Paglalarawan sa mga Pioneer sa India
Nabago ng pakikipagkilala sa matatagal nang miyembro ng Simbahan sa India ang aking pananaw tungkol sa mga pioneer.
“Kapag naiisip ko ang mga pioneer,” sabi nga sa awitin sa Primary, “naiisip ko ang matatapang na babae’t lalaki.”1 Ang mga kuwento ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw na gumawa ng mga bagay na hindi pa nagawa ng iba ay matagal nang nagbibigay-inspirasyon sa akin. Bilang isang bata pang ina, ang mga kuwento ng kababaihang pioneer ay nagpaalala sa akin ng aking mga pagpapala sa mga huling araw. Maaari akong manganak sa isang ospital sa halip na sa isang kariton!
Ang kahulugan ng pioneer bilang “isang taong nauna upang ihanda o buksan ang daang susundan ng iba”2 ay naglalarawan sa mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw na bahagi ng mga grupo ng mga bagon at kariton na nagtitipon sa Sion. Pero inilalarawan din nito ang mga makabagong pioneer at ang matatapat na desisyong ginawa nila sa iba’t ibang panig ng mundo.
Noong ang aking limang anak ay pumapasok na sa paaralan, nagsimula akong mag-aral ng graduate studies tungkol sa kasaysayan ng relihiyon. Pinili kong saliksikin Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa India bilang paksa para sa aking PhD dissertation. Nabago ng pagsasaliksik ko sa India ang aking pananaw tungkol sa mga pioneer.
Mga Haligi ng Simbahan
Maraming taon na ang nakararaan, bilang isang bata pang estudyante sa kolehiyo noong 1986, naglakbay ako sa Timog Asya kasama ang Brigham Young University Young Ambassadors. Ang karanasang iyon na nagpabago sa aking buhay ay kinabilangan ng paggugol ng isang araw sa Calcutta (na tinatawag ngayong Kolkata) kasama si Mother Teresa. Nakakatuwa ring makilala ang mga Banal sa mga Huling Araw na mga makabagong pioneer sa India at Sri Lanka.
Isa sa mga miyembrong ito si Raj Kumar, na natagpuan ang Simbahan nang dumalo siya sa isang pagtatanghal ng BYU Young Ambassadors noong 1982. Nang makilala namin siya, kababalik lang niya mula sa kanyang misyon sa Fresno, California, USA. Suot pa rin niya ang kanyang missionary name tag at patuloy siyang nagturo sa sinuman sa Delhi na handang makinig. Si Raj ay isa sa tinatayang 600 mga miyembro sa India noong panahong iyon, ngunit para sa akin, tila siya lang ang tanging Banal sa mga Huling Araw sa daan-daang milyong tao.
Nabigyang-inspirasyon ako ng halimbawa ni Raj Kumar nang piliin kong magmisyon. Tapat ding ginawa ni Raj ang mga bagay na hindi pa nagawa ng iba para sa ilan sa mga unang katutubong Indian missionary na naglingkod sa bansa. Nakatanggap si Suvarna Katuka at ang kanyang mga kapwa missionary ng kaunting missionary training sa Chennai. Inatasan si Raj ng kanilang mission president, na nakadestino sa Singapore, na bigyan sila ng karagdagang training sa Delhi.
Naaalala ni Suvarna Katuka kung paano nagbago ang kanilang gawaing misyonero dahil sa halimbawa at training na ibinigay ni Raj Kumar. Nagawa nilang palitan ng higit na pananampalataya at katapangan ang kanilang mga takot at pangamba. Ipinaliwanag ni Suvarna, “Sa palagay ko, noon nagsimula ang aking tunay na pagbabalik-loob. Nadama ko ang Espiritu Santo, at noon ako nagpasiyang tumulong na itatag ang kaharian dito sa India.”3
Sumapi si Suvarna sa Simbahan sa Rajahmundry. Siya, kasama ang limang kapatid na lalaki at isang kapatid na babae, ay nabinyagan noong 1984. Sa araw ng kanyang binyag, si Suvarna ay naorden bilang priest at itinalaga bilang pangalawang tagapayo sa branch presidency. Pinangakuan din siya sa isang basbas na kung mananatili siyang tapat, siya ay magiging isang “haligi ng Simbahan sa India.”
Nagmisyon din ang kapatid na babae ni Suvarna na si Sarala. Bago siya umalis, itinuro niya ang ebanghelyo sa kanyang kaibigan na si Swarupa. Pagbalik ni Suvarna mula sa kanyang misyon, siya ay pinagpala ng gawaing misyonero ng kanyang kapatid na babae at ikinasal kay Swarupa. Ang maliit na branch na iyon sa Rajahmundry ay isa na ngayong stake. Maraming returned missionary mula sa Rajahmundry ang naging mga lider ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng India.
Nakilala ko ang mga anak nina Suvarna at Swarupa Katuka habang nagtuturo ako sa BYU noong 2014. Katatapos lang magmisyon ni Josh Katuka sa Bangalore, India at katatanggap lang ng kanyang kapatid na babae na si Timnah ng tawag sa mission ding iyon. Nang tanungin ko sina Timnah at Josh kung kilala nila si Raj Kumar, sabi nila, “Opo, tito namin siya!” Pinakasalan ni Raj Kumar si Sarala.
Nagpapasalamat ako sa mga Katuka sa pagpapakilala sa akin sa iba pang mga pioneer habang tinutulungan nila akong maglakbay sa India. Nakilala ng marami sa kanila ang Simbahan dahil sa pagmamahal at halimbawa ng pamilya Katuka. Minsan, nagkaroon ng pagkakataon sina Suvarna at Swarupa na lumipat sa Canada. Ngunit hindi nila iyon tinanggap dahil nadama nila na kailangan ng Panginoon na manatili sila sa India para itatag ang kaharian ng Diyos doon. Dahil sa kanilang tapat na paglilingkod, sila ay naging mga haligi ng Simbahan.
Mga Miyembrong Pioneer sa Bengaluru at Hyderabad
Noong huling kalahati ng ika-20 siglo, naitatag ang Simbahan sa iba’t ibang lungsod sa India sa pamamagitan ng mga miyembrong pioneer.4 Bawat kuwento ay nagpapatotoo kung paano inaakay ng Panginoon ang mga tao sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Si Michael Anthoney, isang miyembrong pioneer sa Bangalore (na tinatawag ngayong Bengaluru), ay mahimalang nagkaroon ng ugnayan sa isang miyembro ng Simbahan noong 1970. Nang magpunta si Delwin Pond, isang bishop sa Utah, sa isang chiropractor dahil sa pananakit ng likod, nakita niya sa tanggapan ng chiropractor ang isang artikulo sa magasin tungkol sa isang hindi pangkalakal na organisasyon na sumusuporta sa mga estudyante sa India. Nakadama siya ng malakas na pahiwatig na suportahan ang isa sa mga estudyanteng ito. Humantong ito sa 10 taon na pagsusulatan ng dalawang taong hindi magkakilala na nagtapos sa pakikipag-ugnayan ng mga Pond kay Michael at pagbabahagi nila ng ebanghelyo sa kanya. Nabinyagan si Michael noong 1981 at nagmisyon siya sa Salt Lake City noong 1982. Umuwi siya nang maaga dahil malubha ang sakit ng kanyang ina, kaya sa huling tatlong buwan ng kanyang misyon, naglingkod siya sa Bangalore, kung saan tinuruan niya ang ilan sa kanyang mga kaibigan at ang iba pa na naging mga miyembro ng unang branch doon.5 Ngayon, may mga plano nang magtayo ng templo sa Bengaluru.
Sina Elsie at Edwin Dharmaraju ay sumapi sa Simbahan sa Samoa at pinauwi ni Pangulong Spencer W. Kimball sa kanilang tahanan sa Hyderabad bilang mga missionary sa kanilang pamilya. Noong 1978, 22 sa mga kapamilya nina Elsie at Edwin ang nabinyagan, at dito nagsimulang maorganisa ang unang stake sa bansa sa Hyderabad noong 2012.6
Inilalarawan ngayon ng mga miyembro ng Hyderabad Stake ang kanilang mga sarili bilang mga pioneer sa mga huling araw. Ginugunita sa mga pagdiriwang ng Araw ng Pioneer sa kanilang stake ang paglalakbay ng mga naunang pioneer pati na rin ang mga paglalakbay ng mga makabagong pioneer. Kasama sa kanilang mga pagdiriwang ang square dancing, commemorative hiking, at maging ang pagsakay sa mga kariton.
Sa kanilang pagdiriwang ng Araw ng Pioneer noong 2014, naglagay sila ng mga bloke ng yelo sa isang hilera sa likod ng Simbahan at inanyayahan nila ang mga miyembro na hubarin ang kanilang mga sapatos at maglakad patawid sa yelo habang iniisip kung paano tumawid ang mga naunang pioneer sa mga nagyeyelong ilog. Sa pagtatapos ng kanilang pagdiriwang, hinikayat ang mga miyembro ng Hyderabad stake na alalahanin ang diwa ng mga naunang pioneer at na “lahat sila ay mga pioneer sa kanilang mga pamilya.”7
Nakinig din sila sa mensahe ni John Santosh Murala, na noon ay naglilingkod sa mission presidency, kung paano napunta ang kanyang Tita Elsie at Tito Edwin Dharmaraju sa Hyderabad para ituro ang ebanghelyo sa kanilang pamilya. Si John ang pinakabata sa 22 mga miyembrong pioneer na nabinyagan noong 1978.
Nang bumisita ako sa Hyderabad noong 2014, ibinahagi sa akin si John Murala ang kanyang kuwento at ang karamihan sa kasaysayan ng Simbahan na masigasig niyang tinipon. Ipinakilala niya rin ako sa kanyang asawa na si Annapurna, na nagbahagi sa akin ng isa sa pinakamagagandang kuwento tungkol sa mga pioneer na narinig ko.
Si Annapurna ay 12 taong gulang nang ituro ng dalawang missionary ang ebanghelyo sa kanyang kapatid na si Murthy sa Hyderabad noong 1991. Hindi siya pinayagan ng kanyang mga magulang na makinig sa mga missionary o magsimba. Gayunman, binigyan siya ni Murthy ng Aklat ni Mormon at ng patuloy na supply ng mga babasahin ng Simbahan para basahin niya. Sa loob ng pitong taon, mag-isang pinag-aralan ni Annapurna ang ebanghelyo at nagkaroon siya ng malakas na patotoo sa katotohanan nito. Pinangarap niyang mabinyagan, magmisyon, at makasal sa templo ngunit hindi siya pinayagan ng kanyang mga magulang.
Naharap si Annapurna sa isang mahirap na desisyon nang ipakilala siya kay John Murala. Nanatiling matatag si John sa kanyang patotoo mula nang binyagan siya noong 1978 at naghanap siya ng mapapangasawang miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ng isang napakaikling pagkikita kung saan nagpatotoo si Annapurna tungkol sa ebanghelyo, nakumbinsi si John na nakilala na niya ang mapapangasawa niya. Alam ni Annapurna na kung pakakasalan niya si John, mabibinyagan siya at balang-araw ay mabubuklod sila sa templo. Gayunman, halos kasabay nito, nagpaplano ang mga magulang ni Annapurna na ipakasal siya sa iba.
Pinili ni Annapurna ang mahirap na desisyong lumisan sa kanilang tahanan at magpakasal kay John. Nadama niya na iyon lang ang tanging paraan para makasapi siya sa Simbahan. Sabi niya “napakasakit” para sa kanya na iwanan ang kanyang mga magulang. Ngunit hanggang ngayon ay pinagtitibay niya, “Para sa kaligtasan ng lahat, … para sa aking mga inapo at para sa aking mga magulang at sa kanilang mga ninuno, para magawa ang gawain sa templo para sa kanila, kinailangan kong gawin iyon.”8
Nagpapasalamat sina John at Annapurna na natanggap na ng mga magulang ni Annapurna ang kanilang pagsasama. Maraming miyembro sa India ang nagsakripisyo, tulad ng mga naunang pioneer, para maging miyembro ng Simbahan. Subalit ang mga Banal na ito ay nagpatuloy sa paglalakad nang may pananampalataya dahil nakikita nila ang kanilang mga sarili bilang mga pioneer at tagaugnay ng kanilang mga pamilya sa magkabilang panig ng tabing. Pinahahalagahan ko ang maraming kuwento ng pananampalataya, sakripisyo, at katapangan na narinig ko mula sa mga miyembro na gumagawa ng mga bagay na hindi pa nagawa ng iba sa mga bagong hangganan ng ebanghelyo. Naiisip ko pa rin ang mga pioneer na humihila ng mga kariton at tumatawid sa mga nagyeyelong ilog, ngunit ngayon ay kaya ko nang ilarawan ang mga makabagong pioneer sa India at sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa huli, ang lahat ng matatapat na pagpiling hindi pa nagawa ng iba ay ginawa bilang pagsunod sa mga yapak ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa Bagong Tipan, si Cristo ay tinatawag na “siyang may gawa ng [ating] kaligtasan” (tingnan sa Hebrews 2:10, New Revised Standard Version). Naihanda na ni Jesucristo ang daan para makabalik tayo sa ating tahanan sa langit. Sinusundan ng mga tunay na pioneer si Cristo at itinuturo tayo sa Kanya, na namumuno sa kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain na ito sa mga huling araw.