik at kasaysayan ng Simbahan. Bawat isa sa atin ay may misyon na isasakatuparan sa buhay na ito na tutulong sa ebanghelyo na punuin ang mundo. Habang natututuhan natin ang iba pa tungkol sa mga Banal noong araw, mapapalakas tayo sa pagtupad ng ating sariling misyon bilang anak ng Diyos.

Sa mahigit 24 na taon na nakapaglingkod ako bilang General Authority, ang hangarin ng mga Kapatid ay maging bukas at hayagan sa lahat hangga’t maaari, kapwa pagdating sa kasaysayan ng Simbahan at sa doktrina. Nadarama namin na ang pagsisikap na maglabas ng mga bagong resource—tulad ng The Joseph Smith Papers, Gospel Topics Essays, Church History Topics, at ngayon ng maraming tomo na Mga Banal1—ay isang napakagandang paraan ng paghikayat sa mga tao na pag-aralan ang mga bagay na ito sa konteksto na totoo at tutulong sa kanila na maunawaan ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mapagkakatiwalaang paraan.

Isa sa aking mga paboritong salaysay sa Mga Banal ay ang kuwento ng pagpunta ni Addison Pratt sa South Pacific. Nakapagbinyag siya ng mga 60 tao. Ako at ang aking asawa na si Mary ay nagkaroon ng pagkakataong pumunta sa Austral Islands, French Polynesia kung saan nagturo si Addison Pratt.

Isa sa mga pinakapambihirang karanasan ko ay marinig ang isang kabataang babae roon na nagsabing, “Ikapitong henerasyon na ako ng mga miyembro ng Simbahan.” Bininyagan ni Addison Pratt ang kanyang malayong ninuno bago nagtungo ang mga Banal sa Utah.

Saanman kayo naroroon sa mundong ito, anumang lahi ang pinagmulan ninyo, kayo ay mahalaga, kayo ay bahagi ng kasaysayan ng Simbahan. Kailangang-kailangan namin kayo. Pagpapalain ninyo ang buhay ng mga tao.

Bakit hindi gaanong hayag ang Simbahan tungkol sa ilang kontrobersyal na bagay sa kasaysayan nito?

Ni Kate Holbrook

mother and daughter visiting grandmother

Kaliwa: paglalarawan ni David Green

Noong ako ay apat na taong gulang, ang aking ina at lola ay nagtrabaho sa Beehive House, ang lumang bahay ni Brigham Young sa Salt Lake City, Utah. Itinuro nila sa akin ang tungkol kay Brigham Young at na siya ay mayroong maraming asawa. Pagkaraan ng mga 10 taon, nalaman ko na si Joseph Smith ay mayroon ding maraming asawa. Nalaman ko lang ang tungkol sa mga bato ng tagakita, na ginamit ni Joseph para makatulong na maisalin ang Aklat ni Mormon, noong nasa hustong gulang na ako. Hindi itinago sa akin ng Simbahan ang impormasyon, pero ang impormasyon tungkol sa kasaysayan ay hindi binigyang-diin sa akin noong bata pa ako.

Ang natutuhan ko sa aking mga miting sa araw ng Linggo at sa aking mga klase sa seminary ay kung ano ang pangunahing gawain ng Simbahan. Natuto akong magsisi. Natutuhan kong iayon ang aking buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Natutuhan ko kung paano bumuo ng relasyon sa aking Ama sa Langit. Ito ang mga bagay sa aking buhay na talagang pinahahalagahan ko. Alam ko na para sa ilang tao, maaaring masakit talaga na malaman ang isang bagay na sa palagay ninyo ay dapat noon pa ninyo nalaman pero hindi ninyo alam. Kaya nga ginagawa namin ni Matt ang ginagawa namin. Umaasa kami na ang karanasang iyon ng mga tao ay magiging bahagi na ng nakaraan dahil nasa atin na ang aklat na Mga Banal, na naglalarawan ng buong kasaysayan para sa mga tao.

Paano natin malalaman kung ang isang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Simbahan ay maaasahan?

Ni Matt Grow

Nakapagtrabaho ako para sa Simbahan sa nakalipas na siyam na taon sa pamamagitan ng pagsusulat tungkol sa kasaysayan. Nakita ko ang pananaw ng ating mga General Authority tungkol sa ating kasaysayan. Ang mga pag-uusap ay hindi tungkol sa “Paano natin itatago o pagtatakpan ang kasaysayan?” Sa halip, ang mga pag-uusap ay tungkol sa “Paano natin magagawang abot-kamay at madaling maunawaan ang kasaysayan?”

Alam nating lahat na ang hamon sa makabagong panahon kung saan madaling makakuha ng impormasyon ay hindi ang paghahanap ng mga sagot—napapaligiran tayo ng mga sagot—kundi ang pagtukoy kung alin ang mabubuting sagot at alin ang masasamang sagot, alin ang mabubuting impormasyon at alin ang masasamang impormasyon. Napakaraming talakayan online tungkol sa ating kasaysayan, at karamihan sa mga talakayang ito ay nagpapagulo lang ng isip sa halip na magpalinaw.

Mag-ingat sa mga mapagkukunan ng impormasyon na hangad lamang manira ng mga tao. Sa halip, maghanap ng mga mapagkukunan ng impormasyon na batay sa mga talaang ginawa mismo ng mga taong iyon at hangad na maging makatarungan sa kanila. Madali talagang kakitaan ng mali ang mga taong nabuhay noong unang panahon at husgahan ang mga ginawa nila batay sa pamantayan ngayon, o gumamit ng isang sipi o isang pangyayari na wala sa konteksto at pagmukhain itong nakakabahala.

Bilang isang mananalaysay, sinisikap kong sundin ang payo ng isang nobelistang Briton. Sabi niya: “Ang nakaraan ay isang banyagang bansa: iba ang paggawa ng mga bagay-bagay doon” (L. P. Hartley, The Go-Between [1953], paunang salita). Ibig sabihin, kapag binalikan natin ang nakaraan, hindi natin dapat ipilit dito ang mga makabagong ideya at pamantayan ng lipunan ngayon. Dapat sikapin nating unawain ang mga tao ayon sa kanilang sariling konteksto at kultura. Dapat pagpasensyahan natin ang mga bagay na itinuturing natin bilang pagkakamali nila. Dapat maging mapagpakumbaba tayo dahil limitado ang ating kaalaman. At dapat magkaroon tayo ng diwa ng pag-ibig para sa nakaraan.

Si Joseph Smith at ang Aklat ni Mormon

Noong tinedyer ako, akala namin ay hindi makakapagmisyon ang aking kuya dahil paisa-isang kabataang lalaki lang ang maaaring ipadala ng ward sa misyon. Ang iba ay kailangang maging handa kung sakaling matawag na magsundalo. Pero nalaman ng aming bishop at stake president na maaari silang magpadala ng isa pa. Kaya, kinausap nila ang kuya ko, at umuwi siya at sinabi niya sa mga magulang namin ang tungkol dito.

Ang aking ama ay mabait na tao, pero hindi siya aktibo sa Simbahan. Ayaw niyang pumayag—dahil sa isang di-karaniwang dahilan. Wala siyang pintas sa Simbahan o maging sa misyon, pero ang aking kuya ay papasok na noon sa paaralan ng medisina. Sabi ng aking Ama, “Nakapaghanda ka na para mag-aral ng medisina. Napasukan mo na ang mga klase. Mas marami kang magagawang mabuti kung mag-aaral ka ng medisina kaysa kung magpupunta ka sa misyon.”

Noong gabing iyon, umupo sa tabi ko ang aking matapat at mabait na kuya, at nag-usap kaming dalawa. Naisip namin na mayroon talagang tatlong tanong na magtatakda ng magiging sagot niya sa aming ama. Ang unang tanong ay, “Si Jesucristo ba ang Tagapagligtas ng sanlibutan?” Ang pangalawa ay, “Salita ba ng Diyos ang Aklat ni Mormon?” At ang pangatlo ay, “Propeta ba si Joseph Smith?” Natanto ko na ang mga sagot sa tatlong tanong na iyon ay makakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ko sa buong buhay ko.

Noon pa man ay mahal ko na ang Tagapagligtas at binabasa ko na ang Aklat ni Mormon, pero nang matanto ko kung gaano kahalaga ang mga sagot na iyon, nagdasal ako noong gabing iyon at nakatanggap ako ng malalim at magandang sagot sa mga tanong na iyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Si Jesucristo ang Tagapagligtas, salita ng Diyos ang Aklat ni Mormon, at isang propeta si Joseph Smith. Pinatototohanan ko na ang mga bagay na ito ay totoo.

Bakit medyo magkakaiba ang mga tala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith?

Ni Matt Grow

Si Joseph Smith ay gumawa o nakiusap sa kanyang mga tagasulat na gumawa ng apat na magkakaibang tala ng Unang Pangitain. Pareho lang ang kuwentong isinasalaysay ng mga tala, pero may mga pagkakaiba. Hindi na natin dapat ikagulat iyon. Kung eksaktong magkakatulad ang lahat ng mga tala, maghihinala ako bilang isang mananalaysay dahil imposible iyong mangyari. Nakikita natin ang huwarang iyon sa iba pang mga tala sa kasaysayan o sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Gawa 9:7; 22:9).

Isaisip din kung gaano kahirap ilarawan sa mga salita ang isang sagradong karanasan. Tinawag ni Joseph ang wika na isang “maliit at makitid na piitan” (sa History of the Church,1:299.). Isipin ang inyong mga pinakasagradong karanasan. Madali ba itong ilarawan sa mga salita? Dapat ipagbunyi natin na maraming tala tungkol dito dahil binibigyan tayo ng mga ito ng bagong kaalaman at pananaw. Basahin ninyo ang apat na tala ng Unang Pangitain sa mga sanaysay ng Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan. Sa paggawa nito, madaragdagan ang inyong pagpapahalaga sa nangyari noong araw na iyon.

Ano ang naging papel ng Urim at Tummim sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon?

Ni Kate Holbrook

Joseph Smith with the plates

Kaliwa: paglalarawan ni David Green

Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang Urim at Tummim, na binanggit sa Aklat ni Mormon, ay ibinaon kasama ng mga lamina. Noong ibinigay ni Moroni ang mga lamina kay Joseph, ibinigay din niya ang Urim at Tummim. Ang bato ng tagakita, na ginamit din ni Joseph sa pagsasalin, ay hindi ibinaon kasama ng mga lamina. Iyon ay isang bagay na nakita mismo ni Joseph ilang taon na ang nakararaan na nakatulong sa kanya na makatanggap ng espirituwal na paghahayag. Kaya pareho niyang ginamit ang mga ito.

Kalaunan ay naalala ni Emma Smith, isa sa kanyang mga tagasulat, na tuwing uupo si Joseph para muling magsalin, hindi niya itinatanong, “Nasaan na nga ba ako? Saan ba tayo tumigil?” Basta nagsisimula na lang siya kung saan sila mismong tumigil. Kung titingnan ninyo ang isang pahina ng sariling journal ni Joseph Smith na isinulat niya tatlong taon matapos niyang isalin ang Aklat ni Mormon, puno ito ng mga buradong salita, di-kumpletong pahayag, at mga putul-putol na pangungusap. Kung titingnan ninyo ang isang pahina ng idiniktang Aklat ni Mormon, walang ganoon. Maganda ang pagkakasulat nito—kumpleto ang mga pangungusap, walang binura.

Kawili-wiling pag-isipan ang lahat ng ito, pero ang mas mahalaga sa akin ay ang nilalaman ng Aklat ni Mormon. Sa Aklat ni Mormon, itinuro sa akin ni Haring Benjamin na unahin ang kabutihang-loob kaysa sa paghatol at itinuro sa akin ni Alma kung ano ang kahulugan ng binyag at kung ano ang ipinapangako kong gawin para sa at kasama ng aking kapwa mga Banal. Sa Aklat ni Mormon, itinuro sa akin nina Mormon at Moroni kung gaano kahalaga ang pag-ibig sa kapwa-tao at kung ano ang dapat gawin para magkaroon nito. Malaki ang naging impluwensya ng aklat na ito sa aking pagkatao at sa aking pananaw sa mundo.

Pag-aasawa nang Higit sa Isa

Gusto kong magbahagi ng tatlong punto tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa. Una, malinaw na maraming sakripisyo sa pag-aasawa nang higit sa isa. Mayroong matinding pagmamahal at pagkakaisa, ngunit mayroon ding sakripisyo, at tinuruan ng mga magulang na bahagi ng mga pag-aasawang iyon ang kanilang mga anak na magsakripisyo. Marami sa mga anak na naging bunga ng mga pag-aasawang iyon ay naghatid sa ebanghelyo ni Jesucristo sa iba’t ibang panig ng mundo at nagpala sa maraming buhay.

Pangalawa, may ilan, tulad ni Vilate Kimball, na nakatanggap ng sarili nilang personal na paghahayag—bago pa man nila malaman ang kabuuan ng mangyayari—na ang doktrinang ito ay nagmula sa Diyos.2

At pangatlo, sa mga senior council ng Simbahan, nadama nila na naging matagumpay ang pag-aasawa nang higit sa isa dahil natupad ang layunin nito. Dapat parangalan natin ang mga Banal na iyon para sa pagsasakatuparan ng nasabing layunin.

Ngayon, may mga tanong na hindi pa nasasagot. Pero gusto kong malaman ninyo na mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit na may perpektong plano, na ang Kanyang plano ay isang plano ng kaligayahan, at na mayroon tayong Tagapagligtas na ginawa ang lahat para sa atin. Maaari tayong magtiwala sa Kanila.

Bakit nila ginawa ang pag-aasawa nang higit sa isa noong mga unang araw ng Simbahan?

Ni Kate Holbrook

Ang turo sa Aklat ni Mormon tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ay monogamya ang nais ng Panginoon para sa Kanyang mga tao, ngunit mayroong mga bihirang pagkakataon kung saan inuutusan Niya tayo na isagawa ang pag-aasawa nang higit sa isa para magbangon ng isang matwid na lahi (tingnan sa Jacob 2:30). Ito ang kaisa-isang pagkakataon na inutusan si Joseph Smith na gawin ito. Ilang taong nag-atubili si Joseph na ipatupad ito, pero kalaunan ay ipinatupad niya ang pag-aasawa nang higit sa isa dahil gusto niyang sundin ang kautusan ng Diyos sa kanya. Sinubukan niyang isagawa ang pag-aasawa nang higit sa isa sa kalagitnaan ng dekada ng 1830, pero noong 1841 niya lang talaga opisyal at unti-unting pinasimulan ang pagsasagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa sa kanyang mga pinagkakatiwalaang kasamahan. Nagulat sila. Nagsumamo sila sa panalangin sa kanilang Ama sa Langit na ipaunawa sa kanila ang alituntuning ito, at nakatanggap sila ng personal na saksi na tama ito para sa kanila noong panahon na iyon.

Ang pag-aasawa nang higit sa isa, na opisyal na isinagawa sa loob ng 50 taon, ay isang bagay na maaaring piliin ng mga tao. Sinisikap pa rin ng mga iskolar na alamin kung ilang mga Banal sa mga Huling Araw ang nag-asawa nang higit sa isa, pero alam natin na maliit na bilang lang ito ng mga Banal. At alam natin na karamihan sa kanila ay kabilang sa pinakamatatapat na miyembro ng ating Simbahan. Noong 1890, naglabas si Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) ng isang pahayag na nagwakas sa pagsasagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa. Nang mabalitaan ng ilan ang pahayag na ito, nakahinga sila nang maluwag. Naging mahirap ang pag-aasawa nang higit sa isa para sa kanila. Nang mabalitaan ng iba ang pahayag na ito, nalungkot sila. Marami na silang naisakripisyo, at mayroon na silang patotoo tungkol sa alituntuning ito.

Iniisip ng ilang miyembro ng Simbahan kung ano ang epekto sa kabilang-buhay ng dati nating pagsasagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa. Itinuro ng mga lider ng Simbahan na hindi kailangan ang pag-aasawa nang higit sa isa para sa kadakilaan o sa walang-hanggang kaluwalhatian. Bagaman personal akong nagpapasalamat na monogamya ang ipinapatupad ngayon at hindi pag-aasawa nang higit sa isa, hindi ko binabalewala ang mga patotoo at marangal na pagsunod ng ating mga espirituwal na ninuno na nagsagawa ng alituntuning ito. Naging masunurin sila, at nagkaroon sila ng patotoo na tama ito.

Mga Templo at mga Tipan

Moses, Elias, and Elijah appearing in Kirtland Temple

Itaas: Kirtland Temple, ni Al Rounds; kanan: Moises, Elias at Elijah, ni Gary Ernest Smith

Sa Kirtland, Ohio, isa sa mga kahanga-hangang bagay na nangyari ay ang pagtatayo at paglalaan ng Kirtland Temple. Ang panalangin ng paglalaan, na natanggap ni Joseph sa pamamagitan ng paghahayag, ay matatagpuan sa ika-109 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Sa panalanging iyon, hiniling niya sa Panginoon na tanggapin ang mga gawa at sakripisyo ng mga Banal sa pagtatayo ng templo.

Isang linggo matapos ang paglalaan ng templo, nagkaroon ng isa pang pangitain sina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Nangyari iyon noong Pasko ng Pagkabuhay, na araw din ng Paskua. Dumating ang Panginoon sa pamamagitan ng pangitain at tinanggap Niya ang bahay na ito. Sinabi Niya sa mga Banal na dapat silang magsaya dahil “sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan” (Doktrina at mga Tipan 110:6). Nang matapos ang pangitaing iyon, nagpakita ang tatlong sinaunang propeta: si Moises, na nagpanumbalik ng mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo; si Elias, na ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham; at si Elijah, na nagpanumbalik ng mga susi ng kapangyarihan ng pagbubuklod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).

Ang pagpapanumbalik ng mga susing iyon ay napakahalaga sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Panginoon. Hindi lamang ang Aklat ni Mormon ang kinailangan natin kundi pati ang mga susing iyon at ang mga ordenansang iyon sa templo. Ang mga susing iyon ay higit pang mahalaga ngayon kaysa noon.

Napansin ko na kapag tinawag ang isa sa Labindalawang Apostol bilang propeta, ang kanyang puso ay mas natutuon sa mga ordenansa sa templo. Nagkaroon ako ng pribilehiyong makadalo sa paglalaan ng Nauvoo Illinois Temple kasama si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008). Naaalala ko kung gaano siya naantig nang maitayo ang templong iyon at kung gaano kahalaga para sa kanya na ilapit ang mga templo sa mga Banal. Ipinagpatuloy ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang pagtatayo ng mga templo at nakatanggap siya ng gayunding inspirasyon mula sa langit tulad ni Pangulong Hinckley. At nakita natin ang inspirasyong iyon sa kagila-gilalas na paraan kay Pangulong Russell M. Nelson. Dumating sa kanya ang balabal ng propeta, at nadagdagan ang kamalayan niya sa kahalagahan ng mga ordenansa sa templo.

Isa sa kanyang mga unang mensahe bilang Pangulo ng Simbahan ay hikayatin ang mga tao na pumunta sa templo, tumanggap ng mga ordenansa, at manatili sa landas ng tipan. Ilang sandali lang pagkatapos niyon, sinabi niya na kung sa anumang dahilan ay nalihis kayo mula sa landas ng tipan, bumalik kayo sa landas na iyon.3

Paano pinagpala ng gawain sa templo ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw?

Ni Matt Grow

Nang mamatay si Joseph Smith, ang mga dingding ng Nauvoo Temple ay halos hindi pa nangangalahati, at kalaunan ay naging malinaw kay Pangulong Brigham Young (1801–77) na muling ipagtatabuyan ang mga Banal. Kaya itinanong niya sa Panginoon: “Dapat po bang manatili kami rito at tapusin namin ang templo, gayong alam namin na kakailanganin namin itong iwanan sa sandaling matapos ito, o dapat po bang umalis na kami ngayon?” Malinaw na dumating ang sagot, “Manatili” (tingnan sa Brigham Young diary, Ene. 24, 1845, Church Archives; Ronald K. Esplin, “Fire in His Bones,” Ensign, Mar. 1993, 46). Ang mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod ay napakahalaga kaya kinailangang manatili ng mga Banal.

Kaya noong sumunod na taon, ibinuhos nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa pagtatayo ng templo. Sa bandang huli, sinunog ang kanilang mga tahanan sa Nauvoo, at naghanda na ang mga Banal na maglakbay pakanluran habang tinatapos nila ang templo. Noong Disyembre 1845, sapat na ang naitayo sa templo kaya maaari nang ilaan ng mga Banal ang bahagi nito, mabigyan ng endowment ang mga taong karapat-dapat, at maibuklod ang mag-asawa sa isa’t isa.

Nang sumunod na ilang buwan, maghapon at magdamag silang gumawa para espirituwal na maihanda ang lahat sa malaking paglalakbay pakanluran. Para sa akin, malalim at sagrado na nabuklod ako ng kapangyarihan ding iyon sa aking asawa, mga anak, mga magulang, at sa mga henerasyong lumipas na at parating pa lang. Naging posible iyon dahil sa Pagpapanumbalik.

Maaari ba kayong magbahagi ng isang pangyayari sa Pagpapanumbalik na nagpalakas sa inyong patotoo?

Ni Kate Holbrook

woman crossing frozen river with children

Kaliwa: paglalarawan ni David Green

Naaalala ko ang kuwento nang subukang takasan ni Emma ang pang-uusig sa Missouri. Hindi pa lubusang nagyeyelo ang Ilog Mississippi—hindi pa sapat para makadaan ang isang bagon na may sakay na mga tao at ari-arian. Malawak ang ilog, at mapanganib itong tawirin. Nakahawak sa magkabilang gilid ng palda ni Emma ang isang anim na taong gulang na bata at isang walong taong gulang na bata habang may karga siyang dalawang taong gulang na bata at isang sanggol sa kanyang magkabilang bisig.

Ipinagtahi siya ng hipag ng isa sa mga tagasulat ni Joseph ng mga algodon na supot na maaaring ibutones paikot sa baywang. Sa mga supot na iyon sa ilalim ng kanyang palda, inilagay ni Emma ang nag-iisang kopya ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, na ilang buwan niyang pinaghirapang gawin. Dala-dala ang mga dokumento at ang kanyang mga anak, tumawid siya nang paisa-isang hakbang sa nagyeyelong ilog na iyon, sa pag-asang hindi siya mahuhulog kung sakaling magbitak ito.

Para sa akin, iyon ang pinakadakilang tanda ng katapangan at pananampalataya—na kapag kailangan ninyong gawin ang isang bagay alang-alang sa pinaniniwalaan ninyo, sumulong lang kayo nang paisa-isang hakbang.

pioneer scenes

Itaas: PAGLALARAWAN NI DAN BURR; Himala sa Quincy, ni Julie Rogers; Si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty, ni Greg K. Olsen

“Laksan Ninyo ang Inyong Loob”

Marami sa inyo ang may mga pagsubok at paghihirap. Dumarating ang ilan sa mga iyon dahil mayroong kalayaang pumili. Dumarating ang ilan sa mga iyon dahil mayroong kaaway. Ngunit kailangan ninyong malaman na mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit at na mapagpapala tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa mga paraan na marahil hindi natin lubusang nauunawaan.

Sinasabi ng ilang mananalaysay na ang bilang ng mga Banal na tumakas mula sa Missouri hanggang sa Nauvoo noong taglamig ng 1838–39 ay aabot sa 8,000. Taglamig iyon. Nasaan si Joseph? Siya ay nasa Piitan ng Liberty, naghihinagpis dahil sa mga dinaranas ng mga Banal. Pakiramdam niya ay pinabayaan na siya.

Sa mapanganib na sitwasyong iyon, natanggap niya ang ilan sa pinakamagagandang banal na kasulatan—mga bahagi 121, 122, at 123 ng Doktrina at mga Tipan. Napakahalaga ng mga ito. Sana ay basahin ninyo ang mga ito. Ang Mga Banal ay may maikling salaysay tungkol sa pangyayaring ito:

“Nagsumamo si Joseph alang-alang sa mga inosenteng banal. ‘Oh Panginoon,’ sabi niya, ‘hanggang kailan sila magdurusa sa mga kaapihang ito at hindi makatarungang kalupitan, bago ang inyong puso ay lumambot para sa kanila?’

“‘Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa,’ sagot ng Panginoon. ‘Ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.’

“Tiniyak ng Panginoon kay Joseph na hindi siya nakakalimutan. ‘Kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo,’ sinabi ng Panginoon kay Joseph, ‘alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.’

“Ipinaalala ng Tagapagligtas kay Joseph na hindi magdurusa ang mga Banal nang higit sa Kanyang dinanas. Sila ay mahal Niya at kaya Niyang wakasan ang kanilang pasakit, subalit sa halip ay pinili Niya na magdusang kasama nila, dinadala ang kanilang mga dalamhati at kalungkutan bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang ganitong paghihirap ang nagpuno sa Kanya ng awa, nagbibigay sa Kanya ng kapangyarihan na sumaklolo at dalisayin ang lahat ng babaling sa Kanya sa kanilang mga pagsubok. Hinimok Niya si Joseph na maging matatag at ipinangakong hindi Niya ito tatalikdan.”

Inakala ni Elder Heber C. Kimball (1801–68) na palalayain si Joseph ng mga hukom ng Korte Suprema sa Missouri, ngunit nagdesisyon ang mga ito na huwag siyang palayain. Bumalik si Heber sa Piitan ng Liberty at, dahil hindi pinayagang pumasok sa loob ng piitan, kinailangan niyang isigaw ang masamang balita kay Joseph.

Masigla si Joseph at binati siya nito. “Laksan ninyo ang inyong loob,” sabi niya. Pagkatapos ay inutusan niya si Heber na “paalisin nang mabilis ang lahat ng mga Banal hangga’t maaari.”4

Mayroong aral para sa inyo roon: lakasan ninyo ang inyong loob anuman ang inyong mga hamon. Kung mayroong mga bagay na nakakatukso sa inyo, lumayo kayo sa mga ito. Umasa sa Espiritu Santo. Ang halimbawa ni Joseph sa Piitan ng Liberty at ng mga Banal na tumakas mula sa Missouri papuntang Nauvoo ay magagandang halimbawa ng kalakasan at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Bilang isang Apostol, pinatototohanan ko si Jesucristo. Ako ay tunay na saksi sa Kanyang kabanalan. Gusto kong malaman ninyo na ginagabayan at pinamamahaaan Niya ang Simbahang ito sa paraang magpapala sa ating lahat. Pinatototohanan ko sa inyo na Siya ay buhay.

Para mapanood ang buong debosyonal, pumunta sa devotionals.ChurchofJesusChrist.org.

Mga Tala

  1. Ang mga mapagkukunang ito ay matatagpuan sa history.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Tingnan sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball (1945), 327.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7.

  4. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan: 1815–1846 (2018), 445–46; saints.ChurchofJesusChrist.org.