Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Aklat ni Mormon
Paano Natin Mapaglalabanan ang mga Maling Turo?
Hulyo 6–12
Si Korihor ay isang anticristo na nangaral “laban sa mga propesiyang sinabi ng mga propeta, hinggil sa pagparito ni Cristo” (Alma 30:6). Nangaral siya ng iba pang mga kasinungalingan at inakay niya “palayo ang puso ng marami” (Alma 30:18).
Bagama’t nangyari ito mahigit 2,000 taon na ang nakararaan, maraming tao ngayon ang nangangaral ng gayong mga bagay. Ano ang magagawa natin upang mapatibay ang ating mga sarili laban sa mga maling turo sa ating panahon?
Maaari Tayong Magkaroon ng Sarili Nating Patotoo
Itinuro ni Korihor sa mga tao na “hindi magkakaroon ng isang Cristo” at “[walang] pagbabayad-sala,” at itinatwa niya na may Diyos (tingnan sa Alma 30:12, 17, 28).
Paano natin malalaman na buhay ang Diyos at si Jesucristo? Anong mga banal na kasulatan at personal na karanasan ang nagpalakas sa iyong patotoo tungkol sa Kanila?
Makakaasa Tayo sa Paghahayag
Itinatwa ni Korihor ang diwa ng propesiya at paghahayag. Sinubukan niyang papaniwalain ang mga tao na “walang taong makaaalam ng ano mang bagay na darating” at “hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita” (Alma 30:13, 15).
Makakaasa tayo sa mga propeta at Apostol na matatanggap nila ang salita ng Diyos para sa ating panahon. Paano ka napoprotektahan ng pagsunod sa propeta laban sa mga maling turo?
Maaari Nating Alalahanin na ang Katotohanan ay Katotohanan
Sinabi ni Korihor sa mga tao na walang paraan para malaman nila kung ano ang totoo (tingnan sa Alma 30:24), ngunit itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “May ilang bagay na sadyang totoo. …
“… Ang katotohanan ay batay sa mga batas na itinakda ng Diyos. … Ang mga batas na pangwalang-hanggan ay umiiral at nakakaapekto sa ating buhay, naniniwala man tayo sa mga ito o hindi” (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], speeches.byu.edu). Paano natin matutuklasan ang mga katotohanan ng Diyos, at paano nito mapagpapala ang ating mga buhay?