Ang Bahaging para sa Atin
Paulit-ulit na Pahiwatig
Isang araw habang gumagawa ng gawaing misyonero sa mga maalikabok na kalye ng Kenya, kinausap namin ng kompanyon ko ang isang babae. Tinanggap niya ang polyeto na ibinigay namin sa kanya ngunit sinabihan niya kami na huwag nang bumalik.
Makalipas ang ilang araw, naparoon na naman kami sa kalyeng iyon, at nakadama kami ng pahiwatig na kumustahin siya. Tinanong ko ang aking sarili, “Bakit kami babalik gayong sinabihan na niya kami na huwag bumalik?” Ngunit sinunod namin ang pahiwatig.
Nagulat siya nang makarating kami roon pero sinabi niya na masaya siyang makita kami. Nagsimula kaming magturo ng lesson, pero maya-maya pa ay nauwi ito sa pagtatalo. Tinapos namin ng kompanyon ko ang lesson sa isang panalangin at umalis na, kaagad na nagkasundo na huwag nang magbalik. Pero nang sumunod na araw, muli kaming nagkaroon ng malakas na pahiwatig na bumalik. Ayaw ko nang bumalik, ngunit sinabi ng aking kompanyon na dapat kaming makinig sa Espiritu. Kaya hindi na ako nagmatigas, at bumalik kami. Pagdating namin doon, nagulat ako. Parang nag-iba ang babae. Nagbago ang anyo ng kanyang mukha; at handa na siyang makinig sa sasabihin namin. Sa sumunod na pagbisita namin, itinanong niya kung kailan siya maaaring mabinyagan.
Apat na linggo kalaunan, nabinyagan siya bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Matapos ang kanyang kumpirmasyon, niyakap niya kami at sinabi niya na talagang nagpapasalamat siya na bumalik kami. Natutuhan ko na dapat palagi tayong makinig at kumilos ayon sa mga pahiwatig. Talagang inihahanda ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak para matanggap ang ebanghelyo, at ginagamit Niya tayong lahat para mahanap sila sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Leaha M., KwaZulu-Natal, South Africa
Kailan Ako Maaaring Sumapi sa Simbahan?
Noong mga limang taong gulang ako, nawalan ng pananampalataya ang aking ama at nagpasiya siya na lisanin ang Simbahan. Talagang napakahirap niyon, lalo na noong walong taong gulang na ako. Gustung-gusto ko nang mabinyagan, pero hindi pumayag ang aking ama. Gusto niyang maghintay ako hanggang sa tumanda na ako nang kaunti para makasigurado ako na gusto ko talagang magpabinyag. Kaya nanood na lang ako habang isa-isang nabinyagan ang aking mga kaibigan.
Naaalala ko na nalito ako—kung totoo ang Simbahan, bakit pinipigilan akong magpabinyag? Noong tinedyer ako, napakahirap makitang nagpupunta sa templo ang lahat ng kabataan dahil gustung-gusto ko ring makapunta roon. Mahirap na hindi ko magawang makibahagi, pero alam ko na magkakaroon din ako ng pagkakataon!
Noong Mayo 2019, nabinyagan din ako sa wakas sa edad na 16. Naalala ko ang maraming pagkakataon na nadama ko ang dalisay na kagalakan ng ebanghelyo at nagkaroon ako ng patotoo. Iyon ay isang napakaespesyal na karanasan, at sa lahat ng pagsubok na naranasan ko bago dumating ang araw na iyon, alam ko nang buong puso na totoo ang ebanghelyo noon pa man.
Trinity C., Colorado, USA
Ang Dahilan para sa mga Patakaran
Sabik na sabik akong makasama sa youth conference, pero nalaman ko na napakaraming patakaran—halimbawa, bawal gumamit ng telepono at bawal lumabas nang walang kasama. Tila palagi na lang kaming minamanmanan ng matatanda. Pero nasiyahan ako, nagkaroon ako ng maraming kaibigan, nakatulong ako sa isang proyekto sa paglilingkod, at natuto ako tungkol sa ebanghelyo.
Sa isang pulong ng patotoo noong huling araw ng youth conference, nagsalita ang isa sa mga lider tungkol sa kung gaano niya kamahal ang mga kabataan sa stake.
Kung mahal mo kami, bakit napakaraming ipinagbabawal sa amin dito? naisip ko. Nang sandali ring iyon, tila ba nababasa niya ang iniisip ko, sinagot niya ang aking tanong.
Ang mga lider ay naglalagay ng mga patakaran, sabi niya, hindi para inisin tayo kundi para sa ating kaligtasan. Nang sandaling sabihin niya iyon, naantig ako ng Espiritu. Naunawaan ko na binibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan para sa gayunding dahilan. Hindi ibinigay ang mga ito para inisin tayo; ibinigay ang mga ito para tulungan tayong makabalik sa Kanya nang ligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:2–9).
Ang Espiritu Santo ay nagbigay-inspirasyon sa akin at tumulong sa akin na malaman na totoo ito.
Serge P., Île-de-France, France