Mga Young Adult
Pagharap sa Walang-Katiyakang Kinabukasan nang May Pananampalataya
Mahilig akong magplano. Gusto kong malaman kung ano ang aasahan sa araw-araw, upang maging handa ako para doon. Pero paano ako maghahanda para sa hinaharap gayong ito ay napakalayo pa at walang-katiyakan?
Napakahaba ng buhay. Napakaraming naghihintay sa hinaharap! Napakaraming maaaring mangyari! Napakarami kong magagawa! Kung minsan nakakalula ang mga posibilidad.
Marami akong gusto: makapag-asawa, magkaroon ng magandang trabaho, mangibang-bansa, magmay-ari ng isang pusa, magsulat ng isang nobela, matuto ng wikang Ruso … Pero alam ko rin na nagbabago ang mga hangarin at mithiin. Nagbabago ang mga prayoridad.
Ang isang prayoridad na hindi dapat magbago ay ang ating katapatan sa Diyos at sa Kanyang plano. Sa tulong ng Kanyang plano, makakapaglakbay tayo sa isang hinaharap na puno ng mga tanong dahil tutulungan Niya tayong mahanap ang mga sagot, nang paisa-isang hakbang. Kailangan lang nating gawin ang pinakamainam na pagpiling magagawa natin sa bawat hakbang.
Sa bahaging ito, ibinahagi ng mga young adult ang kanilang mga personal na karanasan kung paano sila nagpaplano para sa kanilang hinaharap sa tulong ng Ama sa Langit at kung paano sila sumusulong nang may pananampalataya kapag nahaharap sa napakaraming kawalang-katiyakan.
Pagdating sa hinaharap, napakaraming tanong, ngunit ang ibig lang sabihin niyon ay napakaraming potensyal. May potensyal din tayo—banal na potensyal na maging katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
At dahil doon ay maluwalhati ang ating hinaharap.
Meg Yost