Noong Nadama Ko na Nalinlang Ako Tungkol sa Simbahan
Kung bakit ako umalis. At kung bakit ako bumalik.
Ilang taon na ang nakararaan, sinubaybayan ko sa social media ang pag-uusap ng dalawa sa mga dati kong kompanyon sa misyon. Minahal at iginalang ko ang mga lalaking ito.
Pinag-uusapan nila ang kanilang mga tanong tungkol sa Simbahan at sa doktrina nito. Kalaunan ay naging malinaw na pareho silang tumalikod sa Simbahan. Nagulat at nabahala ako dahil dito. Noon ko lang narinig ang ilan sa mga bagay na pinag-uusapan nila. Nadama ko na parang kailangan kong malaman kung totoo ang mga bagay na ito. Kaya sinimulan kong pag-aralan ang mga pangangatwiran ng mga taong may mga alalahanin tungkol sa Simbahan.
Ang ilan sa mga bagay na nabasa ko sa loob ng sumunod na dalawang taon ay nag-udyok sa akin na pagdudahan ang lahat ng tungkol sa Simbahan. Ang ilang nakakaranas nito ay nalulungkot. Nagdadalamhati sila sa pagkawala ng kanilang pananampalataya. Nagalit ako. Nadama ko na nalinlang ako ng Simbahan. Hindi ko na sigurado kung ano ang totoo o kung sino ang maaari kong pagkatiwalaan.
Nahirapan akong magsimba. Hiniling kong ma-release ako mula sa aking tungkulin. Naapektuhan ang pagsasama namin ng aking asawang si Cheri at maging ang aking pamilya. Patuloy akong nagsimba pero pakitang-tao lang iyon para mapanatiling buo ang aking pamilya. Magulo ang aking buhay. Hindi ko madama ang Espiritu at nagduda ako kung nadama ko na nga ba talaga ang Espiritu Santo o hindi.
Nang papaalis na ang aking panganay na anak na si Kayson patungo sa kanyang misyon, ginawa kong mapanglaw ang dapat sana’y napakasayang okasyong iyon. Pagkaraan ng dalawang taon, alam na ng karamihan sa aking mga kapamilya kung ano ang pinagdaraanan ko. Nang magpunta silang lahat sa templo para sa unang pagpasok ni Kayson, wala ako roon.
Sa lahat ng ito, pakiramdam ko ay talagang nag-iisa ako.
Suporta sa Buong Paligid Ko
Isang araw, nagtipun-tipon ang aking mga kapatid para kausapin ako tungkol sa pinagdaraanan ko. Sa totoo lang, hindi ko na maalala kung ano ang sinabi nila, pero alam kong ginawa nila iyon dahil mahal nila ako. Nang mag-usap-usap kami, unti-unti kong natanto kung ano ang nawawala sa akin. Ito ang naghikayat sa akin na magbago. Ako dapat ang nag-orden kay Kayson bilang elder. Ako dapat ang sumama sa kanya sa pagpasok sa templo. Ako dapat ang nagbigay sa kanya ng basbas ng isang ama bago siya umalis. Ako dapat ang naroon sa pinakamahahalagang pangyayaring iyon sa kanyang buhay, hindi ibang tao. Naaalala kong itinanong ko sa aking sarili, “Ano ang ginagawa ko?”
Hindi nagtagal, nabigyang-inspirasyon ang isang mabuting kaibigan na ipakilala ako sa isang miyembro ng kanyang stake presidency. Nakinig nang mabuti ang mabait na lalaking ito sa aking kuwento at tila alam na niya kung ano ang sasabihin ko bago ko pa iyon masabi. Matagal kaming nag-usap. Ang aking kuwento, ang aking mga tanong, at ang pangangatwirang nalantad sa akin ay katulad na katulad ng naibahagi ng iba sa kanya. Unti-unti kong natanto na may mga makatwirang sagot para sa karamihan ng aking mga alalahanin at na karamihan ng aking mga tanong, bagama’t taimtim, ay sadyang itanim ng mga taong gustong manira ng pananampalataya.
Nalutas ba kaagad ang lahat ng aking mga tanong at alalahanin? Siyempre hindi. Pero lumambot ang puso ko kaya natanto ko ang isang dakilang katotohanan: hindi masamang magtanong, pero mas mahalaga ang ilang tanong kaysa sa iba.1 Sulit bang mawala ang aking pamilya at katayuan sa harap ng Diyos dahil lang sa ilang tanong na hindi nasagot? Nang pagtuunan ko muna ang pinakamahahalagang tanong at unahin ko ang Diyos sa aking buhay, unti-unti kong nahanap ang mga sagot na nagbigay ng katiyakan sa akin na pabalik na ako sa tamang landas.
Tinulungan din ako ng aking stake president at bishop. Naging malaking tulong sila sa amin ni Cheri sa mahihirap na sandaling iyon. Hindi sila sumuko kailanman. Sila at ang aking pamilya sa magkabilang panig ng tabing ay naging mahalagang kasangkapan sa pagtulong sa akin. Alam ko na kilala at mahal tayo ng Ama sa Langit. Naglalagay Siya ng mga tao sa ating landas kapag kailangan natin sila. Kailangan lang nating maging handa na tanggapin ang kanilang tulong.
Ano ang Gagawin Kung Ikaw Iyon
Alam ko na may iba pang tao sa mundo na maaaring ganito rin ang pinagdaraanan. Maaaring ikaw iyon o isang taong kakilala mo.
Alam ko na itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan na may awtoridad na ibigay ang mga ordenansa at tipang kailangan natin para makabalik sa Kanya. Hindi tumitigil si Satanas sa paninira sa Simbahan ng Panginoon gamit ang anumang posibleng paraan. Madaling mag-udyok ng pagtatanong at pag-aalinlangan. Maaaring mahulog ang sinuman sa mga patibong ni Satanas. Mas madaling umasa sa impormasyon at mga sagot na ibinibigay ng iba kaysa magsikap na tuklasin ang katotohanan para sa ating mga sarili “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ngunit sa huli, iyon ang hinihingi ng Diyos.
Kung nakikibaka ka sa mga tanong o pag-aalinlangan tungkol sa Simbahan o sa iyong pananampalataya, hindi mo mahahanap ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga blog o pakikinig ng mga podcast mula sa mga taong hindi sang-ayon sa Simbahan o tumalikod dito. Ngunit hindi ka rin siguro masisiyahan sa mabababaw na sagot, at maaaring hindi mo magustuhan ang mungkahi na “hintaying masagot ang iyong mga tanong sa takdang panahon.”
Nalaman ko na hindi maaaring palagi tayong nakaasa sa kaalaman at patotoo ng iba, kundi sa halip ay kailangan nating bumaling sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng liwanag at katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:26). Kailangan nating pag-aralan ito sa ating isipan, ngunit kailangan din nating itanong sa Diyos kung tama ang ating iniisip (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:8). Kailangan nating matuto para sa ating sarili, tulad ng ginawa ni Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:20), at magtiyaga sa ating paghahanap (tingnan sa Alma 32:41). Ngunit para matuto tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, kailangan nating patunayan ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito (tingnan sa Juan 7:17; I Mga Taga Tesalonica 5:21).
Noong pinag-aaralan ko ang mga bagay na kumakalaban sa Simbahan, nadama ko na parang literal akong nasa abu-abo ng kadiliman (tingnan sa 1 Nephi 8:23–24; 12:17). Nang tanggapin at pag-aralan ko ang salita ng Diyos para mapalapit sa Kanya, iyon lamang ang kailangan Niya para isugo ang Kanyang Espiritu upang antigin ang aking puso.
Sapat na Ba ang Pag-asa?
Ilang linggo pagkaalis ni Kayson papuntang misyon, binisita ako ng aking stake president. Ikinuwento ko sa kanya kung ano ang nangyari sa mga linggong iyon pagkatapos akong kausapin ng aking mga kapatid. Sinabi ko na gusto kong kumuha ng bagong temple recommend. Itinanong niya kung masasagot ko nang wasto ang mga tanong sa recommend. Nagtapat ako, “President, sa palagay ko ay hindi ko pa masasabing alam ko na totoo ang Simbahan, pero buong puso akong umaasa na totoo ito. At mamumuhay ako alinsunod sa pag-asang iyon. Sapat na ba iyon?”
Napatigil siya sandali at pagkatapos ay nagsabing, “Travis, palaging sapat na iyon.”
May ilang bagay pa akong hinihintay na maunawaan, pero naging napakalinaw na sa akin ng ilang bagay. Alam ko na mahal ako ng Ama sa Langit. Alam ko na maaaring malihis at mahirapan tayo sandali. Pero alam ko na sa pamamagitan ni Cristo, ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ng pag-asang dulot nito, posibleng makabalik sa landas na hahantong pabalik sa Kanya.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.